Tao
Ang artikulong ito, pahina, o bahagi nito ay kasalukuyang nasa gitna ng pagpapalawig o malawakang pagbabago. Maaari ka ring tumulong sa pagsasagawa ng mga pagbabago. Pakisilip ang mga nakaraang pagbabago kung gusto mong makipag-usap sa user na naglagay nito rito. Maaari itong tanggalin kung walang naganap na mga pagbabago sa mga susunod na araw matapos itong ipaskil dito. Maliban kung walang mga pagbabago, hindi dapat ito burahin. |
Táo (Homo sapiens) o modérnong táo ang pinakakaraniwan at pinakalaganap na espesye ng primado, at ang huling nabubuhay na espesye ng henus na Homo. Bahagi ng pamilyang Hominidae, natatangi ang mga tao sa kanilang kawalan ng buhok kumpara sa kapamilya nila, paglalakad gamit ng dalawang paa, at mataas na antas ng katalinuhan. May mga malalaking utak ang mga tao, na nagbigay sa kanila ng kakayahang kognitibo na naging dahilan upang makatira sila sa iba't-ibang klase ng kapaligiran at makagawa ng mga kagamitan, lipunan, at sibilisasyon.
Tao | |
---|---|
Taong lalaki (kaliwa) at babae (kanan) | |
Klasipikasyong pang-agham ![]() | |
Dominyo: | Eukaryota |
Kaharian: | Animalia |
Kalapian: | Chordata |
Hati: | Mammalia |
Orden: | Primates |
Suborden: | Haplorhini |
Infraorden: | Simiiformes |
Pamilya: | Hominidae |
Subpamilya: | Homininae |
Tribo: | Hominini |
Sari: | Homo |
Espesye: | H. sapiens
|
Pangalang binomial | |
Homo sapiens | |
![]() | |
Densidad ng Homo sapiens noong 2020 |
Isang nakikihalubilong hayop ang mga tao, kung saan ang bawat isang tao ay miyembro ng isang grupo na nagdidikta ng kani-kanilang relasyon sa iba, tulad halimbawa ng pamilya, kaibigan, korporasyon, at politikal na estado. Dahil rito, nakapagtatag ang mga tao ng napakaraming klase ng kaugalian, wika, at tradisyon, mga pangunahing sangkap ng isang lipunan ng tao. May matinding ring kuryosidad ang mga tao; ang pagnanasang maunawaan at maimpluwensyahan ang mga penomena ang nag-udyok sa mga tao upang maidebelop ang agham, teknolohiya, pilosopiya, mitolohiya, relihiyon, at iba pang mga larangan ng kaalaman. Bukod dito, pinag-aaralan din nila ang kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng antropolohiya, agham panlipunan, kasaysayan, sikolohiya, at medisina. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa walong bilyon ang kabuuang populasyon ng mga tao sa Daigdig.
Sa malaking bahagi ng kanilang kasaysayan, nomadiko ang pamumuhay ng mga tao, umaasa sa mga pagkain sa kapaligiran o manghuli ng ibang mga hayop para kainin. Nagsimula lamang maging moderno ang mga tao noong bandang 160,000 hanggang 60,000 taong ang nakalilipas. Naganap ang Rebolusyong Neolitiko sa iba't-ibang lugar nang halos sabay, una sa rehiyon ng Kanlurang Asya 13,000 taon ang nakaraan. Sa mga lugar na ito, nagsimulang manatili ang mga tao upang magsaka imbes na mangalugad, na siyang nagbigay-daan upang maitatag ang mga pinakaunang sibilisasyon na minarkahan ng paglobo ng populasyon at pagbilis ng pagbabago sa teknolohiya. Simula noon, samu't saring mga sibilisasyon ang umangat at bumagsak, at nagsimula ring magbago ang pamumuhay ng mga tao.
Omniboro ang mga tao; ibig sabihin, kumakain sila ng halaman at karne. Simula noong panahong ng mga Homo erectus, ginagamit rin nila ang apoy upang lutuin ang mga pagkain nila, na nagpataas kalaunan sa kanilang nutrisyon at pagdami ng mga maaaring kainin. Maituturing na diurnal ang mga tao, natutulog nang tinatayang pito hanggang siyam na oras kada araw. May malaking epekto ang mga tao sa kalikasan. Mga superdepredador (superpredator) sila, at kaunti at bihira lamang silang tugisin ng ibang mga hayop. Ang kanilang mabilis na pagdami, industriyalisasyon, polusyon, at pagkonsumo ang dahilan ng kasalukuyang malawakang pagkaubos ng ibang mga nilalang. Sa nakalipas na siglo, narating ng mga tao ang mga pinakamasasamang kapaligiran para sa buhay, tulad ng Antartika, labas ng Daigdig at ang kailaliman ng mga karagatan, bagamat limitado lamang ang pananatili nila sa mga ito. Nakarating ang mga tao sa Buwan at nakapagpadala ng kanilang mga gawa sa iba't-ibang bahagi ng Sistemang Solar.
Bagamat ginagamit din ang salitang "tao" upang tukuyin ang lahat ng mga miyembro ng henus na Homo, madalas itong ginagamit sa Homo sapiens, ang natitirang espesye nito. Ginagamit ang salitang "modernong tao" upang ihiwalay ang mga ito sa mga sinaunang tao. Unang lumitaw ang mga anatomikal na modernong tao sa Aprika 300,000 taon ang nakaraan, mula sa Homo heidelbergensis o kaparehong espesye. Mula Aprika, unti-unti nilang nilahian at pinalitan ang ibang mga espesye ng tao sa mga lugar, tulad halimbawa ng mga Neandertal, na pinaniniwalaang naubos dahil sa kompetisyon, alitan, at paglalahi ng mga Homo sapiens sa kanilang populasyon. Naimpluwensyahan ng kapaligiran at mga hene ang biolohikal na pagkakaiba ng mga tao na makikita tulad halimbawa ng kulay ng balat, tangkad, at pisyolohiya, gayundin ang mga namamanang sakit at katangian. Bagamat ganito, isa ang mga tao sa may pinakamakaunting pagkakaiba sa henetika sa mga primado, kung saan nasa 99% na magkapareho ang alinmang dalawang tao.
May dalawang biolohikal na kasarian ang mga tao; sa pangkalahatan, mas malakas ang mga lalaking tao habang mas maraming taba naman ang mga babaeng tao. Nagsisimulang lumitaw ang mga sekondaryong katangiang pangkasarian pagsapit ng kabaguntauhan. Kayang manganak ng mga babaeng tao, simula sa pagsisimula ng kabaguntauhan hanggang sa maglayog bandang 50 taong gulang. Delikado ang panganganak, kung saan maraming komplikasyon ang maaaring kaharapin ng nanganganak na maaari ding humantong sa kamatayan, bagamat nakadepende ito sa serbisyong medikal. Madalas na magkaparehong tatay at nanay ang nagpapalaki sa sanggol, na walang muwang pagkapanganak sa kanila.
