Aeneis

(Idinirekta mula sa Aeneid)

Ang Aeneid, o Aeneis sa orihinal na pamagat sa Latin (wikang Griyego: Aeneidos, Ingles: Aeneid, Kastila: Eneida), ay isang tulang epikang isinulat ni Publius Vergilius Maro (Vergil o Virgil lamang, o kaya Vergilius din) sa pagitan ng 29 at 19 BK. Nangangahulugang Ang Salaysay Ukol kay Aeneas ang pamagat nitong may nag-iisang salita. Ito ang pinakatanyag na akda sa panitikang Latin. Sinasabing isa itong makapangyarihang paglalahad ng pagtutunggali na nakasulat sa isang marangal ngunit masalimuot na gawi. Isinulat ito ni Vergil ayon sa kahilingan ng emperador na si Augustus. Sinasabing kaapu-apuhan ni Aeneas si Augustus. Pinagkaabalahan ni Vergil ang pagsulat nito ng higit sa sampung taon. Inibig sana niyang pagtuonan pa ito ng dagdag na tatlong taon para painamin pa at gumagawa ng mga pagbabago, subalit binawian siya ng buhay noong 19 BK. Nang nasa kaniyang himlayan na, bago sumakabilang-buhay, hinihingi niya ang sulating ito para tangkaing sunugin, sapagkat hindi ito isang walang-bahid dungis na gawa para sa kaniya. Ngunit tumanggi ang kaniyang mga kaibigang ibigay ito sa kaniya. Nalathala ito ng ayon sa pagkakaiwan ni Vergil, ang anyo ng akda noong mamatay na nga siya. Inatasan ng emperado na si Augustus ang dalawa sa mga kaibigan ni Vergil na ayusin at ilathala ang Aeneis ni Vergil.[1]

Aeneis
Nililisan ni Aeneas ang nasusunog na Troy, iginuhit ni Federico Barocci, 1598, Galleria Borghese, Roma
May-akdaVirgil
BansaRepublikang Romano
WikaLatin
DyanraTulang epika
TagapaglathalaIba't iba
Petsa ng paglathala
Maagang Karaniwang Panahon
ISBNwala

Kahalagahan

baguhin

Ang Aeneis ang pinakamahalagang nalikhang akda ng ginintuang kapanahunan ng panitikang Latin, na nakaimpluwensiya sa iba pang mga makata ng sumunod na mga daantaon. Kabilang sa mga naimpluwensiyahan nito sina Dante Alighieri at Bernardo Tasso ng Italya, sina William Shakespeare, Geoffrey Chaucer, Edmund Spenser, John Milton, at Alfred Tennyson ng Inglatera, bukod sa iba pang mga makatang nagmula din sa Europa tulad ng Pransiya, Alemanya, at Espanya. Isang epikang pambansa ng sinaunang Roma ang Aeneis sapagkat ipinakikita nito ang Roma bilang pangunahing tagapagdala at tagabuhat ng kabihasnan.[1]

Paglalarawan ng akda

baguhin

Binubuo ang Aeneis ng labindalawang bahaging tinatawag na "mga aklat." Nilalahad ng ng mga pahina nito ang salaysay hinggil sa bayaning si Prinsipe Aeneas isang Trohano at isa ring tauhan sa Iliada ni Homero. Nagsisimula ang akda habang binubuhat ni Aeneas ang kaniyang amang si Prinsipe Anchises (o Anquises), habang paalis sa nasusunog na Troy (Troya din, o Troja, at Troha). Katulad ng Odisea ni Homer ang unang bahagi ng Aeneis ni Vergil, at naglalarawan ng mga paglalakbay ng prinsipeng si Aeneas at ng kaniyang mga tauhan. Samantalang kahawig naman ng Iliada ni Homer ang ikalawang bahagi ng Aeneis ni Vergil. Bagaman may pagkakatulad sa mga gawa ni Homer, pinangibabawan at binigyan ni Vergil ng bago at mas malalim na mga kahulugan ang mga tauhan at mga kaganapang ipinaloob niya sa Aeneis. Nagwawakas ito sa pagdaong ni Aeneas sa mga baybayin ng Italya, kung saan nakipaglaban siya sa mga mamamayang nananahanan doon.[1]

