Ang Tagsibol ng Praga (Tseko: Pražské jaro, Eslobako: Pražská jar, Ingles: Prague Spring) ay isang panahon ng liberalisasyong pampolitika sa Tsekoslobakya (ngayon ay ang Republikang Tseko at Eslobakya) noong panahon ng paghahari ng Unyong Sobyet sa bansa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsimula ang panahong ito noong 5 Enero 1968, noong inihalal si Alexander Dubček, isang repormista, bilang Unang Kalihim ng Partido Komunista ng Tsekoslobakya, at nagtuloy ito hanggang 21 Agosto, kung saan inilusob ng Unyong Sobyet at ang mga kasapi ng Kasunduan ng Warsaw ang bansa upang pigilan ang kilusang reporma.

Kilala ang Tagsibol ng Praga bilang panahon ng pagbibigay sa sambayanang Tsekoslobakyo ng pamahalaan ni Dubček ng mga karagdagang karapatan bilang kasama sa bahagyang demokratisasyon, desentralisasyon at liberalisasyon ng ekonomiya ng bansa. Kasama dito ang pagluluwag ng pamahalaan sa mga hangganang ipinataw sa midya, pananalita at paglalakbay, at ang iminungkahing paghahati ng bansa sa tatlong republikang nasa ilalim ng isang pederasyon: ang Morabya, Bohemya-Silesya at Eslobakya. Naging pinal dito ang paghahati ng bansa sa Republikang Tseko at Republikang Eslobako: ang nag-iisang reporma na nanatili pagkatapos ng wakas ng Tagsibol ng Praga. Hindi ito mabuting tinanggap ng mga Sobyet, at makatapos ng mga pumalyang negosasyon, pumasok ang libu-libong sundalo at tangkeng Sobyet sa bansa, at nanatili sila sa bansa hanggang 1991.

Makatapos ng pagharang ng mga Sobyet sa Tagsibol ng Praga, itinalsik si Dubček sa puwesto, at isinailalim ang Tsekoslobakya sa isang panahon ng "normalisasyon", kung saan sinikap ng mga Komunista na ibalik ang mga umiral na diwang pampolitika at pang-ekonomiya sa Tsekoslobakya bago sumapit ang Tagsibol ng Praga. Ipinalit si Dubček ni Gustáv Husák, at ibinalik ni Husák halos lahat ng mga repormang ipinatupad ni Dubček sa kaniyang taning bilang pangulo. Nagsilbi ring inspirasyon ang Tagsibol ng Praga para sa musika at panitikang inilikha ng mga taong tulad ni Václav Havel, Karel Husa, Karel Kryl, at ang nobelang Ang 'Di-Makayang Kagaanan ng Pagiging ni Milan Kundera.


Kasaysayan Ang lathalaing ito na tungkol sa Kasaysayan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.