Eksklusibong sonang ekonomiko

Ang eksklusibong sonang ekonomiko (Ingles: exclusive economic zone, daglat: EEZ) ay ang bahagi ng karagatan na itinatadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea na kung saan may espesyal na karapatan ang isang estado na galugarin at gamitin ang yamang-dagat, kasama rito ang produksiyon ng enerhiya mula sa tubig at hangin.[1] Nagmumula ito sa batayang guhit hanggang sa 200 milyang pandagat (nmi) mula sa baybayin. Sa pangkaraniwang paggamit, maaaring sinasaklaw ng EEZ ang kalapagang kontinental, ngunit hindi nito saklaw ang alinman sa dagat teritoryal o kalapagang kontinental na lampas pa sa 200 nmi limitasyon. Ang pinagkaiba ng dagat teritoryal sa eksklusibong sonang ekonomiko ay ang una'y naggagawad ng buong soberanya sa katubigan, samantala ang ikalawa'y "soberanyang karapatan" lamang ng baybaying estado sa ilalim ng dagat. Pandaigdigang katubigan ang ibabaw ng dagat, gaya ng makikita sa mapa.[2]

Mga pook sa karagatan ayon sa UNCLOS

Kahulugan

baguhin
 
Ang mga EEZ sa buong mundo ay kulay matingkad na bughaw

Karaniwan ang EEZ ng isang estado ay umaabot sa 200 milyang pandagat (370 km) mula sa pambaybaying batayang guhit, maliban na lang kung nagsasapawan ang mga EEZ ng magkabilang estado; iyon ay, kung ang layò ng mga baybayin ng magkabilang estado ay wala pa sa 400 milyang pandagat (740 km). Kung nagsasapawan ang mga EEZ, nasa mga estado na ito upang itakda kanilang mga aktuwal na hangganang pandagat.[3] Sa pangkalahatan, ang dako ng dagat kung saan nagsasapawan ang mga EEZ ay napapabilang sa estadong pinakamalapit dito.[4]

Ang eksklusibong sonang ekonomiko ng isang estado ay nagsisimula sa pakaragatang gilid ng dagat teritoryal nito at umaabot hanggang 200 milyang pandagat (370.4 km) papalayo mula sa batayang-guhit. Higit na malawig ang eksklusibong sonang ekonomiko kaysa dagat teritoryal na nagtatapós na 12 nmi mula sa baybaying batayang-guhit.[5] Samakatuwid, sakop ng EEZ ang sonang kanugnog. May karapatan din ang mga estado sa ilalim ng dagat na tinatawag na kalapagang kontinental na hanggang 350 nmi (648 km) mula sa baybaying batayang-guhit. Ito ay lagpas na ng EEZ at hindi na bahagi ng EEZ. Hindi umaangkop sa heolohikal na kahulugan ng salita ang legal na kahulugan ng kalapagang kontinental, dahil kasama rin nito ang angat at dalisdis kontinental at ang kabuuan ng lalim ng dagat na nakapaloob sa EEZ.

Pinagmulan

baguhin

Ang kaisipang naglalaan ng EEZ sa mga bansa upang bigyan sila ng kontrol sa mga isyung pandagat na labas kanilang nasasakupang teritoryo ay nagkaroon ng pagtanggap noong huling bahagi ng ika-20 siglo.

Noong una, ang dagat teritoryal kung saan may soberanya ang isang bansa ay umaabot lamang sa tatlong milyang pandagat o anim na kilometro (distansiyang naabot ng bala ng kanyón) mula sa baybayin. Sa modernong panahon, ang dagat teritoryal na may soberanya ang isang bansa ay umaabot sa 12 nmi (~22 km) mula sa baybayin. Isa sa mga unang nanawagan ng eksklusibong hurisdiksiyon sa karagatang lagpas sa nakaugaliang karagatang teritoryal ay ang Estados Unidos sa Proklamasyon ng Setyembre 28, 1945 ni Harry Truman. Subalit, Chile at Peru ang mga naunang nag-angkin ng sonang pandagat na 200 nmi sa mga Pampanguluhang Deklarasyon Kaugnay sa Kalapagang Kontinental ng 23 Hunyo 1947 (El Mercurio, Santiago de Chile, 29 Hunyo 1947) at Pampanguluhang Dekreto Blg. 781 ng 1 Agosto 1947 (El Peruano: Diario Oficial. Vol. 107, No. 1983, 11 Agosto 1947).[6]

Ngunit noon lamang 1982 sa UN Convention on the Law of the Sea nang pormal nang tanggapin ang 200 milyang pandagat na eksklusibong sonang ekonomiko:

Isinasaad ng Bahagi V, Artikulo 55 ng Kumbensiyon na:

Espesipikong rehimeng legal ng eksklusibong sonang ekonomiko
Ang eksklusibong sonang ekonomiko ay ang pook na lagpas at kadikit ng dagat teritoryal, na nasa ilalim ng espesipikong rehimeng legal na itinatakda sa Bahaging ito, kung saan ang mga karapatan at hurisdiksiyon ng Estadong baybayin at ang mga karapatan at kalayaan ng iba pang Estado ay pinangangasiwaan ng mga makabuluhang tadhana ng Kumbensiyong ito.[N 1]

Taláan

baguhin
  1. Isinalin mula:
    “Specific legal regime of the exclusive economic zone
    The exclusive economic zone is an area beyond and adjacent to the territorial sea, subject to the specific legal regime established in this Part, under which the rights and jurisdiction of the coastal State and the rights and freedoms of other States are governed by the relevant provisions of this Convention.”

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Part V - Exclusive Economic Zone, Article 56". Law of the Sea. United Nations. Nakuha noong 2011-08-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Part V - Exclusive Economic Zone, Articles 55, 56". Law of the Sea. United Nations.
  3. William R. Slomanson, 2006. Fundamental Perspectives on International Law, 5th edn. Belmont, CA: Thomson-Wadsworth, 294.
  4. UN Convention on the Law of The Sea.
  5. [1] 1982 UN Convention on the Law of The Sea.
  6. The Exclusive Economic Zone: A Historical Perspective. Fao.org. Hinango noong 2013-07-23.