Si John Lydgate ng Bury (c. 1370 – c. 1451)[1] ay isang monghe at makata, na ipinanganak sa Lidgate (binabaybay ding Lydgate[2]), Suffolk, Inglatera. Siya ang makata ng korte noong kapanahunan ng paghahari nina Henry IV, Henry V, at Henry VI. Malimit siyang tawagin bilang "alagad ni Geoffrey Chaucer."[2] Isang tagahanga ni Chaucer si Lydgate, at naging kaibigan din ng anak ni Chaucer na si Thomas.

John Lydgate
Kapanganakan1370
  • (East of England, Inglatera)
Kamatayan1450
  • (West Suffolk, Suffolk, East of England, Inglatera)
MamamayanUnited Kingdom of Great Britain and Ireland
Trabahomakatà, manunulat, tagasalin

Talambuhay

baguhin

Pumasok siya sa monasteryong Benediktino ng Bury St. Edmunds sa edad na labinglima at nagig monghe doon makalipas ang isang taon. Sa kaniyang mga huling panahon sa buhay, nanirahan siya at pinaniniwalaang sumakabilang-buhay habang nasa monasteryong ito.

Mga tagapagtangkilik

baguhin

Sapagkat mayroon siyang mga adhikaing pampanitikan, hinanap niya at natanggap ang pagkalinga at paghanga sa kaniyang mga gawa mula sa mga korte nina Henry IV, Henry V, at Henry VI ng Inglatera. Kabilang din sa mga tagapagtaguyod niya, kasama ng marami pang iba, ang punung-lungsod at mga Alderman ng London, isang grupo mula sa Katedral ni San Pablo, at Richard de Beauchamp, ika-13 Earl ng Warwick. Subalit si Humphrey, Duke ng Gloucester ang pinakapangunahin niyang patron mula 1422. Noong 1423, ginawa siyang prior ng Hatfield Broad Oak, Essex ngunit madalian ding nagbitiw mula sa tanggapan upang makapagbigay ng panahon sa kaniyang mga pagbibiyahe at pagsusulat.

Mga ambag na panlarangan

baguhin

Sinasabi ng Talahuluganang Ingles ng Oxford na si Lydgate ang pinakaunang gumamit ng salitang talent o talino na tumutukoy sa likas na kakayahang biyaya. Kabilang sa mga akda ni Lydgate ang Falls of Princes, Troy Book, The Story of Thebes, at The Life of Our Lady. Sinasabing inibig niya sanang idagdag ang The Story of Thebes sa Canterbury Tales ni Chaucer.[2]

Marami siyang naisulat na mga tula, alegorya, pabula at romansa, ngunit ang pinakakilalang gawa niya ay ang mga mas mahahaba at mas nakapagbibigay-aral na Troy Book, Siege of Thebes at ang Fall of Princes. Isang salin ang Troy Book mula sa prosang pasalaysay na nasa Latin ni Guido delle Colonne, ang Historia destructionis Troiae (Kasaysayan ng Pagkawasak ng Troy[3]). Pinaniniwalaan din na si Lydgate ang sumulat ng London Lickpenny, isang akdang satiriko; subalit maraming mga dalubhasa ang tumatanggi sa paniniwalang ito. Isinalin din niya ang mga tula ni William ng Digulleville patungong Ingles.[2]

Sanggunian

baguhin
  1. Platt, Colin (1996). King Death: The Black Death and its aftermath in late-medieval England. London: UCL Press Limited. ISBN 1-85728-313-9.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "John Lydgate". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Salin mula sa katumbas sa Ingles na "History of the destruction of Troy".

Mga panlabas na kawing

baguhin