Pagpapangalan
baguhinNagmula ang salitang "tao" sa mas lumang Tagalog na salitang "tawo", na ginagamit pa rin sa ibang mga wika sa Pilipinas partikular na sa Kabisayaan. Pare-parehong nagmula ito sa Proto-Pilipinong salita na *tau, na nagmula naman sa Proto-Austronesyong salitang na *Cau.[1] Isa sa mga deribatibo nito, "pagkatao", ay ginagamit upang tukuyin ang kondisyon ng pagiging tao.[2] Bagamat malinaw ang pagkakaibang ito sa wikang Tagalog, itinuturing ang dalawang ito bilang magkasingkahulugan sa ibang mga wika. Halimbawa, sa wikang Ingles, itinuturing na magkapareho ang mga salitang human at person sa karaniwang diskurso. Gayunpaman, sa pilosopiya, ginagamit ang person sa kahulugan na "pagkatao".[3]
Samantala, nagmula naman ang pangalang binomial ng tao, Homo sapiens, mula sa Systema Naturae ni Carl Linnaeus noong 1735 at may ibig sabihin na "tao na may karunungan".[4] Ang henus nito, Homo, ay isang aral na hiram mula sa wikang Latin na homō, na tumutukoy sa tao mapaanuman ang kasarian.[5] Maaaring gamitin ang salitang "tao" upang tukuyin ang lahat ng mga miyembro ng naturang henus; sa ganitong pananaw, ginagamit ang salitang "modernong tao" upang ihiwalay ito sa ibang mga miyembro ng henus. Sa kasalukuyan, may mga pagtatalo sa akademiya kung dapat bang ituring ang ilang patay na klase ng tao, tulad ng mga Neandertal, bilang isang hiwalay na espesye o bilang isang sub-espesye sa ilalim ng Homo sapiens.[6]
Ebolusyon
baguhinMga bakulaw ang mga tao; bahagi sila ng superpamilyang Homonoidea.[7] Unang humiwalay ang mga ninuno ng modernong tao mula sa mga gibon (pamilyang Hylobatidae), tapos orangutan (henus Pongo), tapos gorilya (henus Gorilla), at panghuli, sa mga chimpanzee at bonobo (henus Pan).[8][9] Ang panghuling hiwalayang ito ay naganap noong bandang 8–4 milyong taon ang nakaraan, sa huling bahagi ng kapanahunang Mioseno. Sa hiwalayang ito, nabuo ang kromosoma 2 mula sa pagsasama ng dalawang kromosoma, na naging dahilan kung bakit may 23 pares lamang ang mga modernong tao kumpara sa 24 sa ibang mga bakulaw.[10] Matapos nito, dumami ang mga hominin sa maraming espesye at di bababa sa dalawang henus. Gayunpaman, tanging mga tao, bahagi ng henus na Homo, lamang ang natira sa kasalukuyan.[11]
Nagmula ang Homo mula sa mga Australopithecus.[12][13] Bagamat kaunti lamang ang mga posil sa hiwalayang ito, makikita sa mga kalansay ng mga pinakamatatandang posil ng Homo ang mga pagkakapareho sa mga Australopithecus.[14][15] Tinatayang naganap ang hiwalayan ng dalawang henus 4.3–2.6 na milyong taon ang nakaraan batay sa orasang molekular, bagamat may mga ilang iskolar na nagtataya sa hiwalayan noong 1.87 milyong taon ang nakaraan kung tatanggalin ang ilan sa mga naunang posil na pinaniniwalaang namali ng lagay sa Homo.[16][17]
Ang pinakamatandang tala ng Homo ay ang LD-350-1 mula sa Etiopiya na tinatayang nasa 2.8 milyong taon ang tanda. Samantala, ang pinakamatatandang mga espesye na napangalanan ay ang Homo habilis at Homo rudolfensis na tinatayang nabuhay noong bandang 2.3 milyong taon ang nakaraan.[18] Unang lumitaw naman sa mga tala ang Homo erectus bandang 2 milyong taon ang nakaraan, ang unang Homo na nakalabas sa kontinente ng Aprika at kumalat sa Eurasya at ang una na may katawang kahawig ng sa modernong tao.[19] Lumitaw naman ang mga Homo sapiens noing 300,000 taon ang nakaraan mula sa Homo heidelbergensis o Homo rhodesiensis, mga espesye ng Homo erectus na nanatili sa Aprika.[20] Kagaya ng Homo erectus, lumabas ang mga Homo sapiens sa Aprika kalaunan, at unti-unting pinalitan ang populasyon ng mga sinaunang tao sa lugar.[21] Nagsimula maging moderno ang pag-uugali ng mga Homo sapiens bandang 160,000–70,000 taon ang nakaraan o mas maaga.[22] Umusbong ang katangian ito sa gitna ng nagaganap na likas na pagbabago ng klima noong kalagitnaan hanggang sa dulo ng kapanahunang Pleistoseno.[23]
Naganap ang migrasyon palabas ng Aprika sa dalawang bahagi: una noong 130,000–100,000 taon ang nakaraan pahilaga sa Eurasya, at pangalawa noong 70,000–50,000 taon ang nakaraan patimog papunta sa katimugang baybayin ng Asya.[24][25] Narating ng mga Homo sapiens ang mga kontinente ng Australia 65,000 taon ang nakaraan at ang Kaamerikahan noong 15,000 taon ang nakaraan, gayundin sa Madagascar noong bandang 300 KP at sa mga pinakamalalayong kapuluan sa Karagatang Pasipiko tulad ng Nueva Selanda noon lamang taong 1280.[26][27]
Hindi simple ang ebolusyon ng tao dahil sa pagtatalik nila sa ibang mga espesye ng tao. Ayon sa mga pananaliksik na isinagawa sa henoma ng tao, karaniwan ang pagtatalik sa pagitan ng mga malalayong kamag-anak ng mga modernong tao. Tinatayang aabot nang 6% ng DNA ng mga tao sa labas ng sub-Sahara sa kasalukuyan ang nagmula sa mga hene ng mga Neandertal at ibang mga espesye tulad ng mga Denisovan.[28][29]
Pinakamakikita sa mga pagbabagong naganap sa ebolusyon ng tao ay ang kawalan nito ng buhok sa katawan kumpara sa ibang mga bakulaw, gayundin ang paglalakad sa dalawang paa, mas malalaking utak, at ang pagkakapareho halos ng katangian ng magkaibang kasarian kumpara sa ibang mga bakulaw. Kasalukuyan may debate ukol sa kung ano ang relasyon ng mga pagbabagong ito sa isa't isa.[30]
Kasaysayan
baguhinPrehistorya
baguhinHanggang noon lamang 12,000 taon ang nakaraan, nangangalap at nangangaso ang mga tao.[31] Nagsimula ang Rebolusyong Neolitiko sa iba't-ibang panig ng mundo nang maimbento ang agrikultura. Sa Kanlurang Asya natagpuan ang mga pinakamatatandang ebidensiya ng agrikultura, habang may mga ebidensiya rin ng hiwalay na pagkaimbento nito sa ibang panig ng mundo, partikular na sa Tsina at Mesoamerika.[32][33][34] Agrikultura ang nakikitang dahilan ng mga iskolar sa pananatili kalaunan ng mga tao sa iisang lugar, na nagbigay-daan kalaunan din sa pagsuporta sa mga malalaking populasyon at pag-usbong ng mga pinakaunang sibilisasyon.[35]
