Araling pangpagtatalik

(Idinirekta mula sa Araling pangseksuwalidad)

Ang Araling pangpagtatalik o edukasyong seksuwal ay ang pagsasabi sa mga tao ng tungkol sa pagtatalik. Sa pangkaraniwan, sinasabi ito ng mga magulang sa kanilang mga anak kapag sumapit na ang mga ito sa panahon ng kabagungtauhan. Karaniwang kasama rito ang mga bagay katulad ng paano gumawa ng mga sanggol, kung paano mapupruteksiyunan ang sarili laban sa hindi ginustong pagdadalangtao, at kung paano hindi makakakuuha ng anuman sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Sa maraming mga kultura, ang pagbanggit ng hinggil sa seks o edukasyong pangpagtatalik ay isang maselan o ipinagbabawal na paksa.

"At tinutugis pa rin siya ng salarin." Isang postkard noong kaagahan ng ika-20 daantaon na nagdodokumento ng hindi ginustong pagbubuntis.

May ilang kaantasan din ng edukasyong pangseks na isinasakatuparan sa paaralan; sa maraming mga lugar, nagpapasa ang pamahalaan ng mga batas na nagsasaad na ang edukasyong pangpagtatalik ay dapat gawin sa paaralan. Ilang bahagi ng araling seksuwal ang nagkakaiba-iba ayon sa kalinangan, katulad ng mga aspetong pangmoralidad at pangkaasalan o etika.

Tumutukoy ang araling pangpagtatalik sa mga pormal na programa ng pagtuturo sa isang malawakang saklaw ng mga paksa o isyung may kaugnayan sa seksuwalidad na pangtao, kasama ang anatomiyang seksuwal (organong pangpagtatalik), pagpaparaming seksuwal, pagtatalik, kalusugang reproduktibo, pakikipag-ugnayang pangdamdamin, mga karapatang pangreproduksiyon at mga responsibilidad, abstinensiya (pagpipigil sa pagtatalik), kontrasepsiyon, at iba pang mga aspeto ng ugaling seksuwal ng tao. Pangkaraniwang mga "abenida" o daanan ng pagtuturo ng edukasyong pangseks ay ang mga magulang o mga tagapag-alaga, mga programa sa paaralan, at pampublikong mga kampanyang pangkalusugan.

Mga programa

baguhin

Sa Inglatera

baguhin
 

Sa Nagkakaisang Kaharian, naglunsad ang Family Planning Association (FPA) ng programang Sex and Relationships Education (SRE) (Edukasyong Pangpagtatalik at Pang-ugnayan) sa mga susing yugto ng mga batang nasa edad na 5-7, 7-11, 11-14, at 14-16 (mga antas na primarya at sekundarya). Sumasakop ang SRE sa anatomiya, pubertad (bago ito magsimula), at paggamit ng mga hormona upang makontrol at maitaguyod ang pertilidad, pagreregla, konstrasepsiyon, aborsiyon, ligtas na pakikipagtalik, kalusugang seksuwal, at pagiging mga magulang (ang tatlong huli ay partikular sa Wales). Sa Eskosya, kasama sa edukasyong seksuwal ang edukasyong personal, edukasyong sosyal, edukasyong pangkalusugan, edukasyong pangrelihiyon, edukasyong pangmoralidad, at pagpapahalagang panlipunan na may pagpapakundangan sa edad ng bata, sa yugto ng pang-unawa ng mga bata, kultura, etnisidad, kapaligirang pangrelihiyon sa tahanan. Sa Hilagang Irlanda, pinagtutuonan ng pansin ang pagpapasaliksik sa mga mag-aaral sa kalidad ng mga relasyon katulad ng pakikipagkaibigan, pag-iwas at paglutas sa mga hidwaan, mga implikasyon o epekto ng maturasyong seksuwal (hinog na seksuwalidad), impikasyong pangdamdamin, panlipuna at pangmoralidad ng maagang aktibidad na seksuwal, malulusog na mga relasyon, at pang-unawa sa mga gampanin at mga responsibilidad sa pagiging mga magulang. Ang mga batang nasa antas na sekundarya ay tuturuan ng mga paksa na may kaugnayan sa mga sakit na naipapasa sa pakikipagtalik, HIV at AIDS. Ang Learning and Skills Act 2000 ay kinasasangkutan ng pagtuturo hinggil sa kalikasan ng kasal at ng kahalagahan ng pag-aasawa sa buhay pampamilya at pagpapalaki ng mga anak.[1]

Sa programang SRE, ang mga guro ay walang legal na obligasyong ipagbigay-alam sa kaninuman kapag nakatuklas sila o nagsusupetsa na mayroong gawaing seksuwal ang mga estudyante na wala pa sa edad ng pagpayag o age of consent (16 taong gulang), subalit ang lahat ng mga guro at tauhan ng paaralan ay dapat na sumunod sa patakaran ng paglilihim at pagpuprutekta ng mga bata hinggil sa pagbubunyag ng kanilang natuklasan. Kapag nalaman nila ang isang mag-aaral ay aktibong seksuwal na wala pa sa wastong gulang, nararapat nilang hikayatin ang estudyante na makipag-usap sa isang magulang o tagapag-alaga, at dapat na magbigay ang guro ng sapat na impormasyong hinggil sa kumpidensiyal na payong pangseksuwal na kalusugan at mga serbisyong panlunas, na libre para sa lahat ng mga mag-aaral.[1]

Pakinabang

baguhin

Kaugnay ng SRE sa Nagkakaisang Kaharian, positibo ang resulta ng pagkakaroon ng programang ito. Kapag iniugnay sa mga serbisyong kontraseptibo, hindi tumaas ang gawaing seksuwal ng mga kabataan, bagkus ay mayroong positibong epekto sa kaalaman at mga saloobin ng mga bata, naaantala ang kanilang pakikilahok sa mga gawaing seksuwal at/o nakababawas ng bilang ng mga kabataang nagbubuntis sa pamamagitan ng kontrasepsiyon at ligtas na pakikipagtalik. Sa Inglatera, dahil sa SRE, bumaba ang antas ng mga nabubuntis na kabataan, naaantala ang pag-uumpisang makipagtalik ng mga kabataan, at tumataas ang panunumbalik sa abstinensiya o bumaba ang bilang mga kapareha sa pakikipagtalik. Karamihan sa mga miyembro ng madla, mga magulang, mga kabataan, at mga prupesyunal sa larangan ng edukasyon ang sumang-ayon na dapat na isama sa SRE ang paksang pang-emosyon, pangrelasyon, at pangbiyolohiya. Sa isang pagtitipon ng mga dato o survey, 73% ng 20,000 ng mga kabataan na wala pang gulang na 18 ang nagmumungkahi na dapat ituro ang SRE bago sumapit ang isang bata sa edad na 13.[1]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2016-01-22. Nakuha noong 2014-09-15.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing na panlabas

baguhin