Salomon de la selva
Si Salomón de la Selva (Marso 20, 1893 – Pebrero 5, 1959) ay ang kinikilalang tagabunsod at pinuno ng Pan-Amerikanong panulaan sa panitikang Latino-Amerikano. Sa wikang Ingles, ito ay kilala bilang Pan Americanism. Itinalaga niya ang kanyang sarili bilang pinuno ng kilusang ito. Isinulong niya sa maraming paraan ang pampanitikang pakikipagugnayan at palitan sa pagitan ng Hilagang Amerika at Timog Amerika. Sa dyanra na panulaan makikita ang simbuyo ng kanyang damdamin bilang pinuno ng nasabing kilusan. Sa katunayan, si de la Selva ay mayroong pambihira at kapansin-pansin na personalidad sa New York noong panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig. Siya ay isang mabalasik at tagubata na makatha mula sa Nikaragua. Kilala siya bilang tagasalaysay ng matatayog na kuwento tungkol sa kanyang buhay. Siya ay kilala rin bilang isang tagasalin ng mga tulang Ingles sa wikang Espanol at panulaang Latino-Amerikano sa wikang Ingles. Bilang isang Hispanikong makata, siya ay naging tanyag dahil sa kanyang unang libro ng mga tula na nakasulat sa wikang Ingles—“Tropikong Bayan at iba pang mga Tula” (Tropical Town and Other Poems). Nang dahil sa librong ito, siya ay nabansagan bilang isang taong mapangarapin na naniniwala na kaya ng panitikan, partikular na ang dyanra ng panulaan, na lumikha ng isang espirituwal and pandiwang bigkis sa pagitan ng Estados Unidos at sa mga kontinente ng republika ng mga Latino. Pinaniniwalaan din niya na ang “bukang-liwayway” ng isang bagong siglo na puno ng pag-asa sa Amerika ay natatamasa na. Ito ay kaniyang winika sa magasin na “Pan American Poetry” (Panulaang Pan Amerikano) bilang punong patnugot at editor nito. Hindi nagtagal ang pahayagang ito na kilala bilang isang magasin ng mga awit at tula sa wikang Ingles at Kastila.
Ang nailalathalang salaysay ukol sa buhay ni de la Selva, bagama’t pahapyaw at hindi buo, ang siyang nagsisilbing bakas at tagapagpahiwatig ng kanyang likas na kakayahan sa wika, balyenteng disposisyon at natatanging misyon na may kaugnayan sa kilusang Pan-Amerikanismo. Sinipi ng “The New York Herald” na ang kanyang lipi ay kalangkap ang mga “pangunahing Aztec at mga Kastilang mananakop” at ang isa sa kanyang mga lelang “ay isang babaing Ingles na nagmula sa isang maharlikang pamilya.”
Ang Kabataan at Edukasyon ni de la Selva
baguhinSiya ay ipinanganak sa noong 1894 sa Leon, Nicaragua. Siya ay anak ng isang tanyag na abogado na lumaban sa diktador na si Jose Santos Zelaya na siya ring pangulo ng Nicaragua. Noong siya ay labindalawang taong gulang, ang kanyang ama ay nabilanggo na siya nag-udyok kay Salomon na harapin si Zelaya sa isang pampublikong pagtitipon. Siya ay nagbigay ng isang matalinong talumpati tungkol sa usapin ng karapatang pantao na siyang hinangaan ng pangulo. Dahil sa aksyon na ito, inutos ni Zelaya na palayaan ang kanyang ama, at sa gulang na labintatlo, siya ay binigyan ng iskolarship upang makapagaral sa Estados Unidos. Tinanggap niya ito at naglakbay sa Hilaga kung saan una siyang nakapagaral sa akademyang pansadatahan sa Newton Hall (Newton Hall Military Academy) sa New Jersey, pagkatapos ay lumipat siya sa Westerleigh Collegiate Institute sa Staten Island, na nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makilala ang mundo at lipunan ng New York. Noong namatay ang kanyang ama noong 1910, siya ay bumalik sa Nicaragua kung saan itinalaga ng gobyerno na siya ay kukupkupin bilang isang sanggalang ng bayan. Nanatili siya sa Nikaragua nang higit pa sa isang taon kung saan siya ay nakapag-aral ng batas. Dito rin niya nakasalamuha ang iba pang mga manunula ng bayan.