Sinaunang panahon
baguhinNaganap ang isang rebolusyong urban noong ika-4 na milenyo BKP kasabay ng pagtatag sa mga lungsod-estado sa Sumer sa Mesopotamia.[36] Sa mga lungsod na ito natagpuan ang mga kuneiporme na tinatayang ginamit simula noong 3000 BKP.[37] Bukod sa Mesopotamia, umusbong din ang mga sibilisasyon ng sinaunang Ehipto at sa Lambak ng Indus.[38] Nakipagkalakalan din kalaunan ang mga ito sa isa't-isa at naimbento ang gulong, araro, at layag.[39] Samantala, sa Kaamerikahan, umusbong ang sibilisasyong Caral-Supe sa ngayo'y Peru noong 3000 BKP, ang pinakamatandang sibilisasyon sa kontinente.[40] Nadebelop rin sa panahong ito ang astronomiya at matematika, na ginamit ng mga taga-Ehipto upang magawa ang Dakilang Piramide ng Giza, na nakatayo pa rin hanggang ngayon.[41] May ebidensiya ng isang napakatinding tagtuyot na naganap 4,200 taon ang nakaraan na tumagal nang isang siglo at nagpabagsak sa maraming mga sibilisasyon sa mundo,[42] bagamat pinalitan din sila ng ibang mga sibilisasyon tulad ng Babilonya sa Mesopotamia at Shang sa Tsina.[43][44] Gayunpaman, bumagsak ang marami sa mga ito noong huling bahagi ng Panahong Bronse bandang 1200 BKP dahil sa mga kadahilanang hindi pa lubos na maipaliwanag ng mga siyentipiko.[45] Ang pangyayaring ito ang nagpasimula sa Panahon ng Bakal sa maraming panig ng mundo na nagpalit sa paggamit sa bronse bilang pangunahing sangkap sa mga kagamitan.[46]
Simula noong ika-5 siglo BKP, nagsimulang itala ng mga tao ang mga pangyayari sa paligid nila.[47] Sa panahong ito din nagsimulang yumabong ang ilan sa mga pinakamaimpluwensiyang sibilisasyon ng sinaunang panahon, ang sinaunang Gresya at Roma sa Europa.[48][49] Samantala, umusbong din ang mga malalaking sibilisasyon sa ibang kontinente, tulad halimbawa ng mga Maya na gumawa ng mga komplikadong kalendaryo,[50] at Aksum, na naging daanan ng mga kalakal mula sa Europa papuntang India at pabalik.[51] Naging batayan naman ng mga sumunod na imperyo sa rehiyon ang Imperyong Achaemenid sa Kanlurang Asya dahil sa kanilang sentralisadong pamamahala,[52] at narating naman ng Imperyong Gupta sa India at Han sa Tsina ang kinokonsiderang ginintuang panahon sa kani-kanilang lugar.[53][54]
Gitnang Kapanahunan
baguhinMarkado ang Gitnang Kapanahunan sa Europa bilang ang panahon mula sa pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Romano noong 476 KP hanggang sa pagbagsak ng Silangang Imperyong Romano noong 1453.[55] Sa panahong ito, kontrolado ng Simbahang Katolika ang halos lahat ng aspeto ng pamumuhay at edukasyon sa naturang kontinente. Samantala, lumaganap naman ang Islam sa Gitnang Silangan na humantong kalaunan sa isang ginintuang panahon sa rehiyon.[56] Ang magkaibang paniniwalang ito ang naging dahilan upang magtunggali ang dalawang relihiyon sa isang serye ng mga digmaan upang makontrol ang Banal na Lupain, na itinuturing na sagrado ng parehong relihiyon.[57]
Sa kabilang panig ng mundo naman, umusbong ang mga kulturang Mississippi sa Hilagang Amerika.[58] Sinakop ng Imperyong Mongol ang napakalaking bahagi ng Asya noong 1200s.[59] Sa Aprika, narating ng Imperyong Mali ang kanilang tugatog,[60] habang naging isang prominenteng estado sa Karagatang Pasipiko ang Imperyong Tonga.[61] Naging makapangyarihan naman ang mga Aztec sa Mesoamerika at mga Inca sa Andes.[62]
Modernong panahon
baguhinHinahati ng mga iskolar ang modernong panahon sa dalawang bahagi: maaga at huli. Itinuturing na nagsimula ang maagang modernong panahon sa pagbagsak ng Silangang Imperyong Romano at ang pagsisimula ng Imperyong Ottoman.[63] Samantala, nagsimula naman ang panahong Edo sa Hapon,[64] ang dinastiyang Qing sa Tsina,[65] at ang Imperyong Mughal sa India.[66] Naganap naman sa Europa ang Renasimiyento at ang Panahon ng Pagtuklas.[67][68] Nagsimulang maglakbay ang mga Europeo sa iba't-ibang panig ng mundo, simula sa kolonisasyon ng Kaamerikahan at ang Palitang Kolumbiyano.[69][70] Ang paglawak ng mga nasasakupang teritoryo ng mga Europeo ang naging simula ng palitan ng mga alipin sa magkabilang panig ng Karagatang Atlantiko at ang henosidyo sa mga katutubong Amerikano sa kontinente.[71][72] Sa panahon ding ito nagsimula ang Rebolusyong Makaagham, na nagpaabante sa mga larangan ng agham kabilang na ang matematika, mekanika, astronomiya, at pisyolohiya.[73]
Samantala, nagsimula naman ang huling modernong panahon noong 1800 sa pagsisimula ng Rebolusyong Industriyal sa Europa. Bilang resulta ng Panahon ng Kaliwanagan, naganap ang maraming rebolusyon sa iba't-ibang panig ng Europa at Kaamerikahan, kagaya ng sa Pransiya at Estados Unidos.[74] Naganap naman sa Europa noong unang bahagi ng siglo ang mga digmaang Napoleoniko.[75] Nawala sa kontrol ng Espanya ang halos lahat ng kanilang teritoryo sa Kaamerikahan sa isang serye ng mga magkakaugnay na rebolusyon sa kontinente.[76] Samantala, nag-agawan naman ng teritoryo ang mga Europeo sa kontinente ng Aprika gayundin sa Oseaniya.[77][78] Bago matapos ang siglo, narating ng Imperyong Britaniko ang kanilang tugatog sa nasasakupang teritoryo, ang pinakamalaki sa kasaysayan.[79]
