Tokugawa Yoshinobu

Si Prinsipe Tokugawa Yoshinobu (徳川 慶喜, kilala rin bilang Keiki; Oktubre 28, 1837 – Nobyembre 22, 1913) ay ang ika-15 at kahuli-hulihang shōgun ng Shogunatong Tokugawa sa Hapon. Naging bahagi siya ng kilusang naglayon na ireporma ang matandang shogunato, ngunit ito ay hindi nagtagumpay. Matapos siya magbitiw sa puwesto noong 1867, siya ay nagretiro at umiwas mula sa atensyon ng publiko magmula noon.

Prinsipe

Tokugawa Yoshinobu
徳川 慶喜
Si Tokugawa Yoshinobu bilang shōgun, 1867
Shōgun
Nasa puwesto
Agosto 29, 1866 – Nobyembre 19, 1867
Monarko
Nakaraang sinundanTokugawa Iemochi
Sinundan niTinanggal
Itō Hirobumi (punong ministro)
Miyembro ng House of Peers
Nasa puwesto
1902–1910
Personal na detalye
Isinilang28 Oktubre 1837(1837-10-28)
Edo
Yumao22 Nobyembre 1913(1913-11-22) (edad 76)
Bunkyō
HimlayanSementeryong Yanaka
Pangalang Hapones
Kanji徳川 慶喜
Hiraganaとくがわ よしのぶ
Katakanaトクガワ ヨシノブ

Kabataan

baguhin

Ipinanganak sa Edo si Tokugawa Yoshinobu bilang Matsudaira Shichirōmaro[1], ang ikapitong anak na lalaki ng daimyō ng Mito na si Tokugawa Nariaki. Isa ang kanilang pamilya sa gosanke, ang tatlong pangunahing sangay ng angkang Tokugawa na maaaring pagpilian ng uupo bilang shōgun. Bahagi rin ang ina niyang si Prinsesa Arisugawa Yoshiko ng pamilyang Arisugawa-no-miya, isang sangay ng angkang imperyal; bunga nito, si Yoshinobu ay kamag-anak ni Emperador Ninkō, na nanungkulan noong panahong iyon. Pitong buwang gulang si Shichirōmaro nang siya ay ihatid sa Mito noong 1838 upang ipag-aral. Doon siya tinuruan sa panitik at sining pandigma, pati na sa mga saligan ng politika at pamamahala sa paaralan ng dominyong iyon, ang Kōdōkan.[2]

 
Si Yoshinobu na naka-damit panseremonya

Sa pag-uudyok ng kanyang ama, inampon si Shichirōmaro ng pamilyang Hitotsubashi upang mabigyan ng mas malaking tsansang maluklok sa pagka-shōgun[3] at pinangalangang Akimune. Isa naman ang mga Hitotsubashi sa gosankyō, ang tatlong karagdagang sangay ng angkang Tokugawa. Noong 1847, naging pinuno si Akimune ng pamilya nang siya ay maging ganap na binata at mabigyan ng kanyang ranggo sa korteng imperyal. Muli rin siyang nagpalit ng pangalan, ngayon bilang Yoshinobu.[4] Nang mamatay ang ika-13 shōgun na si Iesada noong 1858, ininomina si Yoshinobu bilang kasunod nito sa puwesto,[5] dahil sa diumanong galing at bisa niya sa pangangasiwa sa kanyang angkan. Subalit, nanalo ang kalaban nitong panig na pinamunuan ni Ii Naosuke. Nailuklok sa puwesto ang kanilang kandidato na si Tokugawa Yoshitomi, na siyang nanungkulan bilang ika-14 na shōgun na si Iemochi.[6] Di naglaon, sa gitna ng Purgang Ansei, inilagay sa house arrest si Yoshinobu at ang iba niyang mga taga-suporta.[7] Bukod pa rito, pinagbitiw si Yoshinobu mula sa pagkapinuno ng pamilyang Hitotsubashi.

