Pagkabalisa sa pagkapon

(Idinirekta mula sa Takot na makapon)

Ang pagkabalisa sa pagkapon, pagkabahala sa pagkapon, o takot sa pagkapon (Ingles: castration anxiety, castration complex) ay ang takot sa pagkaputol ng titi at ng bayag (takot na sumailalim sa proseso ng emaskulasyon), na kapwa may diwang literal at patalinghaga o metaporikal.

Literal

baguhin

Ang pagkabalisa sa pagkapon ay ang namamalayan o hindi namamalayang pagkatakot na mawala ang lahat o bahagi ng organong pangkasarian, o ang tungkulin o pagiging may buhay ng mga bahaging ito. Sa sikoanalisis ni Sigmund Freud, ang pag-aalala sa pagiging kapon (kastrationsangst) ay tumutukoy sa hindi namamalayang takot ng pagkawala ng titi na nagmula sa panahon ng yugtong pangtiti ng kaunlarang seksuwal at nagtatagal na panghabang-buhay. Ayon kay Freud, kapag ang batang lalaki ay namulat na sa pagkakaiba sa pagitan ng kasariang panlalaki at pambabae, ipinapalagay ng batang lalaki na ang titi ng babae ay tinanggal, kaya't siya ay nagiging balisa dahil puputulin ito ng kanyang katunggali. Ang "katunggali" na tinutukoy dito ay ang taong tumatayo bilang ama o ang mismong ama ng batang lalaki, bilang isang kaparusahan sa pagnanais ng batang lalaki sa ina o gumaganap na ina.[1]

Noong ika-19 daantaon sa Europa, madalas na pinagbabantaan ng mga magulang ang kanilang mahaharot na mga anak na lalaki na puputulan nila ng titi (kastrasyon) ang mga ito o kaya ay pagbabantaang sasaktan nila ang titi at bayag ng mga ito. Ang temang ito ay tinalakay sa kuwentong pinamagatang Tupik na isinulat ng Pranses na manunulat na si Michel Tournier sa kanyang kalipunan ng mga kuwentong tinawag na Le Coq de Bruyère (1978) at isang penomenon na idinokumento ni Freud nang maraming ulit.[2]

Metaporikal

baguhin

Ang pagkabalisa sa pagiging kapon ay maaari ring tumukoy sa simbolikong pagkakapon. Ang simbolikong pagkatakot sa kastrasyon ay tumutukoy sa takot na mapahiya o libakin, mapangibabawan o maging walang halaga, karaniwang isang hindi makatwiran o irasyonal na takot kung saan ang isang tao ay hahantong sa labis na pagsagip sa sariling karangalan, at makadama o tanawin ang mga bagay na pangkaraniwan o hindi gaanong mahalaga bilang nakakapahiya o nakapagpapababa ng sarili, na nakapagpapalimita at kung minsan ay nakapangwawasak. Maaari rin itong sumapi sa literal na pagkabalisa sa kastrasyon kapag nagkaroon ng takot sa pagkawala ng birilidad (pagkalalaki) o pangingibabaw na seksuwal.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Sigmund Freud, "The Passing of the Oedipus Complex"
  2. Tingnan, bilang halimbawa, ang akda ni Sigmund Freud na 'The Dissolution of the Oedipus Complex' (1924)