Sa sumunod na siglo, nasira ang balanse ng kapangyarihan sa Europa na nagresulta sa Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914, ang pinakamadugong digmaan noong panahong yon. Dahil sa tindi ng digmaan, sinubukang ayusin ng Kasunduan sa Versailles ang kapangyarihan sa mundo at itinatag ang Liga ng mga Bansa.[80] Gayunpaman, hindi nito napigilan ang unti-unting pag-angat ng awtoritarismo, partikular na sa Italya, Alemanya, at Hapon. Dahil dito at sa pagbagsak ng ekonomiya sa maraming bansa noong dekada 1930s, naganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang napakalawak na digmaan na pinaglabanan ng halos lahat ng mga bansa sa mundo noong panahong yon at nagresulta sa pinakamadugong digmaan sa tala ng kasaysayan. Matapos ng digmaan, binuo ang Mga Nagkakaisang Bansa bilang pamalit sa Liga ng mga Bansa. Samantala, bumagsak ang maraming imperyo dahil sa digmaan, na nagbigay-daan naman sa dekolonisasyon at ang pag-angat ng Estados Unidos at Unyong Sobyetiko bilang mga pinakamakapangyarihang bansa.[81]
Ang sigalot ng dalawang makapangyarihang bansa ang nagpasimula sa Digmaang Malamig, ang panahon kung saan ginamit ng dalawang bansa ang mga digmaan sa iba't-ibang panig ng mundo bilang digmaan ng impluwensiya, kagaya sa tangway ng Korea at Biyetnam. Nagparamihan ang dalawa ng mga sandatang nukleyar bilang paghahanda sa inaasahang Ikatlong Digmaang Pandaigdig;[82] bagamat may mga muntikang pangyayari, hindi ito nauwi sa naturang digmaan. Samantala, nagkarera din sila sa kalawakan: naipadala ng Unyong Sobyetiko ang pinakaunang satelayt, Vostok 1, at ang pinakaunang tao, Yuri Gagarin, sa kalawakan. Gayunpaman, humupa ito kalaunan nang naipadala ng Estados Unidos ang mga pinakaunang tao sa Buwan sa misyong Apollo 11 na kinabilangan nina Neil Armstrong, Buzz Aldrin, at Michael Collins. Nagtapos ang naturang digmaan sa pagbagsak ng Unyong Sobyetiko noong 1991 sa maraming mga republika.[83] Ang pagkaimbento sa kompyuter, internet, at smartphone ang nagpasimula sa kasalukuyang Panahon ng Impormasyon.[84]
Tingnan din
baguhinSanggunian
baguhin- ↑ Blust, Robert; Trussel, Stephen; Smith, Alexander; Forkel, Robert. "*Cau person, human being". Austronesian Comparative Dictionary Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 24 Hunyo 2025.
- ↑ Roman Jr,, Guillermo Q. (2010). "TAO: Being and Becoming Human" [TAO: Pagiging at Magiging Tao] (PDF). The Normal Lights (sa wikang Ingles). 5 (1). Philippine Normal University. doi:10.56278/tnl.v5i1.61. Nakuha noong 24 Hunyo 2025.
{{cite journal}}
: CS1 maint: extra punctuation (link) - ↑ "Concept of Personhood" [Konsepto ng Pagkatao]. University of Missouri School of Medicine (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Marso 2021.
- ↑ Spamer EE (29 Enero 1999). "Know Thyself: Responsible Science and the Lectotype of Homo sapiens Linnaeus, 1758" [Alamin ang Sarili: Responsableng Agham at ang Lektotipo ng Homo sapiens Linnaeus, 1758]. Proceedings of the Academy of Natural Sciences (sa wikang Ingles). 149 (1): 109–114. JSTOR 4065043.
- ↑ "Homo". Dictionary.com (sa wikang Ingles). Random House. 23 Setyembre 2008. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Setyembre 2008.
- ↑ Barras, Colin (11 Enero 2016). "We don't know which species should be classed as 'human'" [Hindi natin alam kung ano-anong mga espesye ang dapat ituring bilang 'tao']. BBC (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Agosto 2021.
- ↑ Tuttle RH (4 Oktubre 2018). "Hominoidea: conceptual history" [Hominoidea: kasaysayan ng konsepto]. Sa Trevathan W, Cartmill M, Dufour D, Larsen C (mga pat.). International Encyclopedia of Biological Anthropology [Pandaigdigang Ensiklopedya ng Antropolohiyang Biolohikal] (sa wikang Ingles). New Jersey, United States: John Wiley & Sons, Inc. pp. 1–2. doi:10.1002/9781118584538.ieba0246. ISBN 978-1-118-58442-2. S2CID 240125199.
- ↑ Goodman M, Tagle DA, Fitch DH, Bailey W, Czelusniak J, Koop BF, atbp. (Marso 1990). "Primate evolution at the DNA level and a classification of hominoids" [Ebolusyon ng mga primado sa antas ng DNA at klasipikasyon ng mga hominoid]. Journal of Molecular Evolution (sa wikang Ingles). 30 (3): 260–266. Bibcode:1990JMolE..30..260G. doi:10.1007/BF02099995. PMID 2109087. S2CID 2112935.
- ↑ Ruvolo M (Marso 1997). "Molecular phylogeny of the hominoids: inferences from multiple independent DNA sequence data sets" [Piloheniyang molekular sa mga hominoid: mga hinuha mula sa iba't-ibang mga data set ng sekuwensiya ng DNA]. Molecular Biology and Evolution (sa wikang Ingles). 14 (3): 248–265. doi:10.1093/oxfordjournals.molbev.a025761. PMID 9066793.
- ↑ MacAndrew A. "Human Chromosome 2 is a fusion of two ancestral chromosomes" [Pagsasama ng dalawang sinaunang kromosoma ang Kromosoma 2 ng Tao]. Evolution Pages (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Agosto 2011.
- ↑ McNulty, Kieran P. (2016). "Hominin Taxonomy and Phylogeny: What's In A Name?" [Taksonomiya at Piloheniya ng Hominin: Anong Meron sa Pangalan?]. Nature Education Knowledge (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Enero 2016.
- ↑ Strait DS (Setyembre 2010). "The Evolutionary History of the Australopiths" [Ang Kasaysayan ng Ebolusyon ng mga Australopiteko]. Evolution: Education and Outreach (sa wikang Ingles). 3 (3): 341–352. doi:10.1007/s12052-010-0249-6. ISSN 1936-6434. S2CID 31979188.
- ↑ Dunsworth HM (Setyembre 2010). "Origin of the Genus Homo" [Pinagmulan ng Henus na Homo]. Evolution: Education and Outreach (sa wikang Ingles). 3 (3): 353–366. doi:10.1007/s12052-010-0247-8. ISSN 1936-6434. S2CID 43116946.
- ↑ Kimbel WH, Villmoare B (Hulyo 2016). "From Australopithecus to Homo: the transition that wasn't" [Mula Australopithecus patungong Homo: ang transisyon na hindi]. Philosophical Transactions of the Royal Society of London. Series B, Biological Sciences (sa wikang Ingles). 371 (1698): 20150248. doi:10.1098/rstb.2015.0248. PMC 4920303. PMID 27298460. S2CID 20267830.
