Tungki
Ang kababalaghan ng tungki o dulo ng dila (Pranses: presque vu; Pagbigkas sa Pranses: [pʁɛsk vy], "halos nakita na") ay ang pagkabigo na maibalik ang isang salita magmula sa alaala, na sinamahan ng pagdidili-dili at ang pakiramdam na ang pagpapanumbalik ay nalalapit na.[1] Ang pangalan ng kababalaghan ay nagmula sa kasabihan na "nasa dulo ito ng dila ko."[2][3][4]
Ang mga tao na nasa kalagayan ng "nasa dulo ng dila" ay madalas ay nakapagpapabalik sa alaala ng isa o marami pang mga katangian ng pinupukol na salita, katulad ng unang titik, ng diin ng pantig, at mga salitang may kahalintulad na tunog at/o kahulugan.[3] Mayroong mga tao na nag-uulat ng pakiramdam ng pagiging nasunggaban ng katayuan, na may pakiramdam na tila katulad ng banayad na pagdadalamhati habang pilit na inaalala ang salita, at isang diwa ng ginhawa kapag naalala na ang salita.[3][5] Habang ang maraming mga aspeto ng kalagayan ng "nasa dulo ng dila" ay nananatiling hindi maliwanag, mayroong dalawang pangunahing nagtutunggaling mga paliwanag para sa pagkakaroon nito, ang "pananaw ng tuwirang pagdaan" (direct-access view) at ang "pananaw na imperensiyal" (inferential view). Ang pananaw ng tuwirang pagdaan o tuwirang pagpunta ay nagpapalagay na ang katayuan ay nagaganap kapag ang lakas o kapangyarihan ng memorya ay hindi sapat upang maalala ang isang bagay, subalit may sapat na lakas upang masinulan ang kalagayan. Ipinapalagay naman ng pananaw na imperensiyal na nangyayari ang katayuan kapag nagpapahiwatig ang paksa ng kaalaman hinggil sa puntiryang salita, at sumusubok na mabuo ang iba't ibang mga palatandaan o bakas hinggil sa salita na makukuha mula sa alaala. Ang pag-alala na binuyo ng damdamin ay kadalasang nagdurulot ng mas marami pang karanasang "nasa dulo ng dila" kaysa sa isang pag-alalang hindi dahil sa damdamin, katulad ng pagtatanong kung nasaan ang isang tanyag ng tao ay napaslang sa halip na payak na pagtatanong na kung ano ang kapitolyong lungsod ng isang estado.[6]
Ang isang paminsan-minsang kalagayan ng pagkakaroon ng "nasa dulo ng dila" ay karaniwan o normal para sa lahat ng mga tao sa lahat ng mga edad.[kailangan ng sanggunian] Mas nagiging madalas ang pagkakaroon ng "nasa dulo ng dila" habang tumatanda ang mga tao.[kailangan ng sanggunian] Ang pagkakaroon ng "nasa dulo ng dila" ay nagiging kalagayan na pampanggagamot kapag ito ay naging madalas na sapat na nakakasagabal sa pagkatuto o pang-araw-araw na buhay. Ang diperensiyang ito ay tinatawag na anomic aphasia (anomikong pagkawala ng katangiang makapagsalita) na nakuha dahil sa pinsala sa utak, na karaniwang magmula sa isang pinsala sa ulo, atakeng serebral (stroke), o demensiya.[7]
Ang kababalaghan ng "nasa dulo ng dila" ay mayroong mga implikasyon para sa pananaliksik sa sikolingguwistika, memorya, at metakognisyon.[2]
Kasaysayan
baguhinAng katagang "dulo ng dila" o "nasa dulo ng dila" ay hiniram mula sa palasak o pang-araw-araw na paggamit.[2] Ang kababalaghan ng dulo ng dila ay unang inilarawan bilang isang penomenang pangsikolohiya sa loob ng tekstong Principles of Psychology (Mga Prinsipyo ng Sikolohiya) ni William James (1890), bagaman hindi niya ito pinangalanan bilang ganito.[8]
Tinalakay din ni Sigmund Freud ang mga bagay-bagay na wala sa kamalayan, katulad ng walang kamalayang mga kaisipan at mga impulso (mga simbuyo) na maaaring makapagsanhi ng pagkalimot sa kahalintulad na mga salita.[9]
Ang unang pananaliksik na empirikal (pananaliksik na nakabatay sa obserbasyon) hinggil sa kababalaghan ng dulo ng dila ay isinagawa ng mga mananaliksik ng Harvard na sina Roger Brown at David McNeill at inilathala noong 1966 sa Journal of Verbal Learning and Verbal Behavior.[3] Nais na malaman nina Brown at McNeil kung ang damdamin ng napipintong pagpapanumbalik (muling pagkaalala) na naranasan sa dulo ng dila ay nakabatay ba magmula sa talagang kakayahan ng muling pag-alala o isa lamang ba itong ilusyon.[10]
