Si Radoje Domanović (Pebrero 16, 1873 – Agosto 17, 1908) ay isang manunulat, mamamahayag at gurong Serbiyo na pinakakilala sa kanyang mga satirikong maikling kuwento.[1]

Radoje Domanović
Kapanganakan4 Pebrero 1873 (Huliyano)
  • (Topola Municipality, Šumadija District, Serbia)
Kamatayan4 Agosto 1908 (Huliyano)
NagtaposUnibersidad ng Belgrado
Trabahomanunulat, guro, manunulat ng science fiction, mamamahayag, editor

Talambuhay

baguhin

Ipinanganak si Radoje Domanović sa nayon ng Ovsište sa Gitnang Serbia. Siya ay anak ng guro at negosyante na si Miloš Domanović at ni Persida Cukić, na inapo ni Pavle Cukić, isang komandante ng militar noong Una at Ikalawang Himagsikang Serbiyo. Lumaki siya sa nayon ng Gornje Jarušice malapit sa Kragujevac, kung saan siya nag-aral ng elementarya. Nag-aral siya ng gitnang paaralan sa Kragujevac, at pumasok sa Departamento ng Pilosopiya sa Unibersidad ng Belgrade, kung saan kumuha siya ng kurso sa wika at kasaysayan ng Serbia.[1]

Noong 1895, natanggap ni Domanović ang kanyang unang posisyon bilang guro, at natalaga sa Pirot, sa timog Serbia, isang rehiyon na kalalaya lamang mula sa Imperyong Otomano. Sa Pirot, nakilala niya si Jaša Prodanović (1867–1948), isang guro at aktibista na tumulong sa paghubog ng kanyang politikal na pananaw. Doon niya rin nakilala ang magiging asawa niya na si Natalija Raketić (1875–1939), isang mahirap na guro mula sa Sremski Karlovci. Susuportahan siya nito sa kanyang maikli at magulong buhay, at nagkaroon sila ng tatlong anak.[1]

Simula nang sumali siya sa Partido ng Masang Radikal, ang oposisyon, nakabanggaan niya ang rehime ng dinastiyang Obrenović. Matapos ang taong 1895 ay inilipat siya sa Vranje, at noong 1896 ay nilipat muli sa Leskovac. Nagsimula ang buhay manunulat ni Domanović habang siya ay nagtuturo, at nailimbag ang una niyang makatotohanang maikling kuwento noong 1895. Makaraang humarap sa publiko bilang kontra-gobyerno noong 1898, siya at ang asawa niya ay tinanggal sa serbisyo, at lumipat si Domanović kasama ang pamilya sa Belgrade.[1]

Nakatrabaho niya sa Belgrade ang mga kapwa manunulat sa “Zvezda” (Tala), isang lingguhang peryodiko, at ang maka-oposisyong pahayagan na “Odjek” (Alingawngaw). Sa panahong iyon siya nagsimulang magsulat at maglimbag ng kanyang mga satirikong kuwento, tulad ng “Demonyo” at “Pagbawal sa damdamin.” Nakilala nang husto si Radoje nang nalimbag ang mga pinakasikat na kuwento niya, ang “Pinuno” (1901) at “Alipinan” (1902), kung saan tahasan niyang inatake at nilantad ang pagkukunwa at mga pagkakamali ng rehime.[1]

Makalipas ang kudeta na tumapos sa pamumuno ni Aleksander Obrenović noong 1903, sa rurok ng kanyang kasikatan ay tumanggap ng posisyon si Domanović bilang manunulat sa Kagawaran ng Edukasyon. Pinayagan siya ng bagong pamahalaan na pumunta sa Alemanya para sa isang taon ng pagsasanay. Doon ay tumira siya sa Munich. Pagbalik niya sa Serbia, nadismaya si Radoje sa kawalan ng tunay na pagbabago sa lipunan. Nagsimula siya ng sariling peryodikong lingguhan, ang “Alipinan” kung saan patuloy niyang pinuna ang kahinaan ng pumalit na demokrasya, ngunit wala na rito ang tapang at inspirasyon na nasa dati niyang mga akda.[1]

Pumanaw si Radoje Domanović trenta minutos pagkalipas ng hatinggabi noong Agosto 17, 1908 sa edad na 35, pagkatapos ng matagal na pakikipaglaban sa pabalik-balik na pulmonya at tuberkulosis. Nilibing siya sa Bagong Libingan sa Belgrade. Sa gitna ng Unang Digmaang Pandaigdig ay nawala ang natitira niyang mga akda na hindi pa nailimbag.[1]

Mga akda

baguhin

Ilan sa mga pinakakilalang akda ni Radoje Domanović ang:

  • Alipinan, 1902
  • Demonyo, 1898
  • Kapiling muli ni Kraljević Marko ang mga Serbiyo, 1901
  • Katwiran ng isang karaniwang bakang Serbiyo, 1902
  • Makabagong himagsikan, 1902
  • Pagbawal sa damdamin, 1898
  • Pinuno, 1901
  • Tatak ng panghero, 1899
  • Tuyot na dagat, 1902

Sanggunian

baguhin

Mga Kawing Panlabas

baguhin

Kompletong akda ni Radoje Domanović