Ang sumulat ng Urbana at Feliza ay si P. Modesto de Castro na ipinanganak sa Biñan, Laguna, noong unang hati ng ika-19 na dantaon. Nag-aral siya sa Collegio Real de San Jose, naging Kura sa Catedral ng Maynila at pagkatapos ay sa Naik, Kabite. Bukod sa “Urbana at Feliza” ay sinulat din niya ang “Pláticas Doctrinales” (1864), “Exposicion de las Siete Palabras en Tagalo”, at “Novena a San Isidre en Tagalo”, atb. Sa pamamagitan ng “Urbana at Feliza” ay natagurian siyang “Ama ng Tuluyang Klasika sa Tagalog”.

Ang “Urbana at Feliza” na ang buong pamagat ay “Pagsusulatan nang Dalawang Binibini na si Urbana at si Feliza” ay binubuo ng palitan ng liham ng dalawang magkapatid. Ang nakatatanda, si Urbana, ay nag-aaral sa isang kolehiyo ng mga babae sa Maynila, at ang mas bata, si Feliza, ay nagnanais na matuto mula sa kaniyang kapatid hinggil sa kung ano ang dapat ugaliin sa iba’t ibang pagkakataon. Binabanggit niya ang mga tukso at panganib sa landas ng kabataan at sinasabi kung paano maiilagan ang mga ito. Sa “Paunawa sa Babasa” ng aklat ay ipinaliliwanag ni P. Modesto de Castro ang nilalaman:

“Sa pangalang ‘Urbana’ mababasa ang magaling na pakikipag-kapwa tao. Sa kanyang mga sulat sa kapatid na Feliza, ay maka pupulot ang dalaga, maka pag aaral ang bata, maka aaninaw ang may asawa, maka tataho ang binata nang aral na bagay sa kalagayan nang isa,t, isa.

“Kay Feliza, mag aaral ang dalaga nang pag ilag sa panganib na ikasisira nang kalinisan; at ang kaniyang magandang asal ay magagawang uliran nang ibig mag ingat nang kabaitan at loob na mataimtiman.

“Sa manga sulat ni Urbana, na ukol sa pag tangap nang estado nang matrimonio, ang dalaga ay makapag aaral, at gayon din ang baguntauo, at makapupulot nang hatol na dapat alinsunorin bago lumagay sa estado, at kung nasa estado na.

“Sa manga sulat ni Feliza kay Urbana, na ang saysay: ay ang magandang asal nang kapatid na bunso na si Honesto, makapag aaral ang bata, at makatatanto nang kaniyang katungkulan sa Dios, pagka tanaw nang kaliwanagan nang kanilang bait…”

Ang mga pangalan ng mga panauhan sa “Urbana at Feliza” ni P. Modesto de Castro ay mga sagisag ng aral na nais maparating ng sumulat sa mga mambabasa. Ang pangalang “Urbana” ay sagisag ng Urbanidad o kabutihang asal (good manners). Ang pangalang “Feliza” ay galling sa Kastilang “feliz” (maligaya) at ang sinasagisag ay ang kaligayahang natatamo dahil sa pagpapakabuti at pagka-masunurin. Ang pangalang “Honesto” ay sagisag ng kalinisang-budi at karangalan. Sinabi ni P. Modesto de Castro sa aklat na kung ang mga aral ng kaniyang “Urbana at Feliza” ay pakinabangan ng mga tao:

“Ang wiwikain ko ay pinapalad ako, at ang kahalimbawa ko ay nagsabog nang binhi, ay ang tinamaan ko ay mabuting lupa.

“At sa kinakamtan kong tuwa ang nakakaparis ko ay isang magsasakang kumita nang aliw, uupo sa isang pilapil, nanonood ng kaniyang halaman, at sa kaniyang palayan na parang inaalon sa hirap nang hangin, at sa bungang hinog na anak ay butil na gintong nagbitin sa uhay, ay kumita nang saya.

“Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko; at palibhasa ay kapus na sa lakas na sukat pagkunan, ngunit ang pakinabang ko sa pagod at puyat ay na ibayuhan…”

Panlabas na Kawing

baguhin