Ang pilote ay isang malalim na pundasyon. Karaniwan ginagamit ang pilote kapag ang lupang pagtatayuan ng gusali o istruktura ay mahina o hindi angkop para sa mababang uri ng pundasyon. Ginagamit din ito kung ang lupa ng pagtatayuan ng istruktura ay maaaring matangay ng erosyon.

Mayroong dalawang uri ng pilote. Maaaring ito ay ibinabaon o hinuhulma/hinuhukay. Ang pilote na ibinabaon ay inihahanda na bago pa man ito gamitin. Maaaring ito ay gawa sa konkreto o kaya naman ay sa bakal. Ang piloteng ito ay ibinabaon sa lupa gamit ang makinang pile driver. Sa kabilang banda, ang piloteng hinuhulma naman ay ginagawa lamang mismo sa lugar kung saan ito ilalagay. Binubuo ito sa pamamagitan ng paghuhukay muna sa lupa kung saan ito kailangan ilagay. Ang laki ng hukay ay batay na rin sa kung ano ang kailangan. Pagkatapos nito ay lalagyan ito ng bakal na suporta at saka ibubuhos ang konkreto.

May kani-kaniyang mga kalakasan at kahinaan ang dalawang uri ng piloteng ito. Ang piloteng ibinabaon ay mas maliit kaysa sa piloteng hinuhulma. Subalit dahil din dito, mas malaki ang kapasidad ng piloteng hinuhulma kumpara sa piloteng ibinabaon. Kung presyo naman ang titingnan, mas mahal ang paggamit ng piloteng ibinabaon kung ikukumpara sa paggamit ng piloteng ibinabaon. Lubhang napakaingay ng paggawa ng pundasyon kung piloteng ibinabaon ang gagamitin kaya mahirap itong gamitin kung madami nang mga taong nakatira sa paligid ng istrukturang itinatayo.

Ang pagpili ng kung anong uri ng pilote ang gagamitin ay batay na rin sa kung ano ang sitwasyon sa lugar at pati ang badyet na nakalaan dito. Nagkakaroon din ng papel sa pagpili ng uri ng piloteng gagamitin ang mismong istruktura na gagawin. Para sa mga mas maliliit ng gusali, kadalasang mas mainam ang mga piloteng ibinabaon at para naman sa mas malalaking istruktura ang piloteng hinuhulma.

Nagagawang dalahin ng pilote ang bigat ng isang istruktura sa pamamagitan ng paggamit ng lakas o kakayahan ng lupa kung saan ito nakapatong at gayundin ang kiskisan sa pagitan ng lupa at kahabaan ng pilote.

Mga sanggunian

baguhin
  • Das, B. M., 1982. Introduction to Soil Mechanics. The Iowa State University Press. (sa Ingles)
  • Das, B. M., 1990. Principles of Foundation Engineering. 2nd ed. United States of America. PWS-KENT Publishing Company. (sa Ingles)