Isang pinino ngunit malungkot na tula ang Aeneis na naglalaman ng buhay ng mga taong walang kapupuntahan at naghahanap ng bagong tahanan. Nawasak nga ang Troya, ngunit ang mga labi ng kabihasnan nito ang naging Roma, ang pinag-ugatan ng mundong Kanluranin. Nasusulat ang Aeneis sa pamamagitan ng mga heksametro, at husto ang pagkakaplano ng bumubuo ditong labindalawang mga aklat. Nilarawan pa na ang "tugtugin at indayog" ng mga taludtod ni Vergil ang pinakapino sa panitikang Latin, sapagkat may mga mahinang padron at ugnayan, katulad na lamang ng pag-uulit ng pagbubukas ng Unang Aklat sa Ikapitong Aklat, isang muling pagtungkay na mas may buhay, kasiglahan, at may pagdiin. Inihambing din ang pakikipagsapalaran ng bayani ng Aeneis at ng kaniyang mga mamamayan sa paghahanap ng mga Hudyo sa tinatawag nilang "Lupang Ipinangako."[1]

 
Si Aeneas habang naglalahad kay Dido ng salaysay tungkol sa sinapit ng Troya.

Sa pagwawakas ng Digmaang Trohano, pagkaraan ng pagtakas ni Aeneas mula sa Troyang nawasak ng mga Griyego, at pagkalipas ng maraming ulit na kabiguan sa pagtatatag ng panibagong Troya sa ibang mga pook, narating ng kaniyang barko ang Hilagang Aprika, kung saan tinanggap sila ni Reyna Dido (o Didon) ng Cartago. Napaibig si Dido kay Aeneas ngunit naging sagabal ang mga diyos, sapagkat nakatalaga ang kapalaran ni Aeneas na maglakbay papuntang Italya, kung saan ang mga inanak ng lahi niya ang siyang magtatatag ng bayang Romano. Nagpatiwakal si Dido dahil sa kabiguang ito sa pag-ibig. Naglakbay sa Dagat Mediteraneo si Aeneas at ang kaniyang mga kasama hanggang sa marating nila ang Cumae, Italya, kung saan nakatagpo niya ang isang babaeng propetang, isang sybil. Habang pinapatnubayan ng babaeng propeta, narating ni Aeneas ang mundong pang-ilalim kung saan nakasalamuha ni Aeneas ang mga kaluluwa ng kaniyang amang si Anchises (bagaman nasagip mula sa Troya, binawian na rin ng ito ng buhay sa kalaunan) at ang mga kaluluwa ng hinaharap na naghihintay lamang sa panahon ng kanilang mga pagsilang, kabilang ang emperador na si Augustus, isang kaibigan ng umakda sa Aeneis (si Vergil). Sa pagkakatong ito sinabi ni Anchises kay Aeneas na si Aeneas nga mismo ang maglulunsad ng isang lungsod sa gitnang Italya, at ang mga magiging inaanak nito ang magiging mga tagapagtatag at mga mamamayan ng Roma. Sa huling anim na aklat ng Aeneis, nilahad ang tungkol sa pamayanang Troyano ni Aeneas sa Italya, at ang pakikipaglabanan ng mga ito laban sa ilang mga katutubong Italyano. Nagwakas ang akdang tula sa pagtutunggali ni Aeneas at ni Turnis, ang pangunahing kaaway ni Aeneas. Napatay si Turnus, kapalit ng tiyak na pananagumpay ni Aeneas.[1]

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 "Aeneid at Vergil 70-19 B.C.". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)