Pagresiklo ng konkreto
Kapag giniba o kinumpuni ang mga istruktutang gawa sa konkreto, ang paraan para muling magamit ang durog na bato - ang pagresiklo ng konkreto ay nagiging pangkaraniwan ngayon. Ang konkreto ay karaniwang itinatapon noon sa mga imbakan, ngunit dahil sa mga hatid na benepisyo ng muling paggamit ng mga durog na bato, ito ay naging mas nakakaakit-akit na opsyon sa panahong malaki ang pagpapahalaga sa kalikasan, maraming mga batas na pangkalikasan, at sa kagustuhang panatilihing maliit ang gastusin sa konstruksyon.
Ang mga pinagsamasamang konkreto na nakolekta mula sa mga lokasyon ng demolisyon ay inilalagay sa isang makinang pandurog. Ang mga pasilidad para sa pandurog ay tumatanggap lamang ng mga hindi kontaminadong konkreto, na dapat ay walang basura, kahoy, papel, at iba pang mga materyales. Ang mga metal katulad ng rebar ay tinatanggap, dahil maaari naman itong alisin gamit ang mga batobalani at iba pang mga gamit na pang-alis sa metal at tinutunaw ang mga naalis na metal para maiproseso sa ibang lugar upang muli itong magamit. Ang mga natirang pinagsamasamang mga tipak ay inaayos batay sa laki. Ang malalaking tipak ay maaaring dumaan muli sa makinang pandurog. Matapos ang pagdudurog, ang iba pang mga butil ay sinasala gamit ang iba't ibang mga paraan kabilang na ang pamimili gamit ang kamay at ang pagpapalutang sa tubig.
Ang pagdudurog sa mismong lokasyon ng konstruksyon gamit ang portable na pandurog ay nakababawas ng gastusing pangkonstruksyon at ng polusyong malilikha kung ikukumpara sa pagdadala ng mga materyales mula at patungo sa tibagan. Ang mga malalaking road portable plants ay kayang dumurog ng mga konkreto at gamit na aspalto hanggang 600 na tonelada kada isang oras o higit pa. Ang mga sistemang ito ay karaniwang binubuo ng rubble crasher, side discharge conveyor, screening plant, at ng return conveyor na nag-uumpisa sa screen patungo sa pasukan ng pandurog para sa pagpoproseso ng mga naglalakihang materyales. Mayroon ding mga siksik at kumpletong maliliit na pandurog na may kakayahang magproseso ng hanggang 150 na tonelada kada oras at kakasya sa mga maliliit na lugar. Sa pagdating ng paggamit ng pandurog - ang mga konektado sa iba't ibang mga kagamitang pangkonstruksyon, kagaya ng mga maghuhukay - tumataas ang bilang ng mga nagpoproseso sa mismong lokasyong gagawan ng proyekto na may kakaunting dami ng materyales. Sinasaklaw ng mga paggamit na ito ang 100 tonelada kada isang oras at mas mababa pa.