Anyo ng katawang pantao

Ang anyo ng katawang pantao o wangis ng katawan ng tao ay ang pagsasama-sama ng natatanging mga katangian at katangiang-kasangkapan ng katawan ng isang tao, na nagbibigay ng kagandahan, pagiging kagalang-galang, kawalan ng bahid-dungis, pagkakaiba, kahalagahan, at pangingibabaw ng isang tao. Isa itong pamantayang nagpapasya sa kapatutunguhan ng buhay at halaga ng isang tao. Kasama ang kumbinasyon ng mga katangian ng mukha, isang mahalagang bagay ang anyo ng katawan ng isang tao sa pagbuo ng kanyang pagiging indibidwal o pagkatao, at kung paano siya tinatanaw sa lipunan ng tao. Sa lipunan, hinuhusgahan ang tao kaugnay ng kanyang pagiging kaakit-akit at pagkakaroon ng kabighaniang seksuwal, kaya't may kaugnayan din ito sa pagkakaroon at pagpapanatili ng relasyon sa isa't isa, pagkakaroon ng hanapbuhay, pagdurulot ng inspirasyon at iba pang positibo at negatibong mga damdamin, at pagbibigay at pagpapasya ng isang tao hinggil sa sarili niyang kahalagahan bilang isang tao.[1]

Ginuhit na larawan na nagpapakita ng lalaki at babaeng hubo't hubad. Pansinin ang malawak na balikat ng lalaki at ang maluwang na balakang ng babae.

May mga bagay-bagay na pangsosyolohiya, pang-antropolohiya, at sikolohikal na nakakaapekto sa pagiging kaaya-aya ng anyo ng katawan ng isang tao para sa isang tao.[1]

Sa sosyolohiya, nakabatay ang pagiging kaaakit-akit ng katawan ng isang tao sa kung ano ang persepsiyon o pananaw ng isang indibiduwal kaugnay ng mga katangiang pisikal ng isang tao, pangkat ng mga tao, lahi ng mga tao, at uri ng mga tao, na maaaring may kaugnayan sa buong pangangatawan ng isang tao o kaya sa nag-iisang katangian o katangiang-kasangkapan lamang ng isang tao, pati na rin katangiang nagiging kakaiba o bukod-tangi ang isang tao kung ihahambing sa iba pang mga tao. Bahaging pandaigdigan ang ganitong paghahatol sa lahat ng mga kalinangan ng mga tao, at bahagi ring nasa pagpapasya ng ninanais ng isang tao.[1]

Sa sinasabi sa antropolohiya, malawakang nakabatay ang pagpapasya ng isang tao kaugnay ng kanyang katambal na lalaki o babae sa buhay sa anyo ng katawan ng tao. Mahalagang bagay ang pagpapasyang ito sa pag-unlad ng pagkatao o personalidad at mga relasyong panglipunan. Bagaman mababa ang pagkakaroon ng dimorpismong seksuwal  – pakakaroon ng dalawang anyo sa loob ng isang uri ng hayop  – sa pagitan ng babae at lalaking mga tao, sensitibo ang mga tao sa pagkakaroon ng pagkakaiba-iba ng hitsura ng mga pangangatawan.[1]

Sa larangan ng sikolohiya, iniuugnay ang namamanang mga katangian sa pagkakaroon ng ugali ng isang tao, na humahantong sa pag-unlad ng partikular na mga katangian at mga uri ng indibiduwal. Ayon sa isang dalubhasa noong bandang 1937, na si Gordon Allport, ang anyong pangkatawan ng tao ang nagsimula, nagsilbing gabay, at humubog ng ugaling pangpagpapadama at pakikibagay o pagkasanay.[1]

Kahalagan ng anyo ng katawang pantao

baguhin

Mahalaga ang panlabas na kaanyuan ng katawang pantao. Mahalaga rin ang napamanang mga katangian ng anyo ng katawan mula sa mga ninuno ng mga tao. Naging mahalaga rin ang kagandahan at pagiging kaaya-aya ng katawan ng tao, isang bagay na nakaka-impluwensiya sa kung paano tinatanaw o tinitingnan ng ibang tao ang isang tao o mga tao. Naging pangunahing layuning makabiyolohiya ng kagandahan ng isang tao ang makakuha ng pansin ng ibang tao, at ang pagbibigay ng kasiyahang seksuwal. Kaugnay nito, naging pangunahing layuning biyolohikal ng pakikipagtalik ang reproduksiyon o pag-aanak. Bagaman may kasabihang hindi maaaring husgahan ang isang tao sa pamamagitan lamang ng kanyang panlabas na kaanyuan, naging mahalaga para sa patuloy na pag-iral ng tao ang hitsura at wangis ng tao, isang bagay na nakatulong sa sinaunang tao at makabagong tao sa paghuhusga ng edad at kalusugan ng ibang tao, sapagkat may halaga ang edad, kalusugan, at kawalan ng karamdaman sa reproduksiyong seksuwal.[2]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 What Constitutes Physical Appearance? Naka-arkibo 2010-03-29 sa Wayback Machine., beautytips.ygoy.com
  2. Sones, Michael. Human Beauty Naka-arkibo 2009-05-26 sa Wayback Machine., beautyworlds.com

Mga kawing panlabas

baguhin