Suliranin ni Edipo

Sa teoriyang sikoanalitiko, ang katagang Suliranin ni Edipo (Ingles: Oedipus complex), na kilala rin bilang Takot ni Edipo, Kompleks ni Edipo, Kumplikasyon ni Edipo, Kasalimuotan ni Edipo, Salimuot ni Edipo, Problema ni Edipo, o kaya ay Krisis ni Edipo ay nagpapakahulugan ng mga damdamin at mga ideya na itinatago ng isipan sa kawalan o hindi napapansing kamalayan ng isang tao, sa pamamagitan ng masiglang represyon o pagpipigil, na nakatuon sa pagnanais o pagnanasa na seksuwal na maangkin ang sarili niyang ina, at patayin ang kanyang sariling ama.[1][2] Si Sigmund Freud, na nag-imbento ng katagang Kompleks ni Edipo, ay naniniwalang ang kasalimuotan o takot na ito ay isang kagustuhan para sa ina ng kapwa mga kasarian (naniniwala si Freud na ang mga batang babae ay may isang pagkaakit na homoseksuwal sa kanilang ina); hindi sumasang-ayon si Freud sa katagang Kompleks ni Elektra, isang katawagan na ipinakilala ni Carl Gustav Jung. Nagaganap ang kompleks ni Edipo sa pangatlong — yugtong pangtiti (edad 3–6) — ng limang mga yugto ng kaunlarang sikoseksuwal: (i) ang Pambibig, (ii) ang Pambutas ng puwit, (iii) ang Pangtiti, (iv) ang Pamamahinga (dormant) (v) ang Pangkasarian — kung saan ang pinanggagalingang kaligayahan sa libido ay nasa isang magkakaibang mga sonang erohenosa ng katawan ng sanggol o bata.

Sa klasikal na teoriyang sikoanalitiko, ang pagkilala ng bata sa magulang na katulad ng kanyang kasarian ay ang matagumpay na resolusyon o pagkalampas sa Kompleks ni Edipo at ng Kompleks ni Elektra; ito ang susing karanasang sikolohikal ng batang lalaki at ng batang babae upang umunlad bilang isang taong may hinog na gampaning pangkasarian o gampaning seksuwal at katauhan o pagkakakilanlan. Idinagdag pa ni Sigmund Freuid ang pagmumungkahi na nalulunasan ng mga batang babae at ng mga batang lalaki ang kanilang mga kompleks (takot o kasalimuotan) sa magkaibang paraan — ang lalaki sa pamamagitan ng takot sa pagkapon, at ang babae ay sa pamamagitan ng pagseselos sa titi; at mga hindi matagumpay na paglampas o pagtugon ay maaaring humantong sa neurosis, pedopilya, at homoseksuwalidad. Kung kaya, ang kalalakihan at kababaihan na nakapirmi sa mga yugtong pang-Edipo at pang-Elektra ng kanilang kaunlarang sikoseksuwal ay maaaring maituring na “nakatuon sa ina” o “nakatuon sa ama” na nalalantad kapag ang katalik (kaparehang seksuwal) ay kahawig ng kanyang ina at ama.

Bilang isang Freudiano pangsikolohiyang metapor na naglalarawan ng kumpetisyon o pagtatagisang (pakikipagtaasan) sikoseksuwal sa pagitan ng anak na lalaki at ng ama para sa pag-angkin sa ina, ang suliranin ni Edipo ay hinango mula ika-5 BK na tauhang si Edipo ng mitolohiyan Griyego, na hindi sinasadyang napatay ang sarili niyang amang si Laius, at napangasawa ang sarili niyang inang si Jocasta, (cf. Haring Edipo, ni Sophocles, ca. 429 BK). Bilang isang sikyatriko, iminungkahi ni Sigmund Freud (1856–1939) na ang kompleks ni Edipo ay isang pandaigdigan at pangsikolohiyang kababalaghan o penomenon na likas na kaakibat (pilohenetiko) sa mga tao, at sanhi ng mabigat na hindi namamalayang pagdama ng pagkakasala; kaya’t inilarawan ni Freud ang lalaking si Edipo sa ganitong mga pananalita:

Nakababagabag ng damdamin ang kanyang kapalaran sapagkat maaari itong mangyari sa atin — dahil nilatag ng Orakulo ang kahalintulad na sumpa sa atin bago tayo ipinanganak na katulad ng sa kanya. Ito ang kapalaran nating lahat, na ituon an gating unang impulsong seksuwal sa ating ina at an gating unang pagkamuhi at ang una nating masamang hangarin laban sa ating ama. Kinukumbinsi tayo ng ating mga panaginip na ganiyan nga ito.[3]

Sa klasikal na teoriyang sikoanalitiko, nagaganap ang suliranin ni Edipo sa panahon ng yugtong pangtiti (mas tumpak na “yugto ng galit na titi” sapagkat nangangahulugan ang salitang Ingles na phallic ng “galit na titi” na sagisag ng “pagkaakit” at “pagnanasa”) ng kaunlarang sikoseksuwal (edad 3–6 mga taon) kung kalian nagaganap din ang pagbubuo ng libido o pagnanasang seksuwal at ng ego; bagaman hindi nito inililitaw ang sarili sa isang maagang edad.[2][4]

Ebolusyon ng teoriyang maka-Edipo

baguhin

Ang kronolohiyang may anim na hakbang ng teoretikong ebolusyon ng suliraning maka-Edipo ni Sigmund Freud ay ang mga sumusunod:

  • Hakbang 1. 1897–1909. Pagkaraan ng kamatayan ng kanyang ama noong 1896, at nang mapanood na niya ang dulang Oedipus Rex, ni Sophocles, nagsimulang gamitin na ni Freud ang katagang “Oedipus” o Edipo.
  • Hakbang 2. 1909–1914. Iminungkahi niya na ang pagnanasang maka-Edipo ay ang “nukleyar na kompleks” (pangunahing suliranin o gitna ng mga suliranin) ng lahat ng mga neurosis; unang paggamit ni Freuid ng katawagang “kompleks ni Edipo” noong 1910.
  • Hakbang 3. 1914–1918. Isinaalang-alang ni Freud ang pakikiapid sa kamag-anak ng ama (paternal) at ng ina (maternal).
  • Hakbang 4. 1919–1926. Nabuo niya ang kompleks ni Edipo; ang identipikasyon at biseksuwalidad ay may lantad na diwa sa huli niyang mga akda.
  • Hakbang 5. 1926–1931. Ginamit o nilapat niya ang teoriyang pang-Edipo sa relihiyon at kaugalian.
  • Hakbang 6. 1931–1938. Inimbestigahan ni Freud ang “pambabae na kaasalang Edipo” at ang “negatibong kompleks ni Edipo”; sa paglaon naman ay ang “suliranin ni Elektra”[5]

Ang suliranin ni Edipo

baguhin

Sa loob ng yugtong pangtiti, ang mapagpasyang karanasang sikoseksuwal ng isang batang lalaki ay ang suliranin ni Edipo — ang kanyang kalagayan ng pakikipagtunggali sa pagitan ng anak at ng ama. Ito ay nasa ikatlong yugto ng sikoseksuwal na pag-unlad (edad 3–6) kung kalian ang henitalya ng bata ay ang kanyang pangunahing sonang erohenosa; kung kaya, kapag ang mga bata ay namulat na sa kanilang mga katawan, mga katawan ng iba pang mga bata, at mga katawan ng kanilang mga magulang, binubusog nila ang kanilang kuryosidad na pangkatawan sa pamamagitan ng paghuhubo’t hubad at panggagalugad sa sarili, sa bawat isa, at sa kanilang mga organong pangkasarian (henitalya), kung kaya’t natututunan nila ang pagkakaibang pang-anatomiya sa pagitan ng “lalaki” at ng “babae” at ng pagkakaibang pangkasarian sa pagitan ng “batang lalaki” at ng “batang babae”.