Ang Pakikipagkaibigan sa mga Pamosong Makata
baguhinNoong taong 1911, sa tulong na rin ng isang kaibigan ng kanyang pamilya, nakabalik si De la Selva sa New York upang muling ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Sa pagkakataong ito, panitikan ang napiling aralin ni de la Selva at hindi batas at pag-iinhinyero na nais ng kanyang ama para sa kanya. Marami siyang kinuhang kurso sa iba’t-ibang kolehiyo ngunit wala siya natapos kahit isa man sa mga ito. Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang isang manunula at isang tao na malakas ang pampanitikang disposisyon. Nagin malimit ang pagsulat niya ng mga tula. Dahil sa malikhaing gawain na ito ni De la Selva, nakilala niya ang bantog na makata ng Nicaragua na si Edwin Markham. Si Markham ang nagtatag ng Panulaang Samahan ng Amerika (Poetry Society of America). Maraming binigay na oportunidad si Markham kay De la Selva at itinuring niya rin ito bilang kanyang protehido.
Sa pagitan ng mga taong 1913 hanggang 1915 mga panahong naging kaibigan niya si Markham, nagtrabaho si De la Selva bilang isang guro ng Ingles, kasaysayan at matematika sa kanyang dating paaralan, ang Westerleigh Institute. Sa panahon ng taglagas noong 1914, nakilala niya ang pinakatanyag na makata ng Nikaragua na si Ruben Dario, na mula rin sa Leon at nakapanatili rin ng ilang buwan sa New York. Nanilbihan si De la Selva bilang tagapagsalin ni Dario sa iba’t ibang mga pagtitipon sa siyudad. Siya rin ang kamay-akda ni Dario sa salin ng koleksiyong ng mga tulang pinamagatang “Labing-isang Tula ni Ruben Dario” (Eleven Poems of Ruben Dario) na inilathala ng Samahang Hispaniko ng Amerika (Hispanic Society of America). Ito ang naging unang libro na nailathala ni De la Selva. Sa taong 1915, unti-unting nakilala ang kakanyahan ni De la Selva bilang isang kritiko ng panitikan at makata. Sa isyu ng “The Forum” para sa buwan ng Hulyo, isang kilalang magasin sa nakabase sa New York (isa ito sa mga tanyag na magasin kaagapay nito ang “Atlantic Monthly” at “Harper’s Magazine”), inilathala niya niya ang isang mahabang tula na pimagatang “Isang Kuwento Mula sa Faerieland” (A Tale from Faerieland). Ito ang unang tula na kanyang nailimbag.
Taong 1915, pagkatapos niya mailimbag ang tulang “Faerieland”, umibig si De la Selva kay Edna St. Vincent Millay, ang kaakit-akit na bituin ng panulaang Amerikano. Si De la Selva misyeryosong lalaki sa pamoso niyang tulang pinamagatang “Recuerdo” na tungkol sa pagsakay sa Staten Island Ferry: “Lubusan ang ating pagkahapo, lubusan ang ating kaligayahan, / Tayo ay nagpabalik-balik nang buong gabi sa lantsang pantwid.”(In English: “We were very tired, we were very merry, / We had gone back and forth all night on the ferry. . . .”)[1] Sinabi rin ni De la Selva na siya ang kanyang kinahuhumalingan noong mga panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig.
