Pananaliksik

sistematikong pag-aaral sa isang paksa, pangyayari, at iba pa

Ang pananaliksik o imbestigasyon ay ang "sistematikong pagsusuri o pagsisiyasat ng isang paksa, pangyayari, at iba pa."[1] Malikhain at sistematikong gawain ang pananaliksik, na ginagawa upang lumawak ang kaalaman."[2] Saklaw nito ang pangongolekta, pag-oorganisa, at pagsusuri sa mga impormasyon para mapalawak pa nang husto ang kaalaman tungkol sa isang paksa o isyu. Maaaring maging isang pagpapalawak sa kaalaman ang layunin ng isang pananaliksik. Madalas itong isinasagawa sa mga paaralan at pamantasan, gayundin sa pribadong sektor (bilang bahagi ng kanilang research & development). Layunin ng mga mananaliksik na tukuyin kung de-kalidad ba ang isang instrumento, mainam ba ang isang pamamaraan, tama ba ang eksperimento, o di kaya'y totoo ba ang isang panukala at teorya.

Etimolohiya

Ang salitang pananaliksik ay ang anyong pangngalan ng pandiwa na saliksik ("maghanap").[1][3] Nanggaling naman ang imbestigasyon sa salitang Kastila na investigación.[4]

Samantala, ang katumbas na salita sa Ingles, research, ay galing naman sa Gitnang Pranses na recherche ("maggalugad"), na nagmula naman sa Lumang Pranses na recerchier ("muling paghanap").[5]

Kasaysayan

 
Kay Galileo nagsimula ang makabagong gawi sa pananaliksik.

Isinilang ang gawaing pananaliksik ng magsimulang magtanong ang mga naunang mga tao sa mundo hinggil sa mga bagay-bagay at nagsimula ring maghanap ng mga kasagutan para sa mga katanungang ito. Halimbawa ng mga ito ang mga lumikha ng gulong at ang mga nagsipagtala ng mga paggalaw ng mga bituin ng kalangitan. Subalit nagsimula lamang ang tunay na makabagong gawi sa pagsasaliksik dahil kay Galileo Galilei noong mga 1500.[6]

Mga gawain

Kabilang sa mga pangunahing gawain sa pagsasaliksik ang mga sumusunod: pagsusukat o pagsusuri ng mga kaganapan o kababalaghan, paghahambing ng nakuhang mga resulta, at ang pag-unawa o pagpapaliwanag ng mga resulta ayon sa mga pangkasalukuyang kaalaman kabilang ang mga nakapagbabagong sangkap, na maaaring makaimpluwensiya sa resulta.

Mga paraan

Upang makapagsaliksik, nagpupunta ang isang mananaliksik sa mga aklatan, museo, laboratoryo nakikipanayam sa mga dalubhasa, at nangongolekta ng mga opinyon sa mga mamamayan. Sa simula, nagbabasa sila ng sangguniang mga aklat na naglalaman ng pangkalahatang kaalaman o may tiyak na mga paksa, katulad ng talahuluganan, ensiklopedya, taunang-aklat, atlas, mapa, globo, at indeks. Nagsisimula ang isang mananaliksik na alamin muna o ganap na unawain ang kaniyang napiling paksa, katanungan, o napiling suliraning ibig tugunin. Mula sa mga aklat na pangsanggunian, inaalam niya ang mga pang-alalay na mga paksang kaugnay ng pangunahing paksa.[6]

Mga uri

Mga pangunahing uri

Kabilang sa mga pangunahing uri o gawi sa pananaliksik ang payak at nilapat na pananaliksik:[6]

  • Basiko o payak na pananaliksik
Tinatawag din itong puro o pundamental na pananaliksik na isinasagawa sa mga laboratoryo o klinikang pang-eksperimento.
  • Nilapat na pananaliksik
Ito ang paglalapat ng mga kaalaman sa mga gawaing pampananaliksik, o paggamit ng mga kaalaman sa pananaliksik na magagamit para sa pagpapaunlad ng lipunan. Kabilang dito ang mga protokol (protokolo) o mga sinusunod at tinutupad na paraan sa mga pananaliksik na klinikal.