Sikoseksuwal na inpantilismo (sikoseksuwal na pansanggol o pambata) — Sa kabila ng pagiging pangunahing tagapagbusog ng mga pagnanasang pambata ng ina, ang bata ay nagsisimulang bumuo ng isang lihim na katauhang seksuwal— “batang lalaki”, “batang babae” — na nagpapabago sa dinamika o kalakaran ng ugnayan ng magulang at ng bata; ang mga magulang ay nagiging pinagtutuunang mga bagay ng inpantil o pansanggol na enerhiyang libidinal o pampagnanasa. Itinutuon ng batang lalaki ang kanyang libido o pagnanasang seksuwal sa kanyang ina, at naglalaan ng pagseselos at pakikipagtunggaling pandamdamin laban sa kanyang ama — dahil sa siya ang natutulog na katabi ng kanyang ina. Bilang dagdag pa, upang maisagawa ang pagkakalapit sa ina, ang id ng batang lalaki ay nagnanais na patayin ang ama (katulad ng ginawa ni Edipo), subalit ang pragmatiko o maunawaing ego, na batay sa prinsipyo ng realidad (prinsipyo ng katotohanan), ay nakakaaalam na mas malakas ang ama kung paghahambingin ang dalawang mga lalaking nagtatagisan na maangkin ang iisang babae. Gayunpaman, nananatiling nag-aatubili o nag-aalangan ang batang lalaki hinggil sa lugar o posisyon ng ama sa loob ng mag-anak, na lumilitaw bilang pagkatakot na putulan ng titi (pagkatakot na makapon) dahil sa mas makapangyarihan o mas malakas na katawan ng ama; ang takot na ito ay isang hindi makatwiran at hindi namamalayang manipestasyon o kinatawan ng bata o sanggol pang Id.[6]

Depensang sikolohiko — Sa kapwa mga kasarian, ang mga mekanismong pangdepensa ang nagbibigay ng mga resolusyong transitoryo ng hidwaan o pagsasalungatan sa pagitan ng mga kagustuhan ng Id at ng mga kagustuhan ng Ego. Ang unang mekanismong pansanggalang ay ang represyon, ang pagharang ng mga alaala o memorya, mga impulsong pandamdamin, at mga ideyang nagmumula sa isipang may malay; bagaman ang galaw o kilos nito ay hindi nakatutugon o nakalulunas sa paglalabanan ng Id at ng Ego. Ang ikalawang mekanismong pangdepensa ay ang identipikasyon, na sa pamamagitan nito ang bata ay nagsaanib, papunta sa kanyang ego, ng mga katangiang pangkatauhan o pampersonalidad ng magulang na may kahalintulad na kasarian; sa pakikibagay na ito, napaglalaho ng batang lalaki ang kanyang pagkatakot na makapon, dahil ang kanyang pagiging kawangis ng ama ang nagpuprutekta sa kanya mula sa galit ng kanyang ama na sanhi ng pakikipagtagisan na maangkin ang ina; sa pakikibagay na ito, ang batang babae ay nakapagsasakatuparan ng pagkilala sa ina, na nakakaunawa, na dahil sa kanilang pagiging mga babae, na wala silang titi, kung kaya’t hindi sila dapat mag-away.[7]

Dénouement (Delubyo) — Ang hindi nalulunasang tagisan sa pagitan ng anak na lalaki at ng ama para sa pag-angking sikoseksuwal sa ina ay maaaring humantong sa isang pananatili na nasa yugtong pangtiti na maaaring makapagsanhi sa isang batang lalaki na maging isang lalaking nasa wastong edad ngunit agresibo, labis na ambisyoso, at walang pag-asa. Kung kaya, ang mainam na pangangasiwa at pagbibigay-lunas ng magulang sa suliraning maka-Edipo ay pinakamahalaga sa pagpapaunlad ng panlalaking pansanggol na super-ego, sapagkat, sa pagiging katulad ng isang magulang (pagkilala sa magulang), ang batang lalaki ay sumasailalim ng internalisasyon o nakapagpapaloob sa kanyang sarili ng diwa ng Moralidad, kung kaya’t pinipili niyang tumupad o sumunod sa mga patakaran ng lipunan, sa halip na maging sunu-sunuran lamang ngunit labag sa kalooban na sumusunod dahil sa takot na maparusahan.

Pambabaeng pag-uugali na maka-Edipo

baguhin

Noong una, patas na ginamit ni Freud ang suliranin ni Edipo sa kaunlarang sikoseksuwal ng mga batang lalaki at ng mga batang babae, subalit binago niya pagdaka ang mga bagay-bagay na pambabae ng teoriya upang maging pambabaeng kaasalang maka-Edipo at negatibong suliranin ni Edipo;[8] subalit ang kanyang estudyante at kolaborador (mag-aaral at katulong sa larangan) na si Carl Jung, ang nagmungkahi noong 1913 ng suliranin ni Elektra upang ilarawan ang pagtatagisang pang-anak na babae at pang-ina, na nasa batang babae, para sa sikoseksuwal na pag-angkin ng ama.[9]

