Ang Hacienda Luisita ay isang 4,435 hektaryang lupaing taniman ng asukal sa Tarlac na pag-aari ng pamilya Cojuangco na kinabibilangan ng dating Pangulong Corazon Aquino at kanyang anak na Pangulong Noynoy Aquino. Ito ay sinasabing kasing-laki ng pinagsamang mga lungsod ng Makati at Pasig.

Kasaysayan

baguhin

Panahong Espanyol

baguhin

Ang Hacienda Luisita ay dating pag-aari ng “Compañía General de Tabacos de Filipinas" at kilala bilang "Tabacalera" na itinatag noong Nobyembre 1881 ng Espanyol na si Don Antonio López y López mula sa Santander, sa Cantabria, Espanya. Nakuha ni López ang lupain nooong 1882, isang taon bago ang kanyang kamatayan. Kanya itong ipinangalan sa kanyang asawang si Luisa Bru y Lassús. Ang hacienda ay nagislbing taniman ng asukal at tabako.

Kabilang sa ibang mga hacienda ni López sa Pilipinas ang Hacienda Antonio, Hacienda San Fernando at Hacienda Isabel. Kabilang sa mga inkorporador ng Tabacalera ang Sociedad General de Crédito Inmobiliario Español, Banque de Paris (ngayong Paribas), at Bank of the Netherlands (ngayong ABN-AMRO).

Panahong Amerikano

baguhin

Noong Panahong Amerikano (1898-1946), ang Hacienda Luisita ang nagsuplay ng halos 20% ng lahat ng asukal sa Estados Unidos dahil sa kakulangan ng suplay sa Cuba.

Jose Cojuangco

baguhin

Ang mga problema sa rebeldeng Hukbalahap ang nagtulak sa mga may-aring Espanyol ng Hacienda Luisita na ipagbili ang lupain at ang pabrika ng asukal na Central Azucarera de Tarlac. Iniulat na hinarang ni Pangulong Ramon Magsaysay ang pagbebenta ng hacienda sa mayamang angkang Lopez ng Iloilo sa takot ni Magsaysay na baka maging mas makapangyarihan ang mga Lopez. Ang mga Lopez sa panahong ito ay nagmamay-ari ng Meralco, Negros Navigation, Manila Chronicle, ABS-CBN, at mga iba't ibang hacienda sa kanlurang Visayas.

Sa halip na ipagbili ang Hacienda Luisita sa mga Lopez, tinalakay nina Magsaysay(ninong sa kasal nina Ninoy at Cory) at Ninoy Aquino ang pagbebenta ng Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac sa biyenan ni Aquino na si Jose Cojuangco. Noong 1957, tinulungan ng pamahalaan ni Magsaysay ang paglilipat ng Hacienda Luisita sa angkang Cojuangco sa pamamagitan pagdedeposito ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng bahagi ng reserbang dolyar nito sa Manufacturer's Trust Company (MTC) sa New York upang mapautang ng MTC ang Cojuangco ng dolyar upang mabili ang Central Azucarera de Tarlac. Ang pagtulong ng Bangko Sentral ay nasa ilalim ng kondisyong hindi lamang ang Central Azucarera de Tarlac ang mabibili ng Cojuangco kundi pati ang Hacienda Luisita na ipamamahagi sa mga maliliit na magsasaka. Pinautang rin ng GSIS ng ₱5.9 milyon ang mga Cojuangco upang mabili ang Hacienda Luisita sa kondisyong ang Hacienda Luisita ay hahatiin sa mga umuupang magsasaka nito na magbabayad sa pamahalaan sa ilalim ng mga makatwirang kondisyon at termino. Pagkatapos ng apat na buwan, hiniling ni Jose Cojuangco Sr. sa GSIS na baguhin ang kondisyon na "ipagbibili na may bayad sa mga umuupa, kung meron man". Ang binagong kondisyon ay kalaunang binanggit na katwiran upang hindi ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga umuupa nito. Noong Abril 8, 1958, ang kompanya ni Jose Cojuangco, Sr, na Tarlac Development Corporation (TADECO) ang naging bagong may ari ng Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac at si Ninoy Aquino ang naging unang administrador nito.