Iba pang mga uri

Kasama rin sa mga uri ng pananaliksik ang mga pang-akademya, pang-agham, pampamilihan, pang-edukasyon, pangkasaysayan, pangwika, at may pag-uugnayan ng mga disiplina:[6]

  • Pang-akademya
Iba ito sa pananaliksik na pangedukasyon sa ibaba sapagkat isinasagawa ito ng mga mag-aaral, hindi sila ang pinag-aaralan ng mananaliksik. Nagsasaliksik ang mga estudyante upang makapagsulat ng mga takdang-aralin, sa pamamagitan ng pagbabasa ng maraming bilang ng mga aklat hinggil sa isang paksa, at nagtatala sila sa kanilang mga talaan. Ginagamit din ang gawing ito ng mga manunulat ng mga hindi kathang-isip na mga manuskrito o akda, upang maging tama ang kanilang mga impormasyong ginagamit sa pagsusulat.
  • Pang-agham
Tinatawag din itong Isang pangkaraniwang gawi sa pagsasaliksik ang makaagham na metodo. Ginagamit ang pananaliksik upang mapainam ang mga pagkaunawasa mga larangan ng biyolohiya, at iba pa. Dahil sa pang-agham na gawi ng pagsasaliksik, maaaring maisakatuparan ang pagkakatuklas ng mga bagong gamot na panglunas ng mga karamdaman, ang paglalang ng mga mas hindi-mapanganib na mga sasakyan, at kung paano makapag-aani ng mas maraming mga pagkain sa mga bukirin. Nagmumula sa mga pamahalaan, mga pribadong korporasyon, at mula sa nagbibigay-kusang mga samahan ang suportang pampananalapi sa ganitong uri ng mga pananaliksik.
  • Pampamilihan
Isa itong sangay sa larangan ng sikolohiya sapagkat pinag-aaralan at sinusuri sa pananaliksik na pangmerkado o pangmarket ang kung ano ang mga bagay na binibili ng mga tao at kung paano sila naglilibang pagkatapos ng kanilang mga trabaho.[6]
  • Pang-edukasyon
May kaugnayan sa pagsusuri kung paano natututo ang mga tao sa ganitong uri ng pananaliksik, partikular na sa mga paaralan.[6]
  • Pangkasaysayan
Sinusuri rito ang lahat ng uri ng mga dokumentong katulad ng mga personal na talaan, mga liham, mga batas, mga resibo, mga sertipiko ng pagpapatibay, mga pahayagan, mga magasin, mga aklat, at mga kasangkapang tulad ng mga alahas, mga aparato, at mga kagamitang pantahanan. Ginagamit ito ng mga arkeologo.[6]
  • Pangwika
Tinatawag din itong pananaliksik na lingguwistiko sapagkat pinag-aaralan ang kung paano ginagamit ng mga tao ang sinasalitang wika, ang mga tunog sa wikang sinusuri, at maging ang pag-iimbistiga ng gawi sa pamumuhay ng mga mamamayang nasa isang pook.[6]
  • Sa mga disiplina
May isinasagawa ding mga pananaliksik na nagkakaugnayan ang iba't ibang larangan ng mga kaalaman. Kasama sa pangmakadisiplinang pananaliksik ang multidisiplinaryo, interdisiplinaryo, at transdisiplinaryo. Sa antas na pang-multidisiplinaryo o maramihang mga larangan, isinasagawa ang pagsusuri mula sa iba't ibang mga anggulo, at ginagamitan ng sari-saring mga pananaw ng mga larangan, ngunit hindi nagkakaroon ng pagsasanib. Sa interdisiplinaryo o sa pagitan ng mga larangan, nililikha ang isang katauhan ng metodolohiya o pamamaraan, isang identidad ng panukala (teoriya) o konsepto (diwa), na nagdurulot ng mas pinagsanib at mauunawaang mga resulta. Samantala, mas lumalaktaw sa mga gawi ng mga naunang may-ugnayang panlarangang pananaliksik ang transdisiplinaryo o nagpapalitang (nagsasanib na) mga larangan: sapagkat nagsasanib ang mga larangan o disiplina, kabilang ang pagkakaisa ng mga epistemolohiya, partikular na ang Panukala ng mga Agham Pantao o Teoriya ng Agham Pangtao.

Talababa

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 "saliksik". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong Disyembre 21, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. OECD (2015). Frascati Manual. The Measurement of Scientific, Technological and Innovation Activities (sa wikang Ingles). doi:10.1787/9789264239012-en. ISBN 978-9264238800.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "pananaliksik". Tagalog Lang (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 13, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "imbestigasyon". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong Marso 13, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Research" [pananaliksik]. Merriam-Webster.com (sa wikang Ingles). Merriam-Webster, Inc. Nakuha noong Marso 13, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 6.5 6.6 6.7 "Research, basic and applied research". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)