Ipinoroklama ng Komisyon sa Halalan o Comelec ang sampung nanalong senador sa pambansang halalan noong nakaraang buwan. Ang 10 nanalong senador ay sina Loren Legarda, Francis Escudero, Panfilo Lacson, Manny Villar, Francis Pangilinan, Benigno Aquino, Edgardo Angara, Alan Peter Cayetano, Joker Arroyo at Gregorio Honasan. Ang dalawang nalalabing slot sa pagka-senador ay pinagtatalunan ngayon nina Antonio Trillanes, IV at Koko Pimentel (nasa 11 at 12 pwesto) at Juan Miguel Zubiri na nasa 13 pwesto sa kasalukuyang bilangan.
Sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention si dating Kinatawan Mark Jimenez ng misis niyang si Carol Castañeda-Jimenez. Ito ay kaugnay sa sapilitang pagdala sa kanya sa isang drug rehab center noong Mayo.
Nadadagdagan ang mga gustong magluklok kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr. bilang bagong pangulo ng Senado. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, umaabot na sa 11 ang mga senador na susuporta kay Pimentel. Karamihan umano sa mga gustong magpatalsik kay Villar ay manggagaling sa mga bagong senador.
Inamin ng mga awtoridad sa Indonesya na ang kanilang pagbaka sa nakakamatay na bird flu ay nasasagkaan ng kawalan ng kaalaman tungkol sa sakit sa nakakaraming Indones. Ayon sa tala ng World Health Organization, ang Indonesya ang may pinakamaraming namatay (79 katao) sa sakit na bird flu sa buong mundo.
Binayo ng malakas na bagyong Gonu ang Muscat (nasa larawan), kabisera ng Oman na nagdulot ng malaking baha at pinsala sa imprastraktura sa lungsod. Ang bagyong Gonu ang pinakamalakas na bagyong humagupit sa Gitnang Silangan sa loob ng 60 taon.