- ↑ Villmoare B, Kimbel WH, Seyoum C, Campisano CJ, DiMaggio EN, Rowan J, atbp. (Marso 2015). "Paleoanthropology. Early Homo at 2.8 Ma from Ledi-Geraru, Afar, Ethiopia" [Paleoantropolohiya. Mga unang Homo noong 2.8 Ma mula sa Ledi-Guraru, Afar, Etopiya]. Science (sa wikang Ingles). 347 (6228): 1352–1355. Bibcode:2015Sci...347.1352V. doi:10.1126/science.aaa1343. PMID 25739410.
- ↑ Püschel, Hans P.; Bertrand, Ornella C.; O’Reilly, Joseph E.; Bobe, René; Püschel, Thomas A. (Hunyo 2021). "Divergence-time estimates for hominins provide insight into encephalization and body mass trends in human evolution" [Nagbigay-linaw ang mga pagtataya sa paghihiwalay ng mga hominin sa trend ng ensepalisasyon at masa ng katawan sa ebolusyon ng tao]. Nature Ecology & Evolution (sa wikang Ingles). 5 (6): 808–819. Bibcode:2021NatEE...5..808P. doi:10.1038/s41559-021-01431-1. hdl:20.500.11820/35151870-c7b5-477e-aca8-2c75c8382002. PMID 33795855. S2CID 232764044.
- ↑ Wood, Bernard (28 Hunyo 2011). "Did early Homo migrate "out of" or "in to" Africa?" [Lumipat ba "patungo" o "papuntang" Aprika ang mga unang Homo?]. Proceedings of the National Academy of Sciences (sa wikang Ingles). 108 (26): 10375–10376. Bibcode:2011PNAS..10810375W. doi:10.1073/pnas.1107724108. ISSN 0027-8424. PMC 3127876. PMID 21677194.
- ↑ Villmoare B, Kimbel WH, Seyoum C, Campisano CJ, DiMaggio EN, Rowan J, atbp. (Marso 2015). "Paleoanthropology. Early Homo at 2.8 Ma from Ledi-Geraru, Afar, Ethiopia" [Paleoantropolohiya. Mga unang Homo noong 2.8 Ma mula sa Ledi-Guraru, Afar, Etopiya]. Science (sa wikang Ingles). 347 (6228): 1352–1355. Bibcode:2015Sci...347.1352V. doi:10.1126/science.aaa1343. PMID 25739410.
- ↑ Zhu Z, Dennell R, Huang W, Wu Y, Qiu S, Yang S, atbp. (Hulyo 2018). "Hominin occupation of the Chinese Loess Plateau since about 2.1 million years ago" [Okupasyon ng mga hominin sa Talampas ng Loess sa Tsina simula noong 2.1 milyong taon ang nakaraan]. Nature (sa wikang Ingles). 559 (7715): 608–612. Bibcode:2018Natur.559..608Z. doi:10.1038/s41586-018-0299-4. PMID 29995848. S2CID 49670311.
- ↑ Hublin JJ, Ben-Ncer A, Bailey SE, Freidline SE, Neubauer S, Skinner MM, atbp. (Hunyo 2017). "New fossils from Jebel Irhoud, Morocco and the pan-African origin of Homo sapiens" [Mga bagong posil mula sa Jebel Irhoud, Moroko at ang pan-Aprikanomg pinagmulan ng Homo sapiens] (PDF). Nature (sa wikang Ingles). 546 (7657): 289–292. Bibcode:2017Natur.546..289H. doi:10.1038/nature22336. hdl:1887/74734. PMID 28593953. S2CID 256771372. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 8 Enero 2020.
- ↑ Stringer C (Hunyo 2003). "Human evolution: Out of Ethiopia" [Ebolusyon ng tao: Paglabas sa Etiopiya]. Nature (sa wikang Ingles). 423 (6941): 692–693, 695. Bibcode:2003Natur.423..692S. doi:10.1038/423692a. PMID 12802315. S2CID 26693109.
- ↑ Marean, Curtis; atbp. (2007). "Early human use of marine resources and pigment in South Africa during the Middle Pleistocene" [Paggamit ng mga unang tao sa yamang-tubig at tinta sa Timog Aprika noong kalagitnaan ng Pleistoseno] (PDF). Nature (sa wikang Ingles). 449 (7164): 905–908. Bibcode:2007Natur.449..905M. doi:10.1038/nature06204. PMID 17943129. S2CID 4387442. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 25 Mayo 2023.
- ↑ Wilkins, Jayne; Schoville, Benjamin J. (Hunyo 2024). "Did climate change make Homo sapiens innovative, and if yes, how? Debated perspectives on the African Pleistocene record" [Naging inobatibo ba ang mga Homo sapiens dahil sa pagbabago ng klima, at kung oo, paano? Mga pinagdedebatehan na pananaw sa mga nakatala sa Pleistoseno sa Aprika]. Quaternary Science Advances (sa wikang Ingles). 14: 100179. Bibcode:2024QSAdv..1400179W. doi:10.1016/j.qsa.2024.100179.
- ↑ Posth C, Renaud G, Mittnik A, Drucker DG, Rougier H, Cupillard C, atbp. (Marso 2016). "Pleistocene Mitochondrial Genomes Suggest a Single Major Dispersal of Non-Africans and a Late Glacial Population Turnover in Europe" [Iminumungkahi ng mga Henomang Mitokondrial noong Pleistoseno na may Iisang Pangunahing Pagkalat ng mga hindi Aprikano at may Pagpalit ng Populasyon noong Huling Bahagi ng Panahong Yelo sa Europa] (PDF). Current Biology (sa wikang Ingles). 26 (6): 827–833. Bibcode:2016CBio...26..827P. doi:10.1016/j.cub.2016.01.037. hdl:2440/114930. PMID 26853362. S2CID 140098861. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 12 Marso 2025.
- ↑ Karmin M, Saag L, Vicente M, Wilson Sayres MA, Järve M, Talas UG, atbp. (Abril 2015). "A recent bottleneck of Y chromosome diversity coincides with a global change in culture" [Naganap kasabay ng pandaigdigang pagbabago sa kultura ang isang kamakailang pagkonti sa dibersidad ng kromosoma Y]. Genome Research (sa wikang Ingles). 25 (4): 459–466. doi:10.1101/gr.186684.114. PMC 4381518. PMID 25770088.
- ↑ Clarkson C, Jacobs Z, Marwick B, Fullagar R, Wallis L, Smith M, atbp. (Hulyo 2017). "Human occupation of northern Australia by 65,000 years ago" [Okupasyon ng mga tao sa hilagang Australia bandang 65,000 taon ang nakaraan]. Nature (sa wikang Ingles). 547 (7663): 306–310. Bibcode:2017Natur.547..306C. doi:10.1038/nature22968. hdl:2440/107043. PMID 28726833. S2CID 205257212. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Agosto 2024.