Noong mga panahong ito, aktibong isinalin ni De la Selva si Millay at iba pang makata ng Estados Unidos sa wikang Espanyol kasama rito sina Amy Lowell, Robert Frost, Wallace Stevens, Joyce Kilmer, Edgar Lee Masters, Vachel Lindsay, Muna Lee and Carl Sandburg. Isinalin din niya sa Wikang Ingles ang makata sa Latino-Amerikano tulad nina Ruben Dario (Nikaragua), Pedro Prado (Chile), Carlos Pezoa Veliz (Chile), Arturo Capdevila (Argentina), Jose Santos Chocano (Peru), Rufino Blanco-Fombona (Venezuela), Froylan Turcios (Honduras), Rafael Lopez (Mexico) at Enrique Gonzalez Martinez (Mexico).
Noong 1917, unti-unting nakilala ang reputasyon ni De la Selva bilang isang makata. Siya ay nailalathala sa mga kilalang magasin tulad ng “Poetry”, “Harper’s” at “Contemporary Verse.” Disyembre noong taong iyon, isang artikulo sa “Pan-American Magazine” ang nailathala at dito sinabi: “Kung wala nang hihigit pa sa dalawang bituin na sina Ruben Dario at Salomon de la Selva sa poetikong papawirin ng Latino-Amerikano, ang isa ay naitakda na ang kanyang kapalaran at ang isa ay unti-unting sumisikat dahil sa kanyang makislap na pantasya, ang ideya na ang Latino-Amerikano ay ang aluyan ng kadalubhasaan ay mananatiling isang katunayan[2] (ayon kay Elliot). Siya ay naging abala rin sa pagsasalin ng mga tula para sa kanyang magasin na naka-iskedyul na ilathala sa susunod na taon.
Ang Panulaang Pan Amerikano
baguhinNaging mahalaga ang taong 1918 sa talubatang pampantikang karera ni de la Selva. Pebrero nang taong iyon nailathala ang kanyang magasin na pinamagatang “Panulaang Pan Amerikano” (Pan American Poetry). Mayo taong 1918, ang kanyang libro ng mga tulang pinamagatang “Tropikong Bayan” ay matagumpay at may pagbubunying na nailathala. Mayroong dalawampu’t apat na pahina ang magasin at ang mga tula rito ay mayroong bilingguwal na pagsasaayos. Ito ay ipinagbili sa halagang dalawampung sentimos. Sa pambungad na pahayag na pinamagatang “Ang Ating Layunin” (“Our Purpose”), ipinahayag ni de la Selva kung anong ang layunin ng panulaang Pan Amerikano (Pan American Poetry).
Ang panulaang Pan Amerikano ay mayroong hangarin na pagbuklurin ang mga tao na siyang lalaban, sa tulong na rin ng tapat na kalooban at mabuting pakikipagkapwa ng mga tao, para sa proteksiyon ng kaugnayang nabuo sa pamamagitan ng diplomasya at mahusay at makataong pakikitungo. Matiyaga itong ipaglalaban ng panulaang Pan Amerikanismo. Ang mga editor nito ay mayroong malakas na paniniwala na makikita ng kinabukasan na kaya ng panulaan o ng panitikan na palakasin at pausbongin at komersyal, pangkaisipan at moral na pakikipagugnayan sa pagitan ng dalawang malaking kalahati ng kontinente. Sa panitikan, magsisimula ang dapit-umaga na ito.
Ang tula ni de la Selva na pimagatang “Para sa mga Hindi Interesado sa Kilusang Pan Amerikanismo” ang nagsilbing epigrap ng kanyang aklat at dito makikita kung paano niya pinalawak ang ideolohiyang ito:
Ako ang taong nangarap na ang bagong araw ay mamitak
Kaya’t bumangon ng hatinggabi nang may pagtangis
At nagtungo kung saan marami ang nahihimbing sa tulog
Kanilang inihunhon lamang ang kanilang mga unan at naghigab
At muling bumalik sa pagtulog. Ngayon sa mabaluktot
Na kailaliman ng kadiliman ang aking mga paa ay may kulasyong
Aligutgot, at hinihintay ko ang pagal, huling,
Unutil, bangaw, at ang sakit ng buong mundo,
Oo, ngayon ako ay babagsak. Hayaan ito. Alam ko
Na sa isang dako mayroong sinapupunan na sagana sa aking salita:
Ito ang magpapalawak sa hinog at hinirang na araw;
Sa isang dako sa silangan ay mayroong tindig na kumikinang;
Ngunit wala kang matatamasang bukang-liwayway hangga’t ang latigo at espada
At ang dumadaloy na dugo ang siyang tataboy sa iyong paghipig![3]
Ito ang tula sa wikang Ingles na pimagatang “To Those Who Have Been Indifferent to the Pan American Movement”:
I am the man who dreamed the new day dawned
And so arose at midnight with a cry
And came to where the many sleepers lie
Who only pushed their pillows up and yawned
And fell asleep again. Now in the curled
Abysses of the dark my feet are fast
Entangled, and I wait my weary last
Impotent, mad, and sick of all the world.
