Pag-ibig (tula)
Ang tulang Pag-ibig ay isang tulang Tagalog na akda ni Jose Corazon de Jesus na inilimbag noong 1926.[1] Tungkol ito sa pag-ibig.
May-akda | Jose Corazon de Jesus |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Tagalog |
Dyanra | Tula |
Paglalarawan
baguhinAng tulang Pag-ibig ay may 9 na saknong na may sukat na 16.
Ang tema ng tula ay pag-ibig, kaya naman nagpapaalala at nagbibigay ang may-akda ng babala na kailangang ingatang mabuti ang damdaming ito lalo na sa mga kabataan. Ito rin ay nakasentro sa masidhing damdamin ng tao kung kaya’t ang teorya nito ay Romatisismo.[2]
Teksto
baguhinNarito ang teksto ng tula.
Pag-ibig
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: Luha
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata
Tumanda ka't nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso!
Pag pinuso, nasa-isip, kaya't hindi mo makuro
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo'y naglalaho
Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!
Ang Pag-ibig na dakila'y aayaw nang matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan,
At ang ilog kung bumaha, tangaan mo't minsan lamang
Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos!
Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog!
Ang Pag-ibig na buko pa'y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na pati mundo'y nalimutan—
Iyan, ganyan ang Pag-ibig, damdamin mo't puso lamang!
Kapag ika'y umuurong sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig
Pag umibig, pati hukay aariin mong langit!
Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag,
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak,
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!
Ako'y hindi makasulat at ang Nanay ay nakabantay!
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal!
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
Minamahal ka na niya nang higpit sa kanyang buhay!
Kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais
Kayong mga paruparong isa ilawan lumiligid
Kapag kayo'y umiibig na, hahanain ang panganib
At pakpak ninyo'y masusunog sa pag-ibig!
Mga Sanggunian
baguhinMga Sipi
baguhin- ↑ Tagalog Poems 2 Naka-arkibo 2019-07-10 sa Wayback Machine. seasite.niu.edu Retrieved July 10, 2019
- ↑ Pagsusuring-basa ng tulang "Pag-ibig" ni Jose Corazon De Jesus abella080820.blogspot.com Retrieved July 10, 2019
Mga Pinagkukunan
baguhin- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 pp. 176-177
- PAG-IBIG ni Jose Corazon de Jesus | markjan markjan-markjan.blogspot.com Retrieved July 10, 2019
- TULA: Pag-ibig (Love) by Jose Corazon de Jesus tagaloglang.com Retrieved July 10, 2019