Fe del Mundo

Pinay na pediatrician

Si Dr. Fe del Mundo (Nobyembre 27, 1911 – Agosto 6, 2011[2]) ay isa sa pinakamagaling na manggagamot ng bata sa Pilipinas. Nanguna siya sa pangangalaga ng kalusugan ng mga bata at nagsimula ng Ospital na Pambata sa Pilipinas (Children's Medical Center of the Philippines). Siya ay pinangarangalang Pambansang Siyentipiko noong 1980.

Fe del Mundo
Kapanganakan27 Nobyembre 1900
  • (Maynila, Kalakhang Maynila, Pilipinas)
Kamatayan6 Agosto 2011[1]
LibinganLibingan ng mga Bayani
MamamayanPilipinas
NagtaposUnibersidad ng Pilipinas, Maynila
Kolehiyo ng Medisina ng Unibersidad ng Pilipinas
Trabahosiyentipiko

Background

baguhin

Ipinanganak siya noong Nobyembre 27, 1911 sa Maynila. Isa siya sa walong mga anak nina Bernardo (isang abogado) at Paz (isang maybahay). Sinawing-palad na namatay ang kanilang ina nang siya ay sampung taong gulang pa lamang. Likas siyang matalino at masipag na mag-aaral. Nagtapos siya sa Manila South High School na may honors (1926). Nakapasa siya sa entrance test sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan ang mga babae ay binibigyan lamang na 10% na kabuuang populasyon upang makapag-enrol. Sa 200 estudyanteng kumuha ng Pre-Medicine entrance test, siya ang nanguna sa lahat. Labing-tatlong dalaga lamang ang nakapasa at isa si Fe sa mga ito.

Natapos niya ang Pre-Med sa loob lamang ng 2 taon (1928). Sa UP College of Medicine, tanging siya ang nakakuha ng markang A, o ang katumbas nitong 1.0 sa Pediatrics (Panggagamot sa mga bata). Ito ang kanyang naging inspirasyon upang magpakadalubhasa sa gawaing ito. Natapos ni Dr. Fe ang kursong Doctor of Medicine (1933) bilang class valedictorian. Naipasa niya ang pambansang Medical board examination at nakamit ang Ikatlo (3rd place) sa pinakamataas.

Dahil sa kanyang angking talino,biniyayaan siya ng Pangulo Manuel L. Quezon ng isang scholarship sa alinmang unibersidad sa Estados Unidos. Limang taon siyang nagpakadalubhasa sa Pediatrics sa Unibersidad ng Harvard. Tinapos niya ang kursong Master of Arts in Bacteriology sa Unibersidad ng Boston.

Kasabay ng Pandaigdigang Digmaan (1941), nagboluntaryo si Dr. Fe sa International Red Cross sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nang dumating ang mga Amerikano (1945), nagtatag sila ng mga Philippine Civilian Affairs Unit (PCAU) at kasama sa loob ng mga sundalong Pilipino nang galing sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mga kumilalang puwersa ng mga gerilya sa mga ospital upang mangalaga sa mga nasasakuna sa digmaan. Ang PCAU-1 ay isa sa mga naglalakihang pavilion ng National Mental Hospital sa Mandaluyong, Rizal. Samantalang ang PCAU-5 ay sa Lincoln Elementary School sa Avenida España. Daandaang biktima ng digmaan ang ginamot at naalagaan doon. Hindi nagtagal, ito ay naging North General Hospital (NGH), kung saan si Dr. Fe ang natalagang maging director nito hanggang mapalitan siya ni Dr. Jose R. Reyes (1948). Ang ospital ay nalipat sa bakuran ng San Lazaro sa Avenida Rizal (1957) at pinangalanang Dr. Jose R. Reyes Memorial Hospital.

Bilang pangunahing manggagamot ng mga bata, ipinagmamalaki ni Dr. Fe ang kanyang mga pananaliksik sa mga sakit na polio, rubella at varicella. Ang mga ito ang nagsilbing basehan sa pag-aaral at paggamit ng mga bakuna sa buong bansa. Ang kawalan ng mga kagamitan at laboratoryo sa Pilipinas hindi naging hadlang kay Dr. Fe upang patuloy na magsaliksik. Matiyaga niyang ipinadadala sa New York (para sa polio), sa London, (para sa tigdas), sa Switzerland (para sa rubella) at sa bansang Hapon (chickenpox) ang mga specimen. Sa kanyang pag-aaral sa libo-libong mga bata mula sa iba't ibang parte ng bansa (1941), napag-alaman niya na ang mga bata pala ay maaaring immune o higit na mahina ang panlaban (susceptible) sa ilang mga sakit. Ito ang naging panuntunan kung ilang taon ba dapat bigyan ng bakuna ang isang sanggol upang higit na magkabisa ito.

May isang kaso na inakalang tipus (typhoid fever) ang kumalat na epidemya noong taon 1954. Dahil sa pagtitiyaga ni Dr. Fe, ito ay nadiskubre na dengue pala. Ito ang unang pagkakataong nakilala ang dengue sa Pilipinas.

Pinag-aralan din ni Dr. Fe ang mga bakteryang nagiging sanhi ng pagtatae (bacteriological etiology ofdiarrheas) ng mga batang wala pang 5 taong gulang. Ito ang nagbukas ng daan sa paggamit ng microbials para huminto ang pagtatae.

Hindi lamang panggagamot sa bata ang pinagdalubhasaan ni Dr. Fe. Pinag-aralan din niya kung paano maaaring mapaayos at lubusang mapakinabangan ang mga hilot sa panganganak at pangangalaga ng mga batang bagong silang. Pinangunahan din niya ang pagkakaroon ng mga botika sa barangay at mga sentrong pangangalaga para sa mga ina at bata (Mother and Child Health Care Centers).

Sanggunian

baguhin
  1. http://www.gmanews.tv/story/228669/nation/fe-del-mundo-dame-of-phl-pediatrics-dies-at-99.
  2. "Fe del Mundo, dame of PHL pediatrics, dies at 99". GMA News Online. 2011-08-06. Nakuha noong 2011-08-08.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)