Naging talamak ang kapabayaan at pamumulitika sa pamahalaang Tokugawa sa pamumuno ni Ii. Nang siya ay paslangin noong 1860, ibinalik si Yoshinobu bilang pinuno ng pamilyang Hitotsubashi, at kalauna'y itinalaga bilang tagapagtanggol ng shōgun (将軍後見職, shōgun kōken-shoku).[8] Kasabay nito, naluklok din ang dalawa niyang pinakamalapit na kaalyado, sina Matsudaira Yoshinaga at Matsudaira Katamori, sa matataas na posisyon: si Yoshinaga bilang tagapangasiwang politikal (政治総裁職, seiji sōsai-shoku),[9] at si Katamori bilang punong tagapagtanggol ng Kyoto (京都守護職, Kyoto shugoshoku).[10] Sama-sama nilang nagsagawa ng mga hakbang upang sugpuin ang kaguluhan sa paligid ng Kyoto, at nagtipon ng mga kaalyado upang kalabanin ang mapaghimagsik na dominyo ng Chōshū. Naging mahalaga silang tagapagtaguyod ng kōbu gattai, ang pagkakasundo ng shogunato at korteng imperyal.[11]

Noong 1864, hinirang si Yoshinobu bilang pinuno para sa pagtatanggol sa palasyong imperyal (禁裏御守衛総督, kinri go-shuei sōtoku). Noong taon ding iyon, tinalo niya ang puwersa ng Chōshū sa binansagang Insidenteng Kinmon sa tulong ng koalisyon ng mga dominyo ng Aizu at Satsuma.[12]

Shōgun (1866–1867)

baguhin
 
Ang misyong militar ng Pransya sa Hapon, na inanyayahan ni Tokugawa Yoshinobu para sa modernisasyon ng kanyang hukbo, noong 1867

Pagkamatay ni Tokugawa Iemochi noong 1866, napili si Yoshinobu na humalili sa kanya, at naging ika-15 shōgun.[13] Nag-iisa siya sa mga ito na ni minsang nanungkulan mula sa Edo; ni hindi siya nakatapak sa Kastilyo ng Edo bilang shōgun.[14] Sa kanyang pagkaupo, agad siyang nagsimula ng mga malawakang pagbabago upang maireporma at palakasin ang pamahalaang Tokugawa. Halimbawa nito ang paghingi ng tulong mula sa Ikalawang Imperyong Pranses, sa pamamagitan ng pagsagawa ng armeriya sa Yokosuka sa pangangasiwa ni Léonce Verny, at ang pagpapadala ng isang misyong militar upang imodernisa ang mga hukbo ng shogunato.[15]

Pinalakas ang mga hukbong katihan at dagat, parehong binuo sa ilalim ng mga Tokugawa, sa tulong ng mga Ruso, pati na ng Misyong Tracey mula sa Royal Navy ng Inglatera. Nakalakap din ang pamahalaan ng armas at kagamitan mula sa Estados Unidos.[16] Naging pananaw ng marami na patungo na sa panibagong lakas at kapangyarihan ang shogunatong Tokugawa. Subalit, bumagsak din ito paglaon ng kulang isang taon.

Digmaang Boshin (1868–69)

baguhin

Dahil sa kanilang takot sa muling pagpapalakas ng shogunatong Tokugawa sa ilalim ng isang malakas at marunong na pinuno, nagsanib-puwersa ang mga samurai mula sa mga dominyo ng Satsuma, Chōshū, at Tosa upang labanan ito. Bunga ng kanilang pagtataguyod ng sonnō jōi (尊皇攘夷, "pamitaganan ang Emperador, palayasin ang mga barbaro") at takot sa isang bagong shōgun na patuloy na aagawin ang kapangyarihan ng Emperador, naglayon silang pabagsakin ang shogunato sa kani-kanilang paraan. Higit na moderado ang katayuan ng Tosa; nagmungkahi lamang ito ng kompromiso kung saan magbibitiw si Yoshinobu bilang shōgun, ngunit mamumuno pa rin siya ng isang konsehong pampamahalaan na bubuuin ng iba't ibang mga daimyō. Upang makamit ito, nanawagan kay Yoshinobu ang daimyō ng Tosa na si Yamanouchi Toyonori, pati na ang kanyang tagapayo na si Gotō Shōjirō, upang magbitiw.[17]