Sa loob ng yugtong pangtiti, ang kompleks ni Elektra ay ang pampagpapasiya na sikodinamikong karanasan sa pagbuo ng isang lihim na katauhang seksuwal (ego). Sa kabila kung saan ang isang batang lalaki ay nagkakaroon ng pagkatakot na kapunin, ang batang babae naman ay nagkakaroon ng pagka-inggit sa titi na nag-ugat sa katotohanang pang-anatomiya: na dahil sa kawalan ng isang titi, hindi niya maaangkin ang ina, na hinihingi ng pansanggol na id. Dahil dito, itinutuon ng batang babae ang kanyang pagnanasa na makaisang seksuwal ang ama, na sumusulong sa pemininidad o pagkababaeng heteroseksuwal, na nagwawakas sa pagkakaroon ng isang anak, na pumapalit sa nawawalang titi.[10] Bilang karagdagan pa, pagkaraan ng yugtong pangtiti, kabilang sa kaunlarang sikoseksuwal ng batang babae ang paglilipat ng kanyang pangunahing sonang erohenosa magmula sa pansanggol na tinggil papunta sa puki na pang-adulto o babaeng nasa hustong gulang na.

Kung kaya’t isinaalang-alang ni Freud ang negatibong suliraning maka-Edipo ng isang batang babae bilang mas masidhi sa damdamin kaysa sa ng isang batang lalaki, na maaaring magresulta sa personalidad o katauhang (pagkatao) sunud-sunuran at walang tiwala sa sariling nasa edad nang babae;[11] na katulad ng maaaring maganap sa isang hindi nalulunasang suliraning maka-Elektra, ang pagtatagisang sikoseksuwal upang maangkin ang ama sa pagitan ng anak na babae at ng ina, na hahantong sa piksasyon o pananatili na pangyugtong pangtiti na makapaghuhubog ng isang adultong babae na patuloy na nakikibaka upang mapangibabawan ang kalalakihan (iyong “pagkainggit sa titi”), bilang isang hindi pangkaraniwang babaeng mapang-akit (seduktibo at may mataas na pagtanaw sa sarili) o kaya bilang isang babaeng sunud-sunuran lamang (may mababang pagtingin sa sarili). Kung kaya, pinaka mahalaga ang katanggap-tanggap o akmang pangangasiwa at paglulunas ng magulang sa suliranin ni Elektra para sa pagpapaunlad ng pambabaeng pangsanggol na super-ego, dahil sa pagiging katulad o pagkilala sa magulang, nakapagpapaloob (internalisasyon) ang batang babae ng Moralidad; kung kaya’t pinipili ng batang babae na tupdin ang mga patakarang panlipunan, sa halip na sumunod ngunit labag ang kalooban dahil sa takot na mapatawan ng kaparusahan.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Charles Rycroft A Critical Dictionary of Psychoanalysis (London, ika-2 edisyon. 1995)
  2. 2.0 2.1 Joseph Childers, Gary Hentzi eds. Columbia Dictionary of Modern Literary and Cultural Criticism (New York: Columbia University Press, 1995)
  3. Sigmund Freud The Interpretation of Dreams Chapter V “The Material and Sources of Dreams” (New York: Avon Books) p. 296.
  4. Charles Rycroft A Critical Dictionary of Psychoanalysis (London, ika-2 edisyon, 1995)
  5. Bennett Simon, Rachel B. Blass “The development of vicissitudes of Freud’s ideas on the Oedipus complex” na nasa The Cambridge Companion to Freud (University of California Press 1991) p.000
  6. Allan Bullock, Stephen Trombley The New Fontana Dictionary of Modern Thought (London:Harper Collins 1999) pp. 607, 705
  7. Allan Bullock, Stephen Trombley The New Fontana Dictionary of Modern Thought (London:Harper Collins 1999) pp. 205, 107
  8. Freud, Sigmund (1956). On Sexuality. Penguin Books Ltd.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. “Sigmund Freud 1856–1939”, Encyclopaedia of German Literature (London:Routledge 2000) Nakuha noong 2 Setyembre 2009:
  10. Appignanesisi & Forrester (1992)
  11. Allan Bullock, Stephen Trombley The New Fontana Dictionary of Modern Thought Harper Collins:London (1999) pp. 259, 705