Politika

Ayon kay Heywood[1]Ang politika sa isang malawak na pagtingin, ay isang gawain kung saan ang tao ay gumagawa, nagpapanatili at nagbabago ng pangkalahatang umiiral na mga batas at tuntunin sa loob ng kanilang kinabibilangang pamayanan. Samakatuwid, ito ay isang proseso na sumasaklaw sa mga hakbangin ng mamamayan na kumilos upang mas mapabuti ang kanilang kalagayan sa ilalim ng kinikilala nilang batas. Ang politika ay pagpapasya sa pamamagitan ng isang kolektibo at sama-samang hangarin ng mamamayan na maisulong ang tuntunin na dapat umiral sa kanilang pamayanan na kanilang kikilalanin na makapangyarihan at dapat nilang tupdin. Sa ganitong lagay, maaaring bigyang-pansin ang pagkakaruon ng alitan at kasunduan[1]. Sa proseso ng paggawa, pagpapanatili o pagbabago ng batas, ang dalawang konseptong ito ay hindi maiiwasan. Bunga ng pagkakaiba-iba, nagkakaroon ng alitan sa kaisipan, pagtatalo ng mga isinusulong na interes at kagustuhan at tunggalian ng mga opinyon at posisyon. Dahil dito, nagkakaroon ng hindi pagsang-ayon at dito umuusbong ang politika. Ang politika ang siyang gawain kung saan ang mga pangkat o grupo ay nakatatagpo ng isang kolektibong desisyon sa pamamagitan ng pagtaya na matugunan at masolusyunan ang mga kinikilalang pagkakaiba-iba sa pagitan nila.[2]. Ang ideyang ito ay nagpapatunay lamang na ang politika ay hindi isang madaling gawain. Isa itong mahabang proseso na kinauugnayan ng magkakaibang opinyon at kaisipan na kinakailangang mapag-isa upang makabuo ng isang desisyon na maglulunsad sa pagtatatag ng isang umiiral na batas at mga tuntunin. Lumulutang din sa konseptong ito na ang politika ay isang gawaing hindi maiiwasan, isa itong pagkilos na hindi mawawala saanmang aspeto ng buhay. Hindi ito maiiwasan sapagkat sa bawat bahagi ng buhay at lipunan, pribado o pampubliko man, ang pagtanggi o pagkakaruon ng mga pagkakaiba-iba ay hindi maaaring hindi umusbong. Ang pagkakaiba ng opinyon, kagustuhan, pangangailangan, kaisipan, at mga interes ang nagbibigay-diin na ang politika, saan mang proseso at gawain ay tiyak na matatagpuan. Ayon nga kay Aristoteles, Ang tao ay likas na politikal.[3] Kung ang tao ay likas na politikal, siya ay likas na kabilang sa mga gawaing pampolitikal.


  1. 1.0 1.1 Heywood, Andrew. (2007). Politics. 3rd edition. New York: Palgrave Macmilian. pahina. 3-4.
  2. Hague, Rod at Harrop, Martin. (2007) Comparative Government and Politics: An Introduction. 7th edition. New York: Palgrave Macmilian. pahina 3-4.
  3. Ronas, Malaya. (2005). Angkan ni Socrates: Gabay sa Panimulang Talakayan sa Kaisipang Kanluran hinggil sa Lipunan, Ekonomiya, at Politika. Lungsod Quezon : Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas. pahina 22.