Himagsikang Rumano ng 1989

(Idinirekta mula sa Himagsikang Rumano)


Ang Himagsikang Rumano ng 1989 ay isang pagkakasunud-sunod ng mga kaguluhan at labanan sa Rumanya noong Disyembre 1989. Ito ay bahagi ng Himagsikan ng 1989 na naganap sa karamihan ng mga bansang miyembro ng Kasunduan ng Varsovia. Nag-iisa lamang ang Himagsikang Rumano na sapilitang ibinagsak ang isang pamahalaang Komunista at ibinitay ang sarili nitong pinuno ng estado.

Tinapos ng himagsikan ang rehimeng Komunista ni Nicolae Ceaușescu. Ang mga protesta at karahasan sa karamihan ng mga lungsod sa Rumanya sa loob ng halos isang linggo ang nag-udyok sa Rumanong diktador na iabandona ang kapangyarihan at tumakas palayo ng Bukarest kasama ang kanyang asawa, si Elena Ceaușescu. Nahuli sila sa Târgoviște at nilitis sa isang pakitang paglilitis ng isang hukumang pangmilitar sa mga akusasyon ng pagpatay ng lahi, pinsala sa pambansang ekonomya, at pag-abuso ng kapangyarihan upang isakatuparan ang mga pangmilitar na pagkilos laban sa mga mamamayan ng Rumanya.

Ang Himagsikang Rumano ay nagdulot ng pagkamatay ng 1,104 na katao, 162 sa mga ito naganap sa mga protesta mula Disyembre 16 hanggang 22 Disyembre 1989 at nagtapos sa pagbagsak ng rehimeng Ceaușescu at ang natitirang 942 naman ay naganap sa mga protesta bago ang pag-agaw sa kapangyarihan ng isang bagong istrukturang pampolitika, ang National Salvation Front. Karamihan sa mga namatay ay naitala sa mga lungsod ng Timișoara, Bukarest, Sibiu, at Arad. Ang mga sugatan naman ay naitala sa 3,352 at sa mga ito, 1,107 ay sa panahong ang mga Ceaușescu pa ang nasa kapangyarihan at ang natitirang 2,245 ay sa panahong matapos agawin ng National Salvation Front ang kapangyarihan.

Pinagmulan ng himagsikan

baguhin

May tatlong pangunahing rason kung bakit sumiklab ang Himagsikang Rumano:

  1. Ang Securitate, o ang lihim na pulis ni Ceaușescu ay nasa lahat na ng pook na masasabing ang Rumanya ay naging isang estadong pulisyal. Limitado ang malayang pagsasalita at pinagbabawalan ang mga opinyong hindi pabor sa Partido Komunista. Pinaniniwalaan na sa awat apat na Rumano ay may isang impormante ng Securitate. Samantalang ang proposyon na ito ay maaaring mas maliit pa, ay sigurado namang sapat ang laki nito upang maging imposible ang isang organisadong pagtutol. Sadyang ginamit ng rehimen ang kamalayang ito na ang lahat ay pinapanood upang gawng mas madali na pasunurin ang mga tao sa kagustuhan ng Partido. Maging sa mga pamantayang Sobyet, ang Securitate ay natatanging brutal.
  2. Ang programang pagtitipid ni Nicolae Ceaușescu, na idinisenyo upang mapagana ang Rumanya na bayaran ang pambansang utang nito sa loob lamang ng ilang taon, ang nagbagsak sa mga mamamayan sa maantak na kakulangan at pagtaas ng kahirapan. Ang telebisyong Rumano ay pinaliit sa isang estasyon na nagsasahimpapawid lamang sa loob ng dalawang oras kada araw, naaantala ang kuryente sa loob ng mahabang oras lalo na sa gabi, at ang pagkakaroon ng mga mahabang pila sa mga pamilihan dahil ang kuryente, pagkain, mga damit, at iba pang mga domestikong gawang Rumano ay iniluluwas sa ibang bansa kapalit ng salaping internasyonal para ipambayad sa mga utang ng bansa.
  3. Nilikha ni Ceaușescu ang isang uri ng pagsamba sa kanya ng sambayanang Rumano, na may lingguhang mga palabas sa kalsada o sa istadyum sa iba't ibang mga lungsod na dedikado sa kanya, sa kanyang asawa, at sa Partido Komunista. Nagkaroon ng mapaggastang mga proyekto, tulad ng pagtatayo sa engrandeng Bahay Republika (ngayo'y Palasyo ng Parlamento), ang pinakamalaking palasyo sa buong mundo, ang katabing Centrul Civic (Sentrong Sibiko), at ang hindi natapos na museo na dedikado sa Komunismo at kay Ceaușescu, na ngayon ay ang Casa Radio. Ang mga ito at mga kaparehang proyekto ang umubos sa pananalapi ng bansa at pinalubha ang napalaban nang sitwasyon ng ekonomya. Libo-libong mamamayan ng Bukarest ang pinalayas sa kanilang mga tahanan na pagkaraan ay dinemolisado upang magkaroon ng lugar para sa malaking mga istruktura.