Yea, now I fall. So let it be. I know
Somewhere a womb is pregnant with my word:
Bigging it bides the ripe appointed day;
Somewhere the east is all with rose aglow;
But you shall know no dawn till whip and sword
And good blood flowing drive your sleep away![4]
Ang libro na ito na naglalaman ng animnapu’t limang tula ay gumagamit ng tradisyonal na rima, sukat at anyo at nahahati rin sa apat na bahagi: “Ang Aking Nikaragua”; “Sa Bagong Inglatera at iba pang mga Liriko”; “Sa Oras ng Digmaan”; at “Ang Kuwento mula Faerieland.”[5] Ninanais ng libro na ito ni de la Selva na magbigay ng inspirasyon sa mga Amerikanong mambabasa at maipakita ang mga hangarin ng mga Hispano-Amerikano. Ang librong Tropikong Bayan ay ang panawagan ni de la Selva na bumuo ng tulay at plataporma upang magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga Ingles at Espanyol na naninirahan sa kontinente.
Ang unang isyu ng “Pan American Poetry” ang siya ring naging huling isyu nito dahil sa mga problemang pinansyal bagaman ipinagpatuloy ito ni de la Selva sa magasin ng Pan Amerikanismo (Pan American Magazine) na inililimbag kada buwan sa New York. Mula Abril hanggang Agosto 1918, ang magasin na ito ay naglalabas na isang espesyal na seksyon na may pamagat na “Panulaang Pan Amerikano” kaagapay ng mga artikulo na naglalayon na palawakin ang kaalaman tungkol sa ekonomikong krisis at pananamantala sa Latino-Amerikano. Nilalaman din ng aklat na ito ang ilang mga salin at sanaysay. Ipinahayag ni de la Selva na sa tulong ng magasin na ito ay mapitagan niyang naipagpatuloy ang ambisyosong proyekto na kanyang nasimulan. Sinabi rin niya ang seksyon sa Pan Amerikanismo ay ang kanyang regalo sa mga mambabasa. Sa isyu ng magasin para sa buwan ng Agosto, naglathala ang pahayagan ng isang pamamaalam para kay de la Selva na nagsasabi na siya laging aalalahanin ng mga kapisanang pampanitikan sa New York. Siya ay dalawampu’t apat na taong gulang lamang. Ang kanyang panulaang Pan Amerikano ay walang kaparis. Binalak niya na muli itong buhayin na nagudyok sa kanya na itaguyod ang pondo para sa Pan Amerikanismo (Pan American Poetry Fund) na siyang magiging pundasyon para sa muling pagsasabuhay ng Panulaang Pan Amerikano bilang isang malayang publikasyon.