Noong ika-9 ng Nobyembre, 1867, ipinarating ni Yoshinobu sa Emperador ang kanyang pagbibitiw. Matapos ang 10 araw, pormal siyang bumabâ sa puwesto at tuluyan nang ibinalik ang kapangyarihang mamahala sa Emperador.[18] Nilisan din niya ang Kyoto at nagtungo ng Osaka. Subalit, habang sang-ayon ang Satsuma at Chōshū sa isang konseho ng mga daimyō, tutol ang mga ito na si Yoshinobu ang mamuno nito.[17] Lihim silang nakakuha ng ediktong imperyal[19] na nanawagan ng puwersa laban kay Yoshinobu (na natuklasan ding huwad)[20] at nagpadala sa Kyoto ng napakaraming sundalo mula sa Satsuma at Chōshū. Sa isang pagpupulong sa korteng imperyal, tinanggalan din si Yoshinobu ng lahat ng titulo at ari-arian,[21] bagama't wala siyang ginawa na maaaring isipin na marahas o kriminal. Hindi isinama sa pagpupulong na ito ang sinumang maaaring tumutol dito.[20] Mariing tumutol si Yoshinobu sa mga pangyayari at sumulat ng isang liham protesta na ipapadala dapat sa korteng imperyal.[22] Sa pag-uudyok ng mga pinuno ng Aizu, Kuwana, at iba pang mga dominyo, at bunga rin ng dami ng mga sundalong Satsuma at Chōshū sa Kyoto, ipinahatid niya ang kanyang liham sa pamamagitan ng isang malaking puwersa ng sundalo.[23]

Nang makatuntong sa labas ng Kyoto ang mga sundalong Tokugawa, hinarang ang mga ito at inatake ng puwersang Satsuma at Chōshū. Dito nagsimula ang Labanan sa Toba–Fushimi, ang unang engkuwentro ng Digmaang Boshin.[24] Bagama't higit na nakararami ang puwersang Tokugawa, iniwan sila ni Yoshinobu at tumakas patungo sa Edo nang malaman niya na itinaas na ng Satsuma at Chōshū ang bandilang imperyal.[25] Inilagay niya ang kanyang sarili sa boluntaryong pagkakapiit, at ipinarating sa korteng imperyal ang kanyang pagsuko. Subalit, napagkasunduan na aampunin at gagawing pinuno ng angkang Tokugawa ang batang Tayasu Kamenosuke, na pinuno lamang ng isang sangay ng pamilya nito.[26] Pagdating ng ika-11 ng Abril, ibinigay sa hukbong imperyal ang Kastilyo ng Edo,[27][28] at nailigtas ang lungsod mula sa matinding labanan.

Kasama ni Kamenosuke (na pinangalanang Tokugawa Iesato), lumipat si Yoshinobu sa Shizuoka. Ilang siglo rin ang nakaraan, doon din nagretiro ang tagapagtatag ng shogunatong Tokugawa na si Tokugawa Ieyasu. Ginawang daimyō ng bagong-likhang Dominyo ng Shizuoka si Iesato, ngunit pagkalipas ng ilang taon ay tinanggalan din ng kapangyarihang ito nang tuluyang tinanggal ang mga dominyo.

 
Si Tokugawa Yoshinobu na naka-unipormeng pang-korte

Marami rin sa mga hatamoto, mga samurai na direktang nanilbihan sa mga Tokugawa, ang inilipat sa Shizuoka, ngunit marami sa mga ito ay hindi nakahanap ng pangsustento sa sarili. Naging sanhi ito ng karamihan upang kamuhian si Yoshinobu; para sa iba, umabot ito sa pagnanais na patayin siya.[29] Nabatid ito ni Yoshinobu, at sa kanyang takot na mapaslang ay binago ang pagkakaayos ng kanyang tulugan upang malito ang sinumang maaaring pumatay sa kanya.

Katandaan

baguhin

Naging tahimik ang buhay ni Yoshinobu mula sa kanyang pagreretiro. Nahilig siya sa maraming larangan, tulad ng oil painting, pamamana, pangangaso, potograpiya, at pagbibisikleta.[30] Sa kasalukuyan, ilan din sa kanyang mga retrato ay inilimbag ng kanyang apo sa tuhod na si Yoshitomo.

