Doktor ng Simbahan
Ang Doktor ng Simbahan (Latin doctor, guro, mula sa Latin na docere, magturo) ay isang titulong iginagawad ng iba't ibang simbahang Kristiyano sa mga indibidwal na kanilang kinikilala na may partikular na kahalagahan, lalo na sa kanilang naging ambag sa teolohiya o doktrina.
Bago ang ika-16 na siglo
baguhinSa Kanluraning simbahan, apat na bantog na mga Ama ng Simbahan ang nakapagtamô ng karangalang ito noong maagang Gitnang Panahon, sina San Gregorio ang Dakila, San Ambrosio, San Agustin, at San Jeronimo. Ang "apat na Doktor" ay naging karaniwang bukambibig ng mga Eskolatisko, at ang dekreto ni Papa Bonifacio VIII (1298) na nag-aatas na ang kanilang mga kapistahan ay dapat doblehan sa buong Simbahan ay nakapaloob sa kaniyang pang-anim na aklat ng Decretal.cap. "Gloriosus", de relique. et vener. sanctorum, in Sexto, III, 22).[1]
Sa Silanganing Simbahan, tatlong Doktor ang bantog, sina San Juan Crisostomo, San Basilio ang Dakila, at San Gregorio Nacianceno. Ginawang obligado ang kapistahan ng tatlong santo sa buong Silanganing Imperyo ni Leo VI. Kalaunan, pinag-isa ang kanilang mga kapistahan sa tuwing Enero 30, tinawag itong "kapistahan ng tatlong Herarka". Nakasulat sa Menaea ng araw na iyon, na di-umano'y nagpakita sa isang panaginip kay Juan Mauropo, Obispo ng Euchaitae ang tatlong Doktor na nag-atas sa kaniya na magtalaga ng kapistahan sa kanilang karangalan, upang mahinto ang tunggalian ng kanilang mga deboto at panegirista. Ito'y sa ilalim ni Alexius Comnenus (1081-1118; tingnan "Acta SS.", 14 Hunyo, sa ilalim ni San Basilio, c. xxxviii). Ngunit ang mga sermon ng kapistahan ay iniugnay kay Cosmas Vestitor, na namayagpag noong ika-sampung siglo. Ang tatlo'y karaniwang makikita sa Silanganing sining gaya ng apat sa Kanluraning sining. Ayon kay Durandus (i, 3), ipinapakita dapat ang tatlo na may tangan-tangang aklat sa kanilang mga kamay. Nahantong ang analohiyang ito sa kanluran upang pintuhuin ang apat na Silanganing Doktor, nadagdag sa tatlong herarka si San Atanasio.[1]
Simbahang Katolika
baguhinAng detalye ng titulong, doktor ng simbahan, ay nag-iiba mula sa iba't iba sa bawat partikular na simbahan.
Simbahang Latin
baguhinSa Simbahang Latin, ang apat na Latin na Doktor ay matagal nang kinikilala bago pa kilalanin noong 1568 ni Papa Pio V ang apat na Dakilang Doktor ng Silanganing Simbahan, sina San Juan Crisostomo, San Basilio ang Dakila, San Gregorio Nacianceno at San Atanasio ng Alexandria.
Kalaunan nadagdagan pa ang mga pangalang ito. Upang maidagdag dito, may tatlong kondisyon: eminens doctrina, insignis vitae sanctitas, Ecclesiae declaratio (i.e. kinikilala ang karunungan, mataas na antas ng kabanalan, at proklamasyon ng Simbahan). Ipinaliwanag ni Benedicto XIV na ang ikatlo ay ang deklarasyon ng Santo Papa o ng pangkalahatang konsilyo. Bagaman pinapurihan ng mga pangkalahatang konsilyo ang mga panulat ng ilang sa mga Doktor, wala pang iginawad na titulong Doktor ng Simbahan ang alinman sa mga konsilyo. Kasama sa proseso ang pagpapalawig sa simbahang pangkalahatan ang paggamit ng Panalangin ng mga Kristiyano sa Maghapon at Banal na Misa ng santong gagawaran ng titulong doktor. Inilalabas ang dekreto ng Kongregasyon para sa mga Kanonisasyon at kinakatigan ng papa, matapos ang masusing pagsusuri, at kung kinakailangan, ang mga panulat ng santo.
Hindi ito pagpapasiyang ex cathedra, o katumbas ng deklarasyon na walang kamaliang makikita sa mga turo ng Doktor. Alam din naman ng nakararami na ang pinakamahusay sa kanila ay hindi masasabing walang pagkakamali. Walang martir ay kailanman ay napasama sa talaan dahil ang Tanggapan at ang Misa ay para sa mga Kumpesor. Kaya sa pagpapaliwanag ni Benedicto XIV, hindi tinatawag na Doktor ng Simbahan sina San Ignacio ng Antioquia, San Ireneo at San Cipriano.
Ang mga gawa ng mga Doktor ay malaki ang pinagkakaiba sa paksa at balangkas. Ang ilan, gaya ni Papa Gregorio I at Ambrosio ay mga prominenteng manunulat ng mga liham at maiikling tratado. Si Catalina ng Siena at San Juan de la Cruz ay nagsulat ng teolohiyang mistikal. Sina San Agustin at Roberto Belarmino ang nagtanggol sa Simbahan laban sa erehiya. Ang Historia ecclesiastica gentis Anglorum ni San Beda ay nagbibigay ng pinakamahusay na impormasyon hinggil sa Inglatera noong maagang Gitnang Panahon. Kasama sa mga sistematikong teologo ang mga eskolastikong pilosopong sina Anselmo ng Canterbury, Albertus Magnus, Tomas de Aquino.
Hanggang 1970, wala pang babaeng pinangalanang doktor ng simbahan, ngunit buhat noon may apat nang nairagdag na babae, sina Santa Teresa ng Avila (Sta. Teresa de Jesus) at Catalina ng Siena ni Papa Pablo VI; Teresa ng Lisieux[2] (Sta. Teresita ng Batang si Hesus at ng Banal na Mukha), "ang Munting Bulaklak" ni Papa Juan Pablo II; at Hildegard ng Bingen ni Benedicto XVI. Sina Santa Teresa at Teresita ay kapwa Carmelitas Descalzos, habang si Sta. Catalina ay laikong Dominicana.