- ↑ Appenzeller T (Mayo 2012). "Human migrations: Eastern odyssey" [Mga migrasyon ng tao: Paglalakbay pasilangan]. Nature (sa wikang Ingles). 485 (7396): 24–26. Bibcode:2012Natur.485...24A. doi:10.1038/485024a. PMID 22552074.
- ↑ Noonan JP (Mayo 2010). "Neanderthal genomics and the evolution of modern humans" [Henomika ng mga Neandertal at ang ebolusyon ng modernong tao]. Genome Research (sa wikang 3n). 20 (5): 547–553. doi:10.1101/gr.076000.108. PMC 2860157. PMID 20439435.
{{cite journal}}
: CS1 maint: unrecognized language (link) - ↑ Reich D, Green RE, Kircher M, Krause J, Patterson N, Durand EY, atbp. (Disyembre 2010). "Genetic history of an archaic hominin group from Denisova Cave in Siberia" [Kasaysayang panghenetika ng isang sinaunang grupo ng mga hominin mula sa Kuweba ng Denisova sa Siberia]. Nature (sa wikang Ingles). 468 (7327): 1053–1060. Bibcode:2010Natur.468.1053R. doi:10.1038/nature09710. hdl:10230/25596. PMC 4306417. PMID 21179161.
- ↑ Boyd R, Silk JB (2003). How Humans Evolved [Paano Umusbong ang mga Tao] (sa wikang Ingles). New York: Norton. ISBN 978-0-393-97854-4.
- ↑ Scarre, Chris (2018). "The world transformed: from foragers and farmers to states and empires" [Ang nabagong mundo: mula nangangalap at nagsasaka hanggang sa estado at imperyo]. Sa Scarre, Chris (pat.). The Human Past: World Prehistory and the Development of Human Societies [Ang Nakaraan ng Tao: Prehistorya ng Mundo at ang Pag-usbong ng mga Lipunan ng Tao] (sa wikang Ingles) (ika-4 (na) edisyon). London: Thames & Hudson. pp. 174–197. ISBN 978-0-500-29335-5.
- ↑ Colledge S, Conolly J, Dobney K, Manning K, Shennan S (2013). Origins and Spread of Domestic Animals in Southwest Asia and Europe [Mga Pinagmulan at Pagkalat ng mga Domestikadong Hayop sa Timog-kanlurang Asya at Europa] (sa wikang Ingles). Left Coast. pp. 13–17. ISBN 978-1-61132-324-5.
- ↑ Scanes CG (Enero 2018). "The Neolithic Revolution, Animal Domestication, and Early Forms of Animal Agriculture" [Ang Rebolusyong Neolitiko, Domestikasyon ng Hayop, at mga Sinaunang Anyo ng Agrikulturang Panghayop]. Sa Scanes CG, Toukhsati SR (mga pat.). Animals and Human Society [Mga Hayop at Lipunan ng Tao] (sa wikang Ingles). Elsevier. pp. 103–131. doi:10.1016/B978-0-12-805247-1.00006-X. ISBN 978-0-12-805247-1.
- ↑ Lu H, Zhang J, Liu KB, Wu N, Li Y, Zhou K, atbp. (Mayo 2009). "Earliest domestication of common millet (Panicum miliaceum) in East Asia extended to 10,000 years ago" [Nausog sa 10,000 taon ang nakaraan ang pinakamaagang domestikasyon ng karaniwang dawa (Panicum miliaceum) sa Silangang Asya]. Proceedings of the National Academy of Sciences of the United States of America (sa wikang Ingles). 106 (18): 7367–7372. Bibcode:2009PNAS..106.7367L. doi:10.1073/pnas.0900158106. PMC 2678631. PMID 19383791.
- ↑ Spielvogel J (1 Enero 2014). Western Civilization [Kanluraning Sibilisasyon] (sa wikang Ingles). Cengage. ISBN 978-1-285-98299-1.
- ↑ Garfinkle, Steven J. (2013). "Ancient Near Eastern City-States" [Mga Sinaunang Lungsod-estado sa Malapit na Silangan]. Sa Peter Fibiger Bang; Walter Scheidel (mga pat.). The Oxford Handbook of the State in the Ancient Near East and Mediterranean [Ang Handbook ng Oxford sa Estado ng Sinaunang Malapit na Silangan at Mediteraneo] (sa wikang Ingles). Oxford Academic. pp. 94–119. doi:10.1093/oxfordhb/9780195188318.013.0004. ISBN 978-0-19-518831-8.
- ↑ Woods C (28 Pebrero 2020). "The Emergence of Cuneiform Writing" [Ang Pag-usbong ng Pagsusulat sa Kuneiporme]. Sa Hasselbach-Andee R (pat.). A Companion to Ancient Near Eastern Languages [Gabay sa mga Sinaunang Wika ng Malapit na Silangan] (sa wikang Ingles) (ika-1 (na) edisyon). Wiley. pp. 27–46. doi:10.1002/9781119193814.ch2. ISBN 978-1-119-19329-6. S2CID 216180781.
- ↑ Robinson A (Oktubre 2015). "Ancient civilization: Cracking the Indus script" [Sinaunang sibilisasyon: Paglutas sa sulat Indus]. Nature (sa wikang Ingles). 526 (7574): 499–501. Bibcode:2015Natur.526..499R. doi:10.1038/526499a. PMID 26490603. S2CID 4458743.
- ↑ Crawford H (2013). "Trade in the Sumerian world" [Kalakalan sa mundo ng Sumer]. The Sumerian World [Ang mundo ng Sumer] (sa wikang Ingles). Routledge. pp. 447–461. ISBN 978-1-136-21911-5.
- ↑ "Sacred City of Caral-Supe" [Sagradong Lungsod ng Caral-Supe]. UNESCO World Heritage Centre (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Mayo 2024. Nakuha noong 27 Mayo 2024.
- ↑ Edwards JF (2003). "Building the Great Pyramid: Probable Construction Methods Employed at Giza" [Pagtayo sa Dakilang Piramide: Mga Posibleng Paraan ng Konstruksiyon na Isinagawa sa Giza]. Technology and Culture (sa wikang Ingles). 44 (2): 340–354. doi:10.1353/tech.2003.0063. ISSN 0040-165X. JSTOR 25148110. S2CID 109998651.
- ↑ Voosen P (Agosto 2018). "New geological age comes under fire" [Pinuna ng marami ang bagong panahong heolohikal]. Science (sa wikang Ingles). 361 (6402): 537–538. Bibcode:2018Sci...361..537V. doi:10.1126/science.361.6402.537. PMID 30093579. S2CID 51954326.
- ↑ Keightley DN (1999). "The Shang: China's first historical dynasty" [Ang Shang: unang makasaysayang dinastiya ng Tsina]. Sa Loewe M, Shaughnessy EL (mga pat.). The Cambridge History of Ancient China: From the Origins of Civilization to 221 BC [Ang Kasaysayan ng Cambridge sa Sinaunang Tsina: Mula sa mga Pinagmulan ng Sibilisasyon hanggang 221 BKP] (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. pp. 232–291. ISBN 978-0-521-47030-8.
