Ang isang apelyido, pangalan ng angkan o pamilya, o huling pangalan ay isang bahagi (sa ibang kalinangan) ng isang pansariling pangalan na ipinapahiwatig ang pamilya (o angkan o lipi o pamayanan, depende sa kultura) ng isang indibiduwal.[1] Depende sa kalinangan, lahat ng kasapi ng isang yunit ng mag-anak ay maaring may magkakahawig na apelyido o mayroong pagkakaiba batay sa ginagampanan sa kalinangan.

Sa mga nagsasalita ng wikang Ingles, karaniwang tinutukoy ang apelyido bilang huling pangalan o last name dahil nilalagay ito sa dulo ng buong pangalan ng isang indibiduwal, na pagkatapos ng ibinigay na pangalan. Sa maraming bahagi sa Asya, gayon din sa ilang bahagi ng Europa at Aprika, ang pangalan ng angkan ay nilalagay bago ang ibinigay na pangalan ng indibiduwal. Sa mga bansang nagsasalita ng wikang Kastila at wikang Portuges, dalawang apelyido ang karaniwang ginagamit at sa ilang pamilya na inaangkin ang isang koneksyon sa pagkamaharlika, tatlo naman ang ginagamit. Sa Pilipinas, bagaman mayroong impluwensiyang Kastila at Ingles sa karamihan ng paggamit ng apelyido, ang legal na paggamit ng apelyido ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 386 (o Kodigo Sibil ng Pilipinas), Titulo XIII (Artikulo 364 hanggang 380).[2]

Ang mga apelyido ay di palaging mayroon sa kasaysayan at sa ngayon ay di unibersal sa lahat ng kultura. Lumitaw ang ganitong tradisyon na magkakahiwalay sa iba't ibang kalinangan sa buong mundo. Sa Europa, naging tanyag ang konsepto ng apelyido noong panahon ng Imperyo Romano at napalawak sa lahat ng dako ng Mediteraneo at Kanluraning Europa bilang isang resulta. Noong Gitnang Panahon, nawala ang kasanayang ito habang namayani ang impluwensiyang Aleman, Persyan at iba pa. Noong huling bahagi ng Gitnang Panahon, unti-unting bumalik ang paggamit ng apelyido, una sa anyong byanme o palayaw (karaniwang ipinapahiwatig ang trabaho ng indibiduwal o ang pook ng tirahan), na unti-unting naging makabagong apelyido. Sa Tsina, karaniwan na ang apelyido simula noong di bababa sa ikalawang siglo BC.[3]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "surname" (sa wikang Ingles). OxfordDictionaries.com. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 4, 2017. Nakuha noong Oktubre 3, 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Republic Act No. 386" (sa wikang Ingles). Official Gazette of the Philippines. Hunyo 18, 1949. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 8, 2022. Nakuha noong Oktubre 25, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Koon, Wee Kek (Nobyembre 18, 2016). "The complex origins of Chinese names demystified". Post Magazine (sa wikang Ingles).{{cite magazine}}: CS1 maint: date auto-translated (link)