Ang Kanyang Pampantikang Karera Pagkatapos ng Digmaan
baguhinSa kabila ng pagiging tanyag ni de la Selva sa kanyang mga naisulat at hangarin noong mga panahon ng digmaan, naging mas malakas ang kanyang pangangailangan na makiisa sa digmaan kaysa sa pagtataguyod ng kilusang Pan Amerikanismo. Napagtanto niya na mas mahalaga ang tungkulin niya para sa bayan sa pamamagitan ng paglaban sa digmaan. Hindi siya tinanggap ng hukbo ng mga Amerikano dahil siya ay hindi mamamayan ng Estados Unidos. Hindi niya itinakwil ang kanyang Nikaraguanong pagkamamamayan. Noong July 1918, naglabas ang New York Herald ng isang artikulo na pinamagatang “Isang Nikaraguanong Makata Umanib sa Sandatahang Lakas” kalakip ang isang larawan kung saan makikita na siya ay nanunumpa bilang si “Private 56478, Coy H sa 3rd Royal North Lancashire Regiment.”[6]
Bumalik si de la Selva sa New York pagkatapos ng digmaan. Nanantili siya rito bago tuluyang bumalik sa kanyang bayan noong 1921. Ang pananakop ng mga Amerikano sa Nikaragua, sa tulong na rin ng sentral Amerika at ilang mga pamamagitan nito, ang pumawi sa kanyang paniniwala na kaya ng panitikan na bumuo ng isang relasyong sagana sa respeto at pagkakaunawaan. Sa kabila nito, naging malaking bahagi pa rin ng kanyang buhay ang panitikan partikular ang panulaan bagama’t tumigil na siya sa paglalathala ng mga tula. Noong 1922, nailathala niya ang unang aklat niya ng mga tula na nakasulat sa wikang Espanyol ang “Ang Hindi Kilalang Sundalo” (El soldado desconocido / The Unknown Soldier). Ang aklat na ito ay isang eksperimental na pagpapatunay tungkol sa digmaan na kanyang naranasan sa Europa na nagtaguyod sa kanya na maging isang matulaing at pampanitikang puwersa sa sentral Amerika. Ito rin ang kanyang ambag sa modernong panulaan ng panitikang Latino-Amerikano.
Ang Pag-iwan sa sa Kilusang Pan-Amerikanismo
baguhinSa huli, iniwan din ni de la Selva ang Pan-Amerikanismo bilang kanyang tugon sa mapanakop na adyenda ng Estados Unidos. Pagbalik niya sa kanyang bayan sa Nikaragua, siya ay nanilbihan bilang pinuno ng mga manggagawa at tagapagsalita ni Augusto Cesar Sandino kung saan sinuportahan niya ang himagsikan nito laban sa mga Amerikanong mananakop. Naging mahalagang personalidad si de la Selva sa larangan ng panitikan at politika sa gitnang Amerika. Siya ay namatay noong taong 1959 sa gulang na 65. Siya ay inilibing sa Grand Cathedral of Leon kung saan nakahimlay rin si Dario at iba pang mga luminaryo.
Sa Estados Unidos, siya ay inaalala bilang isang tagasalin at tagapagtaguyod ng panulaang Latino-Amerikano. Siya ang tagabunsod ng isang mahalagang bahagi ng panitikan ng Estados Unidos na siyang nagpapalawak ng hangganan ng panulaan sa pamamagitan ng pagsasalin. Ito rin ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng buklod ang America sa pamamagitan ng berso. Ito ang naging panlabang sigaw ni Salomon de la Selva: “Mabuhay ang Panulaang Pan-Amerikano!”
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Millay, Edna St. Vincent. “Recuerdo.” Sa Poetry 14.2 (May 1919): 68.
- ↑ Elliot, L. E. “Ilang Makata ng Chile” (Some Poets of Chile). Sa Pan-American Magazine 26.2 (December 1917): 64-71
- ↑ Ito ay salin ni Jan Raen Carlo M. Ledesma, isang magaaral sa paaralang gradwado ng Unibersidad ng Santo Tomas. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang titulo sa Ph.D. sa Panitikan.
- ↑ “Pan American Poetry.” Sa Pan-American Magazine 27.1 (May 1918): 35-52
- ↑ https://archive.org/details/tropicaltownand00selvgoog
- ↑ Sirias, Silvio. "Introduction." Tropical Town and Other Poems. By Salomon de la Silva. Houston: Arte Publico, 1999. 1-56.