Deogracias Rosario

Deogracias A. Rosario ay ipinanganak sa Tondo, Maynila noong 17 October 1894. Inumpisahan niyang isulat noong 1915 ang Ang Demokrasya. Noong 1917 naman niyang umpisahang isulat ang Taliba.

Deogracias Rosario
Kapanganakan17 Oktubre 1894
  • (Kalakhang Maynila, Pilipinas)
Kamatayan26 Nobyembre 1936
MamamayanPilipinas
Trabahomanunulat, makatà

Naging Pangulo siya ng Samahang Ilaw at Panitik, Kalipunan ng mga Kuwentista at Kalipunan ng mga Dalubhasa ng Akademya ng Wikang Tagalog. Siya ang kinilalang Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog. Ayon sa mga kritiko, siya ang nagbigay ng tiyak na anyo sa maikling katha bilang isang uri ng kathang pampanitikan. Nakita sa kanyang mga akda ang palatandaan ng paghihimagsik sa kinamulatang tradisyon ng maikling kuwento.

Sa ginawang pagsusuri ni Dr. Genoveva Edroza Matute, guro at kwentista sa mga akda ni Deogracias A. Rosario ay ganito ang kanyang sinabi:

"Kadalasang ginagamit niya (Deogracias A. Rosario) bilang pangunahing tauhan ang mga alagad ng sining, bohemyo at kabilang sa mataas na lipunan; maliban sa ilan, iniiwasan niyang gumamit ng mga tauhang galing sa masa; at paulit-ulit na lumilitaw sa kanyang mga akda ang mga tauhang galing sa ibang bansa, ngunit sa pagbabalik sa tinubuang lupa ay nagiging makawika at makabayan".

Ang ilan sa kanyang mga akda ay Ako'y Mayroong Isang Ibon, Ang Dalagang Matanda, Manika ni Tadeo, Aloha, Bulaklak ng Bagong Panahon at iba pa. Ang pinaka-obra maestra ni Rosario ay ang Aloha na kasama sa katipunang 50 Kwentong Ginto ng 50 Batikang Kwentista.

Binawian ng buhay si Deogracias A. Rosario sa gulang na 42 noong 26 Nobyembre 1936.

Talambuhay ni Deogracias A. Rosario

Ipinanganak noong 17 Oktubre 1894 sa Tondo, Maynila, si Deogracias A. Rosario ay ang Ama ng Maiikling Kwentong Tagalog sa bansa. Sumusulat din siya sa ilalim ng mga alyas na Rex, Delio, Dante A. Rossetti, Delfin A. Roxas, DAR, Angelus, Dario at Rosalino. Isa nang manunulat sa gulang na 13, una siyang nagsulat para sa “Ang Mithi”, isa sa tatlong naunang pahayagan sa bansa na nakatulong nang husto sa pag-unlad ng maikling kwentong Tagalog.

Karera
Naging manunulat siya ng "Ang Democracia" noong 1915 at nang kinalaunan ay nagsulat din siya para sa Taliba, na naglulunsad ng buwanang patimpalak para sa tula at maiikling kwento. Sa Taliba, tumaas ang kanyang posisyon bilang katulong ng patnugot at sa huli, ay naging patnugot. Nagsulat din siya para sa Photo News, Sampaguita at Lipang Kalabaw.

Kasama sina Cirio H. Panganiban, Amado V. Hernandez, Arsenio R. Afan at iba pa, si Rosario ay isa sa mga pangunahing taga-ambag sa Liwayway.

Naging myembro rin si Rosario ng iba't ibang asosasyon ng mga manunulat. Kabilang dito ay ang Kalipunan ng mga Kuwentista, Aklatang Bayan, Katipunan ng mga Dalubhasa at ang Akademya ng Wikang Tagalog. Nagsilbi siya bilang pangulo ng Ilaw at Panitik, na may mga prominenteng kasapi tulad nina T.E. Gener, Cirio H. Panganiban, at Jose Corazon de Jesus.

Mga Ilang Akda
Dahil sa Pag-ibig
Ang Anak ng Kanyang Asawa
Ang Manika ni Takeo
Walang Panginoon
Dalawang Larawan
Ang Geisha
Bulaklak ng Inyong Panahon
Mga Rodolfo Valentino
Gumawa rin siya ng mga salin tulad ng:
Ang Puso ng Geisha
Ang Mapaghimagsik

Nagsulat din si Rosario ng mga titik sa Tagalog ng ilang mga awit na binuo nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago. Kabilang sa mga kanta na ito ay ang “Mutya ng Pasig”, “Dignity of Labor” (tagalog na bersyon), “Cancion Filipino”, “Sakali Man”, “Alma Mater Commencement Exercise” at “The Piece of Night”.

Mga Gantimpala
Pinangalanan ni Teodoro A. Agoncillo ang kanyang akda na, “Mayroon Akong Isang Ibon”, bilang isa sa pitong pinakamagandang maikling kwento na naisulat sa panahon ng Amerikano, noong 1932. Isang taon matapos nito, siya ang idineklarang pinakamagaling na manunulat ng maikling kwento para sa akda niyang “Aloha”.