Noong 1902, pinahintulutan ng Emperador Meiji si Yoshinobu na muling itatag ang kanyang pamilya bilang sangay ng angkang Tokugawa. Ginawaran din ito ng pinakamataas na titulong noblesa, ang prinsipe (kōshaku), dahil sa kanyang tapat na paglilingkod sa Hapon.[31] Naging miyembro rin siya ng House of Peers dahil dito, at kalauna'y nagbitiw din noong 1910. Namatay si Tokugawa Yoshinobu noong ika-21 ng Nobyembre, 1913, 4:10 ng hapon, at inilibing sa Sementeryong Yanaka sa Tokyo.

Noong ika-9 ng Enero, 1896, ikinasal ang kanyang ikasiyam na anak na si Tsuneko, at si Prinsipe Fushimi Hiroyasu, pinsan nina Emperador Shōwa at Emperatris Kōjun, at pamangkin ni Prinsipe Kan'in Kotohito.

Noong ika-26 ng Disyembre, 1911, isinilang din ang kanyang apo na si Kikuko. Sa kanyang pagtanda, ikinasal siya kay Prinsipe Takamatsu, ang nakababatang kapatid ng Emperador Shōwa, at naging Prinsesa Takamatsu.

 
Larawan ni Tokugawa Yoshinobu sa kanyang pagtanda

Mga parangal

baguhin

Naglalaman ng impormasyon mula sa kaakibat na artikulo sa Wikipediang Hapones

  • Prinsipe (Hunyo 3, 1902)
  • Dakilang Kordon ng Orden ng Sumisikat na Araw (Abril 30, 1908)
  • Dakilang Kordon ng Orden ng mga Bulaklak ng Paulownia (Nobyembre 22, 1913; postumo)

Ranggo sa korteng imperyal

baguhin
  • Ikatlong ranggo (Enero 6, 1847)
  • Mababang ikalawang ranggo (Nobyembre 29, 1865)
  • Mataas na ikalawang ranggo (Enero 10, 1867; tinanggalan, Nobyembre 1, 1869)
  • Mababang ika-apat na ranggo (iginawad, Pebrero 14, 1872, kasunod ng pagkakatanggal noong 1869)
  • Mataas na ikalawang ranggo (Mayo 18, 1880, ibinalik)
  • Mababang unang ranggo (Hunyo 20, 1888)

Mga panahon ng shogunato ni Yoshinobu

baguhin

Maaaring ituring gamit ng higit sa isang pangalang pampanahon (nengō) ang mga taon kung kailan nanungkulan bilang shōgun si Yoshinobu:

Tingnan din

baguhin

Mga tala

baguhin
  1. Takano, Tokugawa Yoshinobu, p. 26. Hindi ginamit ng mga anak ng panginoon ng Mito ang apelyidong Tokugawa maliban kung sila mismo ay maupo sa puwestong iyon.
  2. Takano, p. 28.
  3. Takano, p. 38.
  4. Takano, p. 48.
  5. Borton, Japan's Modern Century, p. 40.
  6. Borton, pp. 39–40.
  7. Takano, pp. 12–13.
  8. Murray, Japan, p. 362; Kobiyama, Matsudaira Katamori no shōgai, p. 75; Bolitho, Collapse of the Tokugawa Bakufu, p. 9.
  9. Kobiyama, p. 75.
  10. Takano, pp. 132–133.
  11. Kobiyama, pp. 84–87; Totman, p. 45; Takano, p. 20.
  12. Tingnan ang Japan 1853–1864, Or, Genji Yume Monogatari, salin ni Ernest Mason Satow. (Tokyo: Naigai Shuppan Kyokai), para sa karagdagang impormasyon.
  13. Borton, p. 63.
  14. Tokugawa, Tokugawa yonbyakunen no naishobanashi, vol. 2, p. 162.
  15. Sims, French Policy Towards the Bakufu and Meiji Japan, 1854–95, p. 236.
  16. Treat, Japan and the United States: 1853–1921, p. 89
  17. 17.0 17.1 Beasley, The History of Modern Japan, p. 96.
  18. Takano, p. 256.
  19. Beasley, The History of Modern Japan, p. 96.
  20. 20.0 20.1 Yamakawa, Aizu Boshin Senshi, pp. 7–9.
  21. Beasley, p. 97; Yamakawa, Aizu Boshin Senshi, p. 148–151.
  22. Totman, p. 416. Para sa kopya ng orihinal na teksto ng liham, tingnan ang Yamakawa, pp. 89–90.
  23. Totman, p. 417.
  24. Sasaki, pp. 23–24; Bolitho, pp. 420–422.
  25. Kobiyama, p. 124.
  26. Griffis, The Mikado: Institution and Person, p. 141.
  27. Takano, p. 267.
  28. Tokyo, an administrative perspective. Tokyo Metropolitan Government. 1958. p. 21. Nakuha noong 9 Abril 2011.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  29. Tokugawa Munefusa, Tokugawa yonbyakunen no naisho banashi, vol. 1, p. 131
  30. Tokugawa, pp. 136–138.
  31. Takano, p. 273.