Noong 1967(sa ilalim ni Ferdinand Marcos), ang 10 taon na panahong ibinigay ng pamahalaan ni Magsaysay sa mga Cojuangco upang ipamahagi ang Hacienda Luisita ay lumipas na walang naipamahaging lupain. Inangkin ng mga Cojuangco na dahil walang mga umuupang magsasaka sa hacienda kaya walang kailangang ipinamahaging lupain. Ang pamahalaan ay nagpadala ng mga tatlong liham sa Cojuangco hinggil sa isyu ng pamamahagi ng lupain. Ang pamahalaan ni Marcos ay naghain ng kaso sa Manila Regional Trial Court (MRTC) upang himukin ang mga Cojuangco na isuko ang Hacienda Luisita sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) upang maipamahagi sa mga magsasaka na may bayad. Tumugon ang mga Cojuangco na hindi maipamamahagi ang Hacienda Luisita dahil walang umuupang magsasaka at ang lupain ay hindi sakop ng batas sa repormang panglupain.[1] Noong Disyembre 2, 1985, inutos ng MRTC sa TADECO na isuko ang Hacienda Luisita sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan ngunit ito ay inakyat ng Cojuangco sa Court of Appeals. Inangkin rin ng mga Cojuangco na isa itong harassment ni Marcos sa pamilya Cojuangco. Si Ninoy ay isang kilalang kritiko ni Marcos.

Pangulong Corazon Aquino

baguhin

Noong Enero 22, 1987, mga 11 buwan pagkatapos mahalal ni Corazon Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas, ang mga libo libong magsasaka ay nagmartsa sa Malacañang upang hilingin ang repormang panglupain at pamamahagi ng lupain na walang gastos sa mga benepisyaryo. Ang 11 nagpoprotesta ay napatay sa tinatawag na Masaker sa Mendiola. Noong Marso 17, 1988, ang pamahalaan ni Aquino ay naghain ng mosyon sa Court of Appeals na ibasura ang kasong sibil na isinampa ng pamahalaan ni Marcos kung saan natalo ang mga Cojuangco. Hindi tumutol ang Bangko Sentral sa mosyon ng pamahalaan ni Aquino sa paniniwalang ipamamahagi ang Hacienda Luisita sa ilalim ng panukalang batas na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Noong Mayo 18, 1988, ibinasura ng Court of Appeals ang kasong isinampa ng pamahalaan ni Marcos laban sa mga Cojuangco na naguutos sa kanilang ipamahagi ang Hacienda Luisita. Noong Hunyo 10, 1988, nilagdaan ni Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program na ipinasa ng Kongreso ng Pilipinas na pinanaigan ng mga kasaping mambabatas nitong nagmamayari ng mga lupain. Ang batas ay nagbabahagi ng mga lupain sa mga manggagawang magsasaka mula sa mga may ari ng lupain na babayaran ng pamahalaan ngunit pumapayag rin sa mga may ari ng lupain na magpanatili ng hindi higit sa 5 hektarya ng kanilang lupain. Sinasabing ang batas na ito ay kumikiling sa mga may ari ng lupain gaya ng opsiyong pagbabahagi ng stock na pumapayag sa mga may ari ng lupain na makaiwas sa pagbebenta ng kanilang lupain at sa halip ay magbabahagi ng stock sa kanilang mga manggagawa. Ito ay nag-iwan pa rin sa mga may ari ng mga malalaking pribadong lupain at kanilang mga pamilya na may kontrol ng kanilang lupain. Pinili ng angkang Cojuangco na mamahagi lamang ng stock sa mga manggagawa ng Hacienda Luisita sa halip na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga manggagawa. Noong Agosto 23, 1988, itinatag ng Tarlac Development Co. (TADECO) ang Hacienda Luisita Inc. (HLI) upang ipatupad ang pamamahagi ng mga stock sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Ikinatwiran ng mga Cojuangco ang kanilang pamamahagi ng stock sa pag-aangking hindi praktikal na ipamahagi ang lupain dahil kung ipamamahagi ang 4,915.75 hektarya sa 6,296 manggagawang magsasaka nito, ang mga magsasaka ay makakakuha lamang ng kaunti sa isang hektarya o 0.78 hektarya kada tao. Ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay pinapili sa pagitan ng pagtanggap ng stock o lupain sa isang reperendum. Ang stock ay nanalo na may 92.9% ng boto. Ang ikalawang reperendum pagkatapos ng limang buwan ay nagresulta sa pagpili ng stock na may 96.75% ng kabuuang boto. Nang ipatupad ang CARP sa Hacienda Luisita noong 1989, ang pag-aari ng mga magsasaka ay itinakdang 33 porsiyento samantalang napanatili ng mga Cojuangco ang pag-aari ng 67 porsiyento nito.

Sa ilalim ni Pangulong Ramos

baguhin

Noong Setyembre 1, 1995, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan of Tarlac na muling nag-uuri sa 3,290 hektarya ng Luisita mula lupaing pansakahan tungo sa isang lupaing pangkomersiyo, industriyal at pangtirahan. Ang gobernador ng Tarlac sa panahong ito ay si Margarita “Tingting" Cojuangco na asawa ni Jose “Peping" Cojuangco, Jr. na kapatid ni Cory Aquino.

Sa ilalim ni Pangulong Arroyo

baguhin

Noong 2003, ang arawang sahod ng mga manggagawang magsasaka ng Hacienda Luisita ay bumagsak sa ₱194.50 at ang araw ng pagtatrabaho ay bumagsak sa isang araw kada isang linggo. Ang mga manggagawa ng Hacienda Luisita ay naghain ng petisyon sa DAR na bawiin ang kasunduang stock sa pagitan ng mga Cojuangco at magsasaka. Inangkin ng mga manggagawa mula sa HLI supervisory group na hindi sila nakakatanggap ng dividend at ibang mga bepenisyong ipinangako sa kanila. Ang petisyon ng pagbawi ng kasunduang stock ay nakalikom ng 5,300 lagda. Noong Hulyo 2004, ang unyon ng mga manggagawa ay nagtangkang makipag-ayos sa HLI na pataasin ang arawang sahod sa ₱225 at araw ng pagtatrabaho sa 2 hanggang 3 araw kada isang linggo sa halip na isang araw kada linggo. Hindi umayon ang HLI na inangking ang kompanya ay nawawalan ng kita. Noong Oktubra 1, 2004, tinanggal ng management ng HLI ang 327 manggagawa kabilang ang mga union officer. Noong Nobyembre 6, 2004, nagprotesta ang halos lahat ng 5,000 kasapi ng United Luisita Workers Union (ULWU) at 700 kasapi ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) sa pagtatanggal ng mga manggagawa. Noong Nobyembre 16,2004, ang karahasan ay sumiklab sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga puwersang pulis at militar sa tinaguriang Luisita massacre. Ang mga 7 katao ay napatay at 121 ay nasugatan kung saan ang 32 ay nabaril. Pagkaraan ng isang buwan ng Luisita massacre, ang linya pagpipiket ay inilagay sa palibot ng Hacienda Luisita. Ang mga 8 katao ay pinagpapatay ng isa isa. Ang pagpatay ay nagsimula noong Disyembre 8, 2004 kay Marcelino Beltran na retiradong opiser ng hukbo na naging pinuno ng magsasaka. Mula Nobyembre 2004 hanggang Pebrero 2005, ang Task Force Luisita ng DAR ay nagsagawa ng mga imbestigasyon at talakayan sa mga manggagawa. Noong Nobyembre 22, 2005, nirekomiyenda ng Task Force Luisita ang pagbawi ng kasunduang stock sa pagitan ng mga Cojuangco at manggagawa noong Mayo 1989 na nagsasabing nabigong mapatupad ng kasunduang stock ang mga hangarin ng CARP hinggil sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan at pagpapabuti ng buhay ng mga magsasaka. Noong Disyembre 22, 2005, ang PARC ay naglabas ng resolusyon bilang 2005-32-01 na nag-uutos ng pagbawi ng kasunduang stock ng Hacienda Luisita at nag-utos ng pamamahagi ng lupain sa mga benepisyaryong magsasaka. Noong Pebrero 1, 2006, hiniling ng HLI sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na pigilan ang pagpapatupad ng resolusyon. Ang Hukuman ay naglabas ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng resolusyon ng PARC.

Sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino

baguhin

Sa kampanya ni Noynoy Aquino para sa halalan ng pagkapangulo noong Pebrero 2010, kanyang ipinangako ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga manggagawa sa taong 2014. Noong Agosto 6,2010, ang HLI at mga paksiyon ng mga pangkat ng magsasaka ay lumagda sa kasunduang kompromiso na nagbibigay sa mga magsasaka ng pagkakataong manatiling stockholder ng HLI o tumanggap ng bahaging lupain ng Hacienda Luisita. Maraming bumotong manatiling stockholder at tumanggap ng salapi ngunit nagreklamong ang kanilang nakuha ay maliit na halaga. Hiniling ng HLI sa Kataas taasang Hukuman na pagtibayin ang kasunduang kompromiso. Ang isang paksiyon ng mga pangkat ng magsasaka ay humiling sa Kataastaasang Hukuman na ibasura ang kasunduang kompromiso dahil ito ay nilagdaan bago pa magpasya ang hukuman sa balidad ng opsiyong stock ng Hacienda Luisita. Noong Hulyo 5, 2011, pinagtibay ng Kataas taasang Hukuman ang resolusyon ng PARC na nagbabawi ng opsiyong stock ng Hacienda Luisita. Inutos ng Kataastaasang Hukuman sa DAR na magsagawa ng isang reperendum kung saan ang mga manggagawa ay makakaboto kung nais nilang manatiling stockholder ng HLI o tumanggap ng lupain.

Mga sanggunian

baguhin