Tsismis

(Idinirekta mula sa Paninirang-puri)

Ang tsismis (Ingles: gossip[1], rumor[1]; Kastila: chismes[2]) ay isang bagay, karaniwang mga pangungusap o kuwento na may kaugnay sa o tungkol sa buhay ng may-buhay[2], na negatibo (isang negatibidad), pasalungat, pakontra, o kabaligtaran, na itinuon sa isang tao o pangkat ng mga tao. Ginagawa at ginagamit ito ng mga tsismoso[2] (lalaki) at tsismosa[2] (babae)  – kilala rin bilang mga madaldal, matabil, masatsat, daldalero (lalaki), daldalera (babae), satsatero (lalaki), at marites o kaya'y satsatera (babae)[2]  – dahil sa udyok ng kanilang sariling inseguridad o "kabuwayahan", upang ibaba o ilugmok ang ibang tao, samantalang iniaangat naman ng mga nagkakalat ng mga tsismis ang kanilang sarili at para makaramdam ng iniisip o hinahangad na "kabutihan" o pagiging mabuti sa mata ng iba na paukol sa sarili.[3]

Dalawang babaeng "magkapatid" sa pagtsitsismisan na may katabing dimonyo.
Mga rebultong naglalarawan kung paano kumakalat ang tsismis magmula sa dalawang matatandang babae sa Alemanya.

Ang tsismis ay kasingkahulugan ng mga sumusunod: satsat, sitsit, yapyap, dada, ngakngak, kiyaw-kiyaw, ngawngaw, taritan, tari-tari, kalantari, dalahira, rumor, sagap, sabi-sabi, bali-balita, balitang kutsero, balitang barbero, bulung-bulungan (binabaybay ding bulungbulungan), parali, alingasngas, tibadbad, higing, balitang kanto, balitang naulinigan,[1] at daldal.[2]

Paglalarawan

baguhin

Ayon kay Tenzin Gyatso, ang ikalabing-apat na Dalai Lama, nakapagpapaikli ng isang araw na tila napakahaba o napakatagal lumipas ang tsismisan subalit ito ang isa sa pinakamasamang pagsasayang ng oras o panahon. Binigay niyang halimbawa ang hinggil sa isang lalaking mananahi na humahawak lamang sa isang karayom habang patuloy sa pagsasalita sa harap ng isang kliyente; dahil sa kanyang gawaing ito hindi natatapos ang kanyang pananahi; at maaari pang matusok pa niya ng karayom ang sariling daliri dahil sa pagkalibang sa pagdaldal. Ipinakakahulugan ng Dalai Lama na nakapipigil ang walang kabuluhang pakikipagtsismisan sa paggawa ng alin mang uri ng gawain.[4]

Batay naman sa Three Minutes a Day (Tatlong Minuto Isang Araw), tomo bilang 35, ng The Christophers, nakapipinsala sa iba at sa sarili ng tsismoso o tsismosa ang pagtsitsismis.[5] dahil, Aklat ng mga Kawikaan ng Bibliya, naglalantad ng mga lihim ang tsismis (Mga Kawikaan 20: 19).[5]

Pangangasiwa

baguhin

Kabilang sa mga paraan upang mapangasiwaan ang mga tsismoso at mga tsismosa, o masugpo ang tsimis, ay ang tuwirang pagtatanong sa mga nagbabalita ng tsismis ng ganito: na kung bakit kailangang malaman pa ng ibang mga tao ang mga bagay-bagay o paksang isinasalo o ibinubunyag nila. O kaya, ang pagtatanong kung paano matutulungan ang taong itsini-tsimis sapagkat ang reputasyon nito ang siyang nakataya.[3] Kaakit-akit naman sa isang hindi tsismoso o tsismosa ang pagkakaroon ng reputasyong may kakayahang mapanatiling sarado ang bibig o hindi magdaldal ng bagay-bagay na pribado, at pagkakaroon ng paghabas, pagtitimpi, pag-iingat, o magpasyang may diskresyon, sapagkat hindi kahali-halina ang gawaing kabaligtaran nito. Bilang dagdag, kahit na sa loob ng pinakamatalik na pakikipag-ugnayan, pakikipagkapwa-tao, o relasyong may pagkakagaanan ng mga kalooban, palaging may pangangailangan ng pagsasaisip ng mga sasabihin, kung paano ito magiging maganda o mainam sa pandinig, o kung paano ito makakaapekto sa makikinig o tagapakinig. Kung minsan, ang bugso, udyok, o "tulak" ng kagustuhan maglantad o magsiwalat ng bagay-bagay o paksa ay isang kagustuhan ng paglalabas ng nakakubling pagnanais na makasakit sa kapwa. Hindi isang kamalian ang pag-isipan muna bago ito gawin, kahit na hinggil ang paksa sa sariling buhay o kaya ng kapwa tao.[5]

Tingnan din

baguhin

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 Gaboy, Luciano L. Gossip, rumor - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 English, Leo James (1977). "Tsismis, tsimoso, tsismosa, atbp". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 1456-1457.
  3. 3.0 3.1 Duquin, Lorene Hanley, Nihil obstat: Reb. Michael Heintz, Ph.D., Imprimatur: Obispo John M. D'Arcy, "Gossip", Four Things that Hurt Parishes, isang polyeto ng Our Sunday Visitor (imbentaryo bilang P841), Our Sunday Visitor, Inc., Huntington, Indiana, ISBN 9781592765591.
  4. Gyatso, Tenzin, His Holiness the Dalai Lama, "Gossip", pagmumuni-muni para sa ika-30 araw ng Oktubre, The Path to Tranquility, Daily Wisdom, inipon at pinanutnugutan ni Renuka Singh, Viking/Arkana, Penguin Group, Lungsod ng Bagong York, pahina 30, ISBN 0670887595
  5. 5.0 5.1 5.2 "Too Close for Comfort", Three Minutes a Day, The Christophers, Tomo 35, matatagpuan sa pahinang may tatak na petsang Abril 22, Lungsod ng Bagong York, Taon: 2000, ISBN 0939055252