Mga sanggunian

baguhin
  • Beasley, William G. (1963). The modern history of Japan. (New York: Praeger).
  • Borton, Hugh (1955). Japan's Modern Century. (New York: The Ronald Press Company).
  • Griffis, William Elliot. (1915). The Mikado: Institution and Person. (Princeton: Princeton University Press).
  • Kobiyama Rokurō (2003). Matsudaira Katamori no shōgai. (Tokyo: Shin Jinbutsu Ōraisha).
  • Murray, David (1905). Japan. (New York: G.P. Putnam's Sons).
  • Sasaki Suguru (1977). Boshin sensō. (Tokyo: Chūōkōron-shinsha).
  • Sims, Richard L. (1998). French Policy Towards the Bakufu and Meiji Japan, 1854–95. (London: Routledge).
  • Takano Kiyoshi 高野澄 (1997). Tokugawa Yoshinobu: kindai Nihon no enshutsusha 德川慶喜 : 近代日本の演出者. (Tokyo: Nihon Hōsō Shuppan Kyōkai 日本放送出版協会).
  • Tokugawa Munefusa 徳川宗英 (2004). Tokugawa Yonhyaku-nen no naisho-banashi 徳川四百年の内緒話 Vol. 1. (Tokyo: Bungei-shunju).
  • Tokugawa Munefusa 徳川宗英 (2004). Tokugawa Yonhyaku-nen no naisho-banashi 徳川四百年の内緒話 Vol. 2: Raibaru tekishō hen. (Tokyo: Bungei-shunju).
  • Tokugawa Yoshitomo 徳川慶朝 (2003). Tokugawa Yoshinobu-ke ni Yōkoso: Wagaya ni tsutawaru aisubeki "Saigo no Shogun" no Yokogao 徳川慶喜家にようこそ わが家に伝わる愛すべき「最後の将軍」の横顔. (Tokyo: Bungei-shunju). ISBN 4-16-765680-9
  • Totman, Conrad (1980). The Collapse of the Tokugawa Bakufu, 1862–1868. (Honolulu: University of Hawai'i Press)
  • Treat, Payson J. (1921). Japan and the United States: 1853–1921. (New York: Houghton Mifflin Company).
  • Yamakawa Kenjirō (1933). Aizu Boshin Senshi. (Tokyo: Tokyo Daigaku Shuppankai).

Karagdagang pagbabasa

baguhin
  • Matsuura Rei 松浦玲 (1975). Tokugawa Yoshinobu: shōgun-ke no Meiji-ishin 德川慶喜 : 将軍家の明治維新. (Tokyo: Chūōkōronsha 中央公論社).
  • Satow, Ernest Mason, trans. (1905). Japan 1853–1864, Or, Genji Yume Monogatari. (Tokyo: Naigai Shuppan Kyokai).
  • Shibusawa Eiichi 渋沢栄一, ed. (1967–1968) Tokugawa Yoshinobu-kō den 德川慶喜公伝. (Tokyo: Heibonsha 平凡社).

Piksiyon

baguhin
  • Shiba, Ryōtarō (1998). The Last Shogun: The Life of Tokugawa Yoshinobu, trans. Juliet Winters Carpenter. (New York: Kodansha International). ISBN 1-56836-246-3
Mga tungkuling pang-militar
Sinundan:
Tokugawa Iemochi
Shōgun
Tokugawa Yoshinobu

August 29, 1866 – November 19, 1867
Shogunate abolished