Ang isang taong may kapansanan[1] (Ingles: disability, handicap) ay isang mamamayan na may pisikal na kapinsalaan o kasiraan sa anumang bahagi ng kaniyang katawan. Ito ang nagiging sanhi ng pagiging kaiba niya sa ibang mga tao. May mga likas na kapansanan at mga kapansanang dahil din sa mga karanasang katulad ng mga sakuna. Halimbawa na nito ang mga pagkabulag o pagkawala ng isang paa o kamay.[2]

Pansandaigdaigang Sagisag ng Aksesibilidad.

Kasaysayan

baguhin

Malupit ang mga isinaunang mga primitibong tao sa sinumang may kapansanan sapagkat hindi sila ganap na nakakatulong sa angkan o tribo katulad ng sa paghahanap o paghuli ng mga makakain. Dati ring pinaniniwalaan, kung kakaiba ang isang tao dahil sa kaniyang kapansanan, na mayroon siyang kaugnayan sa mga diyablo o masasamang mga espiritu. Itinatakwil at pinalalayas sila sa kanilang mga tahanan, bayan o tribo, maging mga bata pa lamang.[2]

Mga uri

baguhin

May mga kapansanan na lumitaw na sa panahon pa lamang ng pagsilang o bago pa isilang (tinatawag na konhenital, o mga sanhi ng henetiko). May mga sanggol na iniluwal na walang mga kamay o paa, may pinsala sa utak, mga kasungian na nagiging sanhi ng kahirapan sa pagsasalita kapag malaki na ang bata, at may mga bata rin na may kapansanan sa mga glandula na tumutulong sa paglaki at pagtaas. Ilan sa mga halimbawa ng mga kapansanang likas o konhenital ang cerebral palsy, may sungi sa nguso, o hiwa sa ngalangala.[2]

Mayroon din namang mga kapansanang dahil sa mga sakit na nagiging sanhi ng mga pang-habang-buhay na epekto. Katulad ang mga paralisado, kung saan hindi mapagalaw ang mga masel, na sanhi ng polio o atake sa puso. Mayroon namang nagiging lampa at lumpo dahil sa arthritis. May mga nabubulag dahil sa glaucoma.[2]

Meron din namang dahil sa mga aksidente: mga hindi maigalaw ng maayos ang kamay dahil sa pagiging biktima ng sunog, o mga naging imbalido o paralisado dahil sa pagkakapinsala ng kurdong panggulugod noong makaranas ng pagkabundol ng sasakyan o pagkabangga ng sasakyang minamaneho. At mayroon pang mga naputulan ng mga binti dahil sa pagsabog ng mga paputok o bomba habang nagtatrabaho sa minahan.[2]

Marami ring mga taong may-kapansanan ang nabibilang sa mga taong tumatanda dahil sa kanilang edad.[2]

Kasulukuyang pananaw

baguhin

Sa makabagong panahon, nalalaman na mga tao na kailangang tulungan natin ang mga may-kapansanan. Maaaring mapabuti ang mga pisikal na depektong ito sa pamamagitan ng siruhiya o panggagamot na pisikal. May mga pasadya at espesyal na mga pagsasanay na makatutulong sa mga may-kapansanan para magamit nila ang mga bahagi ng katawan na may kahinaan o kapinsalaan. Sa ngayon, tinatanaw na ngayon ang mga may-kapansanan bilang mga "tao na may kapansanan" at hindi bilang "isang may-kapansanang tao" sapagkat, katulad ng mga walang-kapansan, mayroon din silang mga talento at abilidad. Mas gusto ng mga may kapansan na respetuhin sila at bigyan ng paggalang, sa halip na kaawaan. Mas ibig nila na ituring silang isang taong "katulad din ng iba o karamihan".[2]

Sa trabaho

baguhin

Sa larangan ng trabaho, marami nang isinagawang mga pag-aaral na kadalasang mas mainam na trabahor ang mga may-kapansanan kung ikukumpara sa mga walang-kapansanan, lalo na kung malalagay sa isang gawaing nababagay para sa kaniya. Dahil sa kagustuhan niyang magtagumpay, mas nagiging katangi-tangi ang rekord sa pagpasok sa trabaho at maging sa pag-iingat ng sarili ang isang taong may-kapinsalaan.[2]

Rehabilitasyon

baguhin

Maraming mga pribado at mga ahensyang pampamahalaan na nagbibigay ng serbisyong pangrehabilitasyon para sa mga may-kapansanan. Marami nang mga taong dumaan sa pagsasanay upang makatulong sa pagbibigay ng serbisyong pangrehabilitasyon sa mga may-kapansanan.[2]

Tingnan din

baguhin

Sanggunian

baguhin
  1. English, Leo James (1977). "Kapansanan". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 "Rehabilitation of the handicapped". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)