Tulad sa mga katabing bansa, nang sumapit ang taong 1989, karamihan ng populasyong Rumano ay nayayamot sa rehimeng Komunista.

'Di katulad sa ibang mga bansang miyembro ng Kasunduan ng Varsovia, si Ceaușescu ay 'di hamak na maka-Sobyet, pero nagtaguyod ng isang "malayang" patakarang panlabas. Hindi tumulong ang hukbong Rumano sa kanilang mga Kasunduan sa Varsovia na mga ka-alyansa sa pagpapatigil sa Tagsibol ng Praga - isang pananakop na kinondena ni Ceaușescu - samantala, mga atletang Rumano ay nakipagpaligsahan sa Palarong Olimpiko sa Tag-init 1984 sa Los Angeles, na binoykot ng mga Sobyet. Samantala, ang pinunong Sobiyet na si Mikhail Gorbachev ay nagsusulong ng reporma, si Ceaușescu naman ay nanatili sa isang mahirap na linyang pampolitika at kulto ng katauhan.

Ang programang pagtitipid na nagsimula noong 1980 at ang malawakang kahirapan na dinala nito ang nagpayamot sa rehimeng Komunista. Sa kalagitnaan ng 1989, nagkamit si Ceaușescu ng isang pampolitikang tagumpay dahil tuluyang nabayarang ng Rumanya ang utang panlabas nito ilang buwan bago ang inaasahan. Ngunit sa mga sumunod na buwan, nanatiling parehas ang kakulangan at ang pagtitipid.

Kaguluhan sa Brașov

baguhin

Disyembre 1989 ang huli sa sunud-sunod na mga pangyayari na nagsimula sa isang anti-Ceauşista na demonstrasyon sa Brașov noong 15 Nobyembre 1987. Nagsimula ang rebelyon sa negosyo ng taga-gawa ng trak na si Steagul Roșu, kung saan nagsmula ang welga noong gabi ng 14 Nobyembre, sa panggabing paghahalili, at nagpatuloy sa sumunod na umaga sa isang martsa sa kabayanan. Nalaman ng mga Rumano ang pangyayari sa pamamagitan ng Radio Free Europe. Isinasalaysay ni Emil Hurezeanu, Naaalala ko kung paano sinimulan ni Neculai Constantin Munteanu, ang tagapamagitan ng palabas, ang palatuntunan sa radyo: 'Brașov! Kaya't Brașov! Ngayon ay nagsimula ito!' Ito ang tono ng buong palatuntunan. Nagkaroon kami ng mga pakikipanayam, impormasyon, pagpapakahulugan ng mga interpretador pampampolitika. Mas malumang mga artikulo hinahayag ang mga bukas na protesta sa kalye laban kay Ceaușescu."

Ang pagganti laban sa mga welgista ay mabilis. Sila ay inaresto at pinakulong at ang kanilang mga pamilya ay tinakot, ngunit itong kilos ng katapangan sa panig ng mga manggagawa ng Brașov ang nagbigay daan sa iba pang mga malawakang pag-aalsa. Sa ganitong diwa, mula sa Radio Free Europe, sinabi ni Emil Hurezeanu, "Lahat ng ito ay naging isang opensibo. Inaasahan ang reaksiyon ng rehimen... Sa lalong madaling panahon, makikita na gusto itong itago ng rehimen, alisin ito, sadyang di pagtugon sa mga paghabol, di paggawa ng mga hakbang, baguhin ang anuman, di pagbago sa protestang ito papunta sa isang pampublikong debate o kahit sa loob ng Partido, sa Pampolitikang Komiteng Tagapagpaganap (Political Executive Committee). At pagkatapos ay, ang paraan ng mga konprontasyon sa kalye kasama ang rehimen ang tanging posibleng... [pagtugon]. Ito naging ang leitmotif ng lahat ng pagsusuri ng media. Ito ay ang simula ng isang aksiyon laban sa sistema na bumubuo ng iba pang mga bagay. Ito ay isang protestang paggawa sa isang kuta ng Ceauşescu, ito ay isang mensaheng na laban sa diktador, ito ay isang malinaw na pampolitika na konteksto: ang panggigipit ng Mosku, ang pagtanggi ni Ceaușescu na tanggapin ang mga hinihingi ni Gorbachev, ang hampol kasama ang Kanluran na siyang nagbago sa pananaw patungo sa rehimen - lahat ay isinagawa sa amin upang maniwala na ang simula ng pagtatapos ay darating ".

