Edukasyon sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila

Ang kultural na pagbabago ng lahing Pilipino ay batay sa relihiyon. Ang edukasyon ay pinamahalaan ng mga pari sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga paaralang parokya (paaralan ng simbahan) na siyang naging isang paaralang itinatag sa Cebu.

Doctrina Christiana

Ang pagtatag ng mga paaralan ay isang paraan upang maitanim sa isipan ng mag-aaral ang Kristiyanismo.

Ang paaralang primarya para sa mga batang katutubo ay naitatag lamang sa huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo. Ang mga aralin ay nakasentro sa relihiyon, bagamat itinuturo rin ang kagandahang-asal, pagbasa, pagsulat, pagbilang, musika, Doctrina Christiana, at mga kasanayang nauukol sa pamumuhay at pamamahay. Sinabi ni Padre Pedro Chirino na ang mga Pilipino ay matatalino; madali nilang natutunan ang wikang Kastila at pagbigkas nito. Madali rin nilang natutunan ang kahit ano.

Nagtatag din ng mataas na paaralan ang pamahalaang Kastila upang madagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral. Noong taong 1565 dumating ang mga Agustino, Sumunod ang mga Pransiskano noong 1577. Dumating sa Marikina ang mga Hesuita noong 1581. Ang mga Dominikano naman ay dumating noong 1587 at ang mga Rekolito noong 1606.

Kauna-unahang Paaralan para sa mga Lalaki

baguhin

May mga kolehiyo para sa mga lalaki na itinatag ng mga Hesuita tulad ng Kolehiyo ng San Ignacio sa Cebu na ngayo'y seminaryo ng San Carlos at Kolehiyo ng San Jose (1601) sa Maynila.

 
Sagisag ng Ateneo de Manila, dating Escuela Pia

Noong 1865 pinamahalaan ng mga Hesuita ang Escuela Pia ng Maynila. Ito ang Ateneo de Manila University ngayon. Ang mga Dominiko ay nagtatag din ng mga paaralan para sa mga lalaki. Ang una ay ang Nuestra Senora del Rosario (1611) sa Maynila. Ito ang naging Kolehiyo ng Santo Tomas.

Kauna-unahang Paaralang Pambabae

baguhin
 
Colegio de Santa Rosa - Intramuros

Nagtatag din ng mga paaralang pambabae. Layunin ng mga ito na ihanda ang kababaihan alinman sa pagiging mabuting asawa at ina ng tahanan o sa pagmamadre. Ang ilang paaralan ay ang (Colegio de Santa Potenciana - 1589), (Colegio de Sta. Isabel - 1632), (Colegio de Santa Rosa - 1750), (Kumbento ng Asuncion - 1892), at (Colegio ng Concordia - 1896). Sa mga kolehiyong ito itinuturo ang Doctrina Christiana, Espanyol, Latin, Kasaysayan, Matematika, Musika, kagandahang-asal, pagpipinta, at sining-pantahanan tulad ng pananahi, pagbuburda, paggawa at pag-aayos ng mga bulaklak.

Iba pang paaralang itinatag

baguhin

Maliban dito, nagtatag ng iba pang mga paaralan at mga pamantasan. 3 unibersidad ang itinatag sa kapuluan. Ang una ay ang Unibersidad ng San Ignacio na tumagal hanggang 1766. Ang pangalawa ay ang Kolehiyo ng Nuestra Senora del Rosario na naging Unibersidad ng Santo Tomas. At ang pangatlo ay ang Unibersidad ng San Felipe na tumagal hanggang 1726.

Ang paaralang bayan ay nagbukas ng paaralan para sa mga lalaki at isa para sa mga babae sa bawat munisipyo. Maliban sa mga asignatura, tinuruan ang mga babae ng pagbuburda, paggagantsilyo, at pagluluto sa halip na pagsasaka.

Nagtatag din ng paaralang normal para sa mga lalaki sa pamamahala ng mga Hesuita. Ang mga nakatapos sa pag-aaral dito ay naging guro sa paaralang primarya. Sila ay ligtas sa pagbabayad ng buwis at sapilitang paggawa. Ang mga gurong ito ay kinikilalang mataas na tao sa lipunan. Kabilang sila sa mga principalia. Dahil dito, sila ay iginagalang at may malaking impluwensiya sa pamayanan.