- ↑ Saggs HW (2000). Babylonians [Mga taga-Babilonya] (sa wikang Ingles). University of California Press. p. 7. ISBN 978-0-520-20222-1.
- ↑ Drake BL (1 Hunyo 2012). "The influence of climatic change on the Late Bronze Age Collapse and the Greek Dark Ages" [Ang impluwensiya ng pagbabago ng klima sa Pagbagsak sa huling bahagi ng Panahong Bronse at ang Madilim na Panahon ng Gresya]. Journal of Archaeological Science (sa wikang Ingles). 39 (6): 1862–1870. Bibcode:2012JArSc..39.1862D. doi:10.1016/j.jas.2012.01.029.
- ↑ Wells PS (2011). "The Iron Age" [Ang Panahon ng Bakal]. Sa Milisauskas S (pat.). European Prehistory [Prehistoryang Europeo]. Interdisciplinary Contributions to Archaeology (sa wikang Ingles). New York: Springer. pp. 405–460. doi:10.1007/978-1-4419-6633-9_11. ISBN 978-1-4419-6633-9.
- ↑ Hughes-Warrington M (2018). "Sense and non-sense in Ancient Greek histories" [Katuturan at kawalang katuturan sa mga kasaysayan ng Sinaunang Gresya]. History as Wonder: Beginning with Historiography [Kasaysayan bilang Wonder: Simula sa Historiograpiya] (sa wikang Ingles). Reyno Unido: Taylor & Francis. ISBN 978-0-429-76315-1.
- ↑ Beard M (2 Oktubre 2015). "Why ancient Rome matters to the modern world" [Bakit mahalaga sa modernong mundo ang sinaunang Roma]. The Guardian (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Abril 2021.
- ↑ Vidergar AB (11 Hunyo 2015). "Stanford scholar debunks long-held beliefs about economic growth in ancient Greece" [Pinabulaanan ng iskolar ng Stanford ang mga matagal na'ng paniniwala tungkol sa paglago ng ekonomiya sa sinaunang Gresya] (sa wikang Ingles). Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Abril 2021.
- ↑ Milbrath S (Marso 2017). "The Role of Solar Observations in Developing the Preclassic Maya Calendar" [Ang Gampanin ng mga Obserbasyong Solar sa Pagdebelop sa Preklasikong Kalendaryonf Maya]. Latin American Antiquity (sa wikang Ingles). 28 (1): 88–104. doi:10.1017/laq.2016.4. ISSN 1045-6635. S2CID 164417025.
- ↑ Benoist A, Charbonnier J, Gajda I (2016). "Investigating the eastern edge of the kingdom of Aksum: architecture and pottery from Wakarida" [Pag-imbestiga sa silangang sulok ng kaharian ng Aksum: arkitektura at pamamalayok mula sa Wakarida]. Proceedings of the Seminar for Arabian Studies (sa wikang Ingles). 46: 25–40. ISSN 0308-8421. JSTOR 45163415.
- ↑ Farazmand A (1 Enero 1998). "Administration of the Persian Achaemenid world-state empire: implications for modern public administration" [Administrasyon ng pandaigdigang imperyong estado ng Achaemenid sa Persia: mga implikasyon para sa modernong pampublikong administrasyon]. International Journal of Public Administration (sa wikang Ingles). 21 (1): 25–86. doi:10.1080/01900699808525297. ISSN 0190-0692.
- ↑ Ingalls DH (1976). "Kālidāsa and the Attitudes of the Golden Age" [Kālidāsa at ang Kaugalian ng Ginintuang Panahon]. Journal of the American Oriental Society (sa wikang Ingles). 96 (1): 15–26. doi:10.2307/599886. ISSN 0003-0279. JSTOR 599886.
- ↑ Xie J (2020). "Pillars of Heaven: The Symbolic Function of Column and Bracket Sets in the Han Dynasty" [Mga Haligi ng Langit: Ang Simbolikong Silbi ng Hanay at Bracket Set sa Dinastiyang Han]. Architectural History (sa wikang Ingles). 63: 1–36. doi:10.1017/arh.2020.1. ISSN 0066-622X. S2CID 229716130.
- ↑ Marx W, Haunschild R, Bornmann L (2018). "Climate and the Decline and Fall of the Western Roman Empire: A Bibliometric View on an Interdisciplinary Approach to Answer a Most Classic Historical Question" [Klima at ang Paghina at Pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Romano: Pananaw sa Bibliometriya ukol sa Interdisiplinaryong Pagtingin para Masagot ang Pinakaklasikal na Tanong sa Kasaysayan]. Climate (sa wikang Ingles). 6 (4): 90. Bibcode:2018Clim....6...90M. doi:10.3390/cli6040090.
- ↑ Renima A, Tiliouine H, Estes RJ (2016). "The Islamic Golden Age: A Story of the Triumph of the Islamic Civilization" [Ang Ginintuang Panahon ng Islam: Kuwento ng Tagumpay ng Sibilisasyong Islam]. Sa Tiliouine H, Estes RJ (mga pat.). The State of Social Progress of Islamic Societies [Ang Estado ng mga Progreso sa Lipunan ng mga Lipunang Islam]. International Handbooks of Quality-of-Life (sa wikang Ingles). Springer International Publishing. pp. 25–52. doi:10.1007/978-3-319-24774-8_2. ISBN 978-3-319-24774-8.
- ↑ Asbridge T (2012). "Introduction: The world of the crusades" [Panimula: Ang mundo ng mga krusada]. The Crusades: The War for the Holy Land [Mga Krusada: Ang Digmaan para sa Banal na Lupain] (sa wikang Ingles). Simon and Schuster. ISBN 978-1-84983-770-5.
- ↑ Adam King (2002). "Mississippian Period" [Panahong Mississippi]. New Georgia Encyclopedia. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Agosto 2009.
- ↑ May T (2013). The Mongol Conquests in World History [Ang Pananakop ng mga Mongol sa Kasaysayan ng Mundo] (sa wikang Ingles). Reaktion Books. p. 7. ISBN 978-1-86189-971-2.
- ↑ Canós-Donnay S (25 Pebrero 2019). "The Empire of Mali" [Ang Imperyo ng Mali]. Oxford Research Encyclopedia of African History (sa wikang Ingles). Oxford University Press. doi:10.1093/acrefore/9780190277734.013.266. ISBN 978-0-19-027773-4. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Oktubre 2021.
- ↑ Canela SA, Graves MW. "The Tongan Maritime Expansion: A Case in the Evolutionary Ecology of Social Complexity" [Ang Pagpapalawak ng Tonga sa Karagatan: Kaso sa Ebolusyonal na Ekolohiya ng Pagkakomplikado ng Lipunan]. Asian Perspectives (sa wikang Ingles). 37 (2): 135–164.
- ↑ Conrad G, Demarest AA (1984). Religion and Empire: The Dynamics of Aztec and Inca Expansionism [Relihiyon at Imperyo: Ang Dinamika ng Pagpapalawak ng Aztec at Inca] (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. p. 2. ISBN 0-521-31896-3.
