Si Thomas "Tom" Sawyer ay ang tauhan sa pamagat at bidang tauhan sa nobelang Ang mga Pakikipagsapalaran ni Tom Sawyer (1876) na isinulat ni Mark Twain. Lumitaw siya sa tatlong iba pang mga nobela ni Twain: Ang mga Pakikipagsapalaran ni Huckleberry Finn (1884), Si Tom Sawyer sa Ibayong-Dagat (1894), at Si Tom Sawyer, ang Detektibo (1896). Lumitaw din si Sawyer sa hindi bababa sa tatlong pang mga hindi natapos na akda ni Twain, ang Si Huck at Tom sa Piling ng mga Indiyan (Huck and Tom Among the Indians), Burol ng Bahay-Paaralan (Schoolhouse Hill), at Ang Sabwatan ni Tom Sawyer (Tom Sawyer's Conspiracy). Habang ang tatlong hindi natapos na mga akda ay nailathala pagkaraan ng kamatayan ni Mark Twain, tanging ang Tom Sawyer's Conspiracy lamang ang mayroong buong balangkas, dahil sa itinigil ni Twain ang natitirang dalawang mga akda pagkaraang matapos niya ang ilang mga kabanta.

Tom Sawyer
Nilikha ni Mark Twain (Samuel Clemens)
Kabatiran
(Mga) palayawTom
KasarianLalaki
Mag-anakAunt Polly (tiya), Sally Phelps (tiya), Mary (pinsan), Sid (kapatid sa magulang)

Ang pangalan ng tauhang likhang-isip ay maaaring hinango magmula sa bumberong masayahin at marangyang nagngangalang Tom Sawyer na kakilala ni Twain sa San Francisco, California, habang si Twain ay naghahanapbuhay bilang isang tagapamahayag sa San Francisco Call.[1][2] Dating nakikinig si Twain kay Sawyer ng mga kuwento hinggil sa kaniyang kabataan, na pinakikinggang mabuti ni Twain ang mga kapilyuhan ni Sawyer at kung minsan ay itinatala pa niya ito sa kaniyang kuwaderno. Sinabi ni Twain kay Sawyer na isang araw ay ilalagay niya ang pangalan ni Sawyer sa mga pabalat ng isang aklat. Pumayag si Sawyer sa kabilang ng kundisyon na hindi sisirain ni Twain ang pangalan at dangal ni Sawyer.[2] Ayon kay Twain, umusbong ang tauhang si "Tom Sawyer" magmula sa tatlong mga tao, sa paglaon ay nakilala bilang sina John B. Briggs (na namatay noong 1907), William Bowen (na namatay noong 1893) at kay Twain;[2] subalit sa paglaon ay binago ni Twain ang kaniyang kuwento na nagsasabing ang tauhang si Sawyer ay talagang galing lamang sa kaniyang guni-guni, subalit ayon kay Robert Graysmith, ang "dakilang maglalaan" na si Twain ay mahilig na magpanggap na ang kaniyang mga tauhan ay umusbong nang buo na magmula sa kaniyang malikhaing isipan."[2]

Paglalarawan ng tauhan

baguhin

Ang matatalik na mga kaibigan ni Tom Sawyer ay kinabibilangan nina Joe Harper at Huckleberry Finn. Sa Ang mga Pakikipagsapalaran ni Tom Sawyer, ang pagkahibang niya sa kaniyang kaklaseng si Rebecca "Becky" Thatcher ay kapansin-pansin. Namumuhay siyang kapiling ang kaniyang lalaking kapatid sa magulang na si Sid, ang kaniyang pinsang babaeng si Mary, at ang kaniyang mahigpit na tiyahing si Aunt Polly (Tiya Polly) sa kathang-isip na bayan ng St. Petersburg, Missouri. Bilang karagdagan, mayroon siyang isa pang tiyahin, si Sally Phelps, na nakatira sa malayu-layo pa mula sa tahanan ni Tom Sawyer at nasa may Ilog ng Mississippi, sa bayan ng Pikesville. Si Tom Sawyer ay ang anak na lalaki ng namatay nang kapatid na babae ni Aunt Polly.

Sa Ang mga Pakikipagsapalaran ni Huckleberry Finn, si Tom Sawyer ay isa lamang tauhang hindi pangunahin, at ginamit bilang isang kapahamakan para kay Huckleberry Finn (na ang palayaw ay Huck), partikular na sa mga sumunod na mga kabanata ng nobela pagkaraan makarating na si Huck sa taniman ni Uncle Phelps (Tiyo Phelps). Ang imaturidad (kamusmusan), imahinasyon, at obsesyon ni Tom Sawyer sa mga kuwento ay nakapaglagay sa balak ni Huck na sagipin ang isang tumakas na aliping si Jim sa isang katayuan ng malaking panganib — sa kalubusan ay nakapagpalagay sa katayuan na hindi na kailangang isagawa ang pagsagip kay Jim, dahil sa nalalaman niyang ang babaeng may-ari o amo ni Jim ay namatay na at pinalaya na nito si Jim ayon sa kasulatang tinatawag sa wikang Ingles bilang will (nakasulat na kalooban o kagustuhan). Sa kabuoan ng nobela, ang pag-unlad na pangkaisipan at pangdamdamin ni Huck ang pangunahing tema, at sa pamamagitan ng muling pagpapakilala ng tauhan mula sa umpisa (si Tom Sawyer), nagawang bigyan ng diin at ipamalas ni Mark Twain ang ebolusyong ito hinggil sa katauhan at katangian ni Huck.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Biography of Tom Sawyer - 1900". Sfmuseum.net. 1996-09-01. Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-12-18. Nakuha noong 2012-07-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 Robert Graysmith (Oktubre 2012). "The Adventures of the Real Tom Sawyer". Smithsonian. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 25, 2020. Nakuha noong Oktubre 1, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing panlabas

baguhin