Sa kanilang pag-aaral, binasang sinasalita nina Brown and McNeill sa mga kalahok sa pag-aaral ang mga kahulugan ng mga bihirang mga salita at tinanong nila ang ma ito na sabihin ang pangalan ng bagay na binibigyan ng kahulugan, at ang pinupukol na salita ay binasa nang malakas ng tagapag-eksperimento.[3] Ang mga kalahok ay pinagsabihan na iulat kung nakaranas ba sila ng isang katayuan ng nasa dulo ng dila.[3][10] Tatlong mga uri ng positibong nasa dulo ng dila ang napuna nina Brown at McNeill: 1) nakilala ng kalahok ang salitang binasa nang malakas ng nag-eeksperimento bilang ang salitang hinahanap niya, 2) tamang naalalang muli ng kalahok ang salita bago pa man ito basahin nang malakas ng tagapag-eksperimento, at 3) naalalang muli ng kalahok ang salitang hinahanap nila bago pa man ito basahin ng malakas ng nag-eeksperimento, subalit ang muling naalalang salita ay hindi ang nilalayong puntirya.[3] Kapag ang isang kalahok ay nagpahiwatig ng isang katayuan ng nasa dulo ng dila, sinabihan sila na magbigay ng anumang impormasyon hinggil sa pinupukol na salita na naaalala nilang muli.[3][10] Natuklasan nina Brown at McNeill na nakikilala ng mga kalahok ang unang titik ng puntiryang salita, ang bilang ng mga pantig ng pinupukol na salita, mga salitang may kahalintulad na tunog, mga salita na may kahalintulad na kahulugan, padron ng pagpapantig, at puwesto ng pagkakasunud-sunod ng ilang mga titik na nasa loob ng puntiryang salita, na mas mainam pa kaysa sa inaasahan sa pamamagitan ng pagiging nagkataon lamang.[3][10] Ang kanilang mga natuklasan ay nagpapahayag ng pagiging tunay ng damdamin ng pagkaalam na nasa loob ng katayuan ng nasa dulo ng dila. Ang pag-aaral na ito ay ang naging saligan para sa kasunod na mga pananaliksik hinggil sa kababalaghan ng dulo ng dila.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Brown, A. S. (1991). A review of the tip-of-the-tongue experience. Psychological Bulletin, 109(2), 204-223.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 Schwartz, B. L.(1999). Sparkling at the end of the tongue: The etiology of tip-of-the-tongue phenomenology. Psychonomic Bulletin & Review, 6(3), 379-393.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 3.8 Brown, R. & McNeill, D. (1966). The "tip of the tongue" phenomenon. Journal of Verbal Learning and Verbal Behavior, 5, 325-337.
- ↑ Rastle, K., Burke, D. (1996). Priming the Tip of the Tongue: Effects of Prior Processing on Word Retrieval in Young and Older Adults. Journal of Memory and Language, 35, 586-605.
- ↑ James, W. (1890). Principles of Psychology. Nakuha mula sa http://psychclassics.yorku.ca/James/Principles/
- ↑ Schwartz, Bennett L. (Pebrero 1, 2010). "The effects of emotion on tip-of-the-tongue states". Psychonomic Bulletin & Review. 17 (1): 82–87. Nakuha noong 9 Disyembre 2012.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Howarth, Robyn Ann. "Examining the neurocognitive profile of dysnomia: a comparison of school-aged children with and without dyslexia across the domains of expressive language, attention/memory, and academic achievement". University of Iowa. Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-05-01. Nakuha noong 2011-05-23.
Dysnomia is the inability to retrieve the correct word from memory when it is
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ James, W. (1890). Principles of Psychology. Nakuha magmula sa http://psychclassics.yorku.ca/James/Principles/
- ↑ Freud, S. (1965). The psychopathology of Everyday Life. New York: Norton.
- ↑ 10.0 10.1 10.2 10.3 Baddeley, A, Eysenck, M., & Anderson, M. (2009). Memory. New York: Psychology Pres Inc.