- ↑ Kafadar C (1 Enero 1994). "Ottomans and Europe" [Mga Ottoman at Europa]. Sa Brady T, Oberman T, Tracy JD (mga pat.). Handbook of European History 1400–1600: Late Middle Ages, Renaissance and Reformation [Handbook ng Kasaysayan ng Europa 1400–1600: Huling Gitnang Kapanahunan, Renasimiyento, at Repormasyon] (sa wikang Ingles). Brill. pp. 589–635. doi:10.1163/9789004391659_019. ISBN 978-90-04-39165-9. Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Mayo 2022.
- ↑ Goree R (19 Nobyembre 2020). "The Culture of Travel in Edo-Period Japan" [Ang Kultura ng Paglalakbay sa Hapón noong Panahong Edo]. Oxford Research Encyclopedia of Asian History (sa wikang Ingles). Oxford University Press. doi:10.1093/acrefore/9780190277727.013.72. ISBN 978-0-19-027772-7. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Agosto 2021.
- ↑ Mosca MW (2010). "China's Last Empire: The Great Qing" [Ang Huling Imperyo ng Tsina: Ang Dakilang Qing]. Pacific Affairs (sa wikang Ingles). 83. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Marso 2022.
- ↑ Suyanta S, Ikhlas S (19 Hulyo 2016). "Islamic Education at Mughal Kingdom in India (1526–1857)" [Edukasyong Islam sa Kaharian ng Mughal sa India (1526–1857)]. Al-Ta Lim Journal (sa wikang Ingles). 23 (2): 128–138. doi:10.15548/jt.v23i2.228. ISSN 2355-7893. Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Abril 2022.
- ↑ Kirkpatrick R (2002). The European Renaissance, 1400–1600 [Ang Renasimiyento sa Europa: 1400–1600] (sa wikang Ingles). Routledge. p. 1. ISBN 978-1-317-88646-4. OCLC 893909816. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
- ↑ Arnold D (2002). The Age of Discovery, 1400–1600 [Ang Panahon ng Pagtuklas, 1400–1600] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). Routledge. pp. xi. ISBN 978-1-136-47968-7. OCLC 859536800. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
- ↑ Dixon EJ (Enero 2001). "Human colonization of the Americas: timing, technology and process" [Kolonisasyon ng mga Tao sa Kaamerikahan: tayming, teknolohiya, at proseso]. Quaternary Science Reviews (sa wikang Ingles). 20 (1–3): 277–299. Bibcode:2001QSRv...20..277J. doi:10.1016/S0277-3791(00)00116-5.
- ↑ Keehnen, Floris W. M.; Mol, Angus A. A. (2020). "The roots of the Columbian Exchange: an entanglement and network approach to early Caribbean encounter transactions" [Ang mga ugat ng Palitang Kolumbiyano: paghahawi at sala-salabat na pagtingin sa mga unang transaksyon sa pagkikita sa Caribbean]. Journal of Island and Coastal Archaeology (sa wikang Ingles). 16 (2–4): 261–289. doi:10.1080/15564894.2020.1775729. PMC 8452148. PMID 34557059.
- ↑ Lovejoy PE (1989). "The Impact of the Atlantic Slave Trade on Africa: A Review of the Literature" [Ang Epekto sa Aprika ng Palitan ng Alipin sa Atlantiko: Rebyu sa Literatura]. The Journal of African History (sa wikang Ingles). 30 (3): 365–394. doi:10.1017/S0021853700024439. ISSN 0021-8537. JSTOR 182914. S2CID 161321949. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Marso 2022.
- ↑ Cave AA (2008). "Genocide in the Americas" [Henosidyo sa Kaamerikahan]. Sa Stone D (pat.). The Historiography of Genocide [Historiograpiya ng Henosidyo] (sa wikang Ingles). London: Palgrave Macmillan UK. pp. 273–295. doi:10.1057/9780230297784_11. ISBN 978-0-230-29778-4.
- ↑ Delisle RG (Setyembre 2014). "Can a revolution hide another one? Charles Darwin and the Scientific Revolution" [Maaari bang makapagtago ng rebolusyon sa isa pang rebolusyon? Si Charles Darwin at ang Rebolusyong Makaagham]. Endeavour (sa wikang Ingles). 38 (3–4): 157–158. doi:10.1016/j.endeavour.2014.10.001. PMID 25457642.
- ↑ "Sister Revolutions: American Revolutions on Two Continents" [Magkapatid na Rebolusyon: Ang Rebolusyong Amerikano sa Dalawang Kontinente]. US National Park Services (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Mayo 2024.
- ↑ O'Rourke KH (Marso 2006). "The worldwide economic impact of the French Revolutionary and Napoleonic Wars, 1793–1815" [Ang pandaigdigang epekto sa ekonomiya ng Rebolusyong Pranses at ang mga Digmaang Napoleoniko, 1793–1815]. Journal of Global History (sa wikang Ingles). 1 (1): 123–149. doi:10.1017/S1740022806000076. ISSN 1740-0228. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
- ↑ Zimmerman AF (Nobyembre 1931). "Spain and Its Colonies, 1808–1820" [Espanya at ang mga Kolonya nuto, 1808–1820]. The Hispanic American Historical Review (sa wikang Ingles). 11 (4): 439–463. doi:10.2307/2506251. JSTOR 2506251. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Marso 2022.
- ↑ David S (2011). "British History in depth: Slavery and the 'Scramble for Africa'" [Malalimang pagtalakay sa Kasaysayan ng Britanya: Pang-aalipin at ang 'Agawan para sa Aprika']. BBC (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 24 Marso 2022.
- ↑ Raudzens G (2004). "The Australian Frontier Wars, 1788–1838" [Ang mga Digmaan sa Hangganan ng Australya, 1788–1838]. The Journal of Military History (sa wikang Ingles). 68 (3): 957–959. doi:10.1353/jmh.2004.0138. ISSN 1543-7795. S2CID 162259092.
- ↑ Palan R (14 Enero 2010). "International Financial Centers: The British-Empire, City-States and Commercially Oriented Politics" [Mga Pandaigdigang Sentrong Pampinansiyal: Ang Imperyong Britaniko, mga Lungsod-estado, at Politikang Nakatuon sa Komersyo]. Theoretical Inquiries in Law (sa wikang Ingles). 11 (1). doi:10.2202/1565-3404.1239. ISSN 1565-3404. S2CID 56216309. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Agosto 2021.
- ↑ Clark CM (2012). "Polarization of Europe, 1887–1907" [Polarisasyon ng Europa, 1887–1907]. The sleepwalkers : how Europe went to war in 1914 [Naglalakad nang tulog: paano nauwi sa digmaan ang Europa noong 1914] (sa wikang Ingles). London: Allen Lane. ISBN 978-0-7139-9942-6. OCLC 794136314. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
- ↑ Dahl, Robert (1989). Democracy and Its Critics [Demokrasya at ang mga Kritiko Nito] (sa wikang Ingles). Yale UP. pp