Noong Marso 1989, karamihan sa mga pangunahing aktibista ng Partido Komunista ng Rumanya ay nagprotesta sa isang liham na bumabatikos sa mga patakrang pang-ekonomiya ni Nicolae Ceaușescu, ngunit makalipas ang ilang oras, nakamit ni Ceauşescu ang isang makabuluhang tagumpay pampolitika: tuluyang nabayaran ng Rumanya ang mga utang panlabas nito, ilang buwan bago sa inaasahan ng Rumanong diktador.

Pormal na muling inihalal ng Partido Komunista ng Rumanya - ang nag-iisang partido pampolitika sa Republikang Sosyalista ng Rumanya - si Ceaușescu, sa ika-labing apat na Kongreso noong Nobyembre 24. Noong 11 Nobyembre 1989, bago magsimula ang pagpupulong sa Kongreso ng partido, sa Kalye Brezoianu at Kalye Kogălniceanu ng Bukarest, mga estudyante mula sa Cluj-Napoca at Bukarest ang nagrotesta na may mga placard na nakasulat, "Gusto namin ng reporma sa pamahalaang Ceaușescu."

Ang mga estudyante - kabilang sina Paraschivescu Mihnea, Vulpe Gratian, at ang anarkistang si Dan Caprariu-Schlachter mula sa Cluj, ay idinetina at inimbestigahan ng Securitate sa Penitensiyaryong Rahova, sa paghihinala ng propaganda laban sa lipunang sosyalista. Sila ay pinalaya noong 22 Disyembre 1989, 2PM.

May iba pang mga liham at iba pang pagtangka upang mabigyang pansin ang pang-aaping pang-ekonomiya, kultural, at espiritual ng mga Rumano, ngunit pinatindi lamang nito ang kilos ng Securitate at ng kapulisang Komunista.

Mga protesta sa Timișoara

baguhin

Noong 16 Disyembre, sumiklab ang mga protesta sa Timișoara bilang tugon sa pagtangka ng pamahalaan na palayasin ang isang disidente, si László Tőkés, isang pastor ng Simbahang Repormadong Unggaro (Hungarian Reformed Church). Si Tőkés ay nagbigay ng mga kumentong kritikal sa rehimen sa telebisyong Unggaryan at nagreklamo, na hindi alam ng mga Rumano ang kanilang mga karapatang pantao. Sa paglalarawan ni Tőkés sa paglaon, ang pakikipanayam, na napanood ng mga Rumano na nakatira sa hangganan ng Rumanya, na kumalat sa buong Rumanya, ay bumigla sa mga Rumano, gayundin sa Securitate. Ngunit, hindi inaasahan ang epekto sa pampublikong kapaligiran sa Rumanya.

Nanindigan ang pamahalaan na si Tőkés ay nagpapaabong ng ethnikong pagkamuhi. At sa utos ng pamahalaan, inalis siya ng kanyang obispo sa kanyang puwesto. Sa gayon, ay binawian siya ng karapatang gamitin ang apartamento na kung saan, siya ay nararapatan bilang isang pastor - at itinalaga siya para maging pastor sa kabukiran. Sa ilang oras, ang kanyang mga parokyano ay nagtitipon sa paligid ng kanyang tahanan upang protektahan siya mula sa panliligalig at pagpalayas. Maraming nagdadaan, kabilang ang mga relihiyosong mga mag-aaral na Rumano, ay kusang sumali.

Nang maging malinaw na ang mga tao ay hindi maghihiwa-hiwalay, ang alkalde, si Petre Moț, ay nagsalita na nagmumungkahing baligtarin ang desisyon na paalisin si Tőkés. Samantala, ang mga tao ay naiinip, at nang tumanggi si Moț na kumpirmahin ang kanyang pahayag laban sa pinaplanong pagpapaalis ng pormal, nagsimulang umawit ang mga tao ng mga pamansag laban sa mga Komunista. Pagkatapos, dumating ang mga pulis at ang Securitate. Nang sumapit ang 7:30 n.g., kumalat ang protesta, at ang orihinal na layunin ay naging, sa kalakhan, walang kaugnayan sa paksa.

Ang ilan sa mga nagpoprotesta ay tinangkang sunugin ang Gusali ng Komiteng Pandistrito ng Partido Komunista ng Rumanya. Tumugon ang Securitate ng tirgas at mga diyet ng tubig, samantala naman ay binugbog at inaresto ng mga pulis ang karamihan sa mga nagpoprotesta. Nang sumapit ang 9:00 n.g., umalis ang mga nagpoprotesta. Sila ay muling nagpangkat sa paligid ng Katedral ng Simbahang Ortodokso ng Rumanya at nagsimula ng isang martsang protesta palibot ng lungsod, ngunit sila ay muling kinonpronta ng mga puwersang seguridad.

Opensibang militar

baguhin

Nagsimula mula ang mga kaguluhan at protesta sa sumunod na araw, 17 Disyembre. Sinugod ng mga raliyista ang District Central Committee Building at nagtapon ng mga dokumento ng Partido, pulyetong propaganda, akda ni Ceaușescu, at iba pang mga sagisag ng kapangyarihang Komunista, sa labas ng mga bintana. Muli, sinubukan nilang sunugin ang gusali, ngunit pinipigilan sila ng hukbo.

Sa kadahilanang walang pulis laban sa mga raliyista ang Rumanya (sapagkat pinaniniwalaan ni Ceaușescu na mahal siya ng mga mamamayang Rumano, kung kaya't hindi ito kinakailangan), ang hukbo ang ipinadala upang makontrol ang kaguluhan, sapagkat hindi kaya ito pigilan ng Securitate at ng maginoong pulisya. Ang kahalagahan ng pagpapalabas sa hukbo sa mga lansangan ay isang pagbabanta; ibig nitong sabihin na ito ay nakatanggap ng pag-uutos mula sa pinakamataas na antas sa hukbo, maaaring mula kay Ceauşescu mismo. Ngunit nabigo silang panatilihin ang kaayusan, bagkus lumalala ang kaguluhan. Kung kaya't ipinadala na ang mga tanke at mga Transportor Amfibiu Blindat.

Bandang alas-otso ng gabi, naganap ang mga putukan sa buong lungsod. Hinarang ng mga tangke, mga trak, at mga TAB ang mga daanan papasok at palabas ng lungsod, gayundin sa himpapawid kung saan nakabantay ang mga helikopter. Pagkaraan ng hatinggabi, tumahimik ang mga protesta. Siniyasat nina Ion Coman, Ilie Matei, at Ștefan Gușă, ang Hepe ng Heneral na Estapa ng Rumanya, ang lungsod, kung saan ang ilang mga lugar ay parang mga kinahinatnan ng isang digmaan: pagkawasak, abo, at dugo.

Kinabukasan, noong ika-18 ng Disyembre, ang sentro ng lungsod ay binabantayan ng mga sundalo at mga ahente ng Securitate na nakasuot ng pan-sibilyang mga pananamit. Nag-utos ng isang pagtitipon ng Partido si Mayor Moț na gaganapin sa Pamantasan, na may hangarin na ikundena ang mga katampalasan noong mga nakaraang araw. Nagdeklara rin siya ng Batas Militar, na nagbabawal sa mga mamamayan na umalis bilang mga grupo na mas marami sa dalawang tao.

Bilang pagsasalungat sa kurpyo, isang grupo ng 30 kalalakihan ang nagtungo sa Katedral ng Simbahang Ortodokso ng Rumanya, kung saan sila ay tumigil at iwinagayway ang isang watawat ng Rumanya na inalisan nila ng eskudo ng Partido Komunista. Inaasahan na sila ay papuputukan ng mga baril, nagsimula silang kumanta ng Deșteaptă-te, române!, ang dating pambansang awit ng bansa na ipinagbawal noong 1947. Sila nga ay pinaputukan ng mga baril kung saan may ilang namatay, sugatan, at gayundin ang mga mapapalad na nakaligtas.

Nang sumunod na araw, binisita nina Radu Bălan at Ştefan Guşă ang mga manggagawa sa mga pabrika ng lungsod, ngunit nabigo silang pabalikin sa pagtatrabaho ang mga ito. Aabot sa 100, 000 mga demonstrador ang umokupa sa Piața Operei at nagsimulang umawit ng mga protestang laban sa pamahalaan tulad ng: "Noi suntem poporul!" ("Kami ang taumbayan!"), "Armata e cu noi!" ("Ang hukbo ay nasa aming panig!"), at "Nu vă fie frică, Ceaușescu pică!" ("Huwag nang masindak, pabagsak na si Ceaușescu!").

Samantala, ipinadala naman ni Elena Ceauşescu (sapagkat si Nicolae Ceauşescu ay nasa Iran noong panahong ito) sina Emil Bobu, ang Kalihim ng Komiteng Sentral, at Constantin Dăscălescu, ang Punong Ministro, upang malutas ang kalagayang ito. Nakipagpulong sila sa isang delegasyon ng mga demonstrador at pumayag sa pagpapalaya sa karamihan ng mga inaresto, ngunit tumanggi sila sa pangunahing paghahabol ng mga ito, ang pagbaba ni Ceauşescu sa pwesto, na siyang hindi nakapag-paayos sa kalagayang ito.

Kinabukasan, dumating ang mga tren sa Timișoara na nagmula sa Oltenia, dala-dala ang mga manggagawa mula sa mga pabrika nito, upang masupil ang mga malawakang protesta, ngunit sila rin sa huli, ay sumali sa mga protesta. Sabi nga ng isang manggagawa, "Kahapon, pinagsama-sama kami sa bakuran ng aming tagapangasiwa at ng isang opisyal ng partido, at binigyan kami ng mga kahoy na pambambo at sinabi sa amin na niluluray ng mga Unggaro at mga siga-siga ang Timișoara at tungkulin namin na pumunta doon at supilin ang kaguluhan. Ngunit napagtanto ko na hindi ito ang katotohanan."

Noong 18 Disyembre 1989, umalis si Ceaușescu patungong Iran, na siyang naglalarga sa gawain na supilin ang pag-aalsa sa Timișoara sa kanyang asawa at mga opisyal. Pagkabalik niya noong 20 Disyembre, mas lumala ang kalagayan, at nagbigay siya ng isang talumpating nakunan ng telebisyon mulsa sa isang estudyo ng telebisyon sa loob ng Gusali ng Komiteng Sentral, kung saan sinabi niya ang mga nangyari sa Timișoara ay "isang panghihimasok ng mga dayuhan sa mga panloob na kapakanan ng Rumanya" at "isang panlabas na agresyon sa kapangyarihan ng Rumanya".

Ang taumbayan, kung saan ay hindi nila nababatid ang mga pangyayari sa Timişoara mula sa pambansang media, ay nalaman ito mula sa mga Kanluraning estasyon ng radyo, tulad ng Voice of America at Radio Free Europe, at sa pakikibalita sa pamamagitan ng pagkukwentuhano pakikipagtalastasan. Isang malawakang pagpupulong ay inihanda para sa susunod na araw, 21 Disyembre, na ayon sa pambansang media, ay isang pagpapakita ng kusang-loob na kilusan ng suporta para kay Ceauşescu, katulad ng sa pulong noong 1968 kung saan kinondena ni Ceauşescu ang pagsakop sa Tsekoslobakya ng mga miyembro ng Kasunduang Varsovia makatapos ng Tagsibol ng Praga.

Paglaganap ng pag-aalsa sa buong bansa

baguhin

Ang Talumpati ni Ceaușescu

baguhin
 
Mga demonstrador sa Cluj-Napoka noong umaga ng 21 Disyembre. Ito ay nakunan ilang minuto bago nagpaputok ang mga puwersang panseguridad.

Umaga ng 21 Disyembre, nagtalumpati si Ceauşescu sa isang pagpupulong na binubuo ng halos 100, 000 katao, upang ikondena ang pag-aalsa sa Timişoara. Nahirapan ang mga opisyal ng Partido na ipakita na nananatiling popular sa bansa si Ceauşescu. Maraming mga manggagawa, na binantaang papuputukan ng baril, ay dumating sa Piaţa Palatului (o ang Plaza ng Palasyo) at binigyan ng mga pulang watawat, banner, at mga malaking larawan ni Ceauşescu. Nadagdagan pa sila ng mga miron na itinipon sa Calea Victoriei.

Sa isang talumpati na may bahid ng karaniwang Marxistang-Leninistang wikang kahoy, na naglalabas ng mga maka-sosyalista at Partido Komunista na sayusay, nagbigay si Ceauşescu ng isang litanya ng mga tagumpay ng Himagsikang Sosyalista at ng nabuong multi-lateral na lipunang sosyalista ng Rumanya. Isinisi niya ang pag-aalsa sa Timişoara sa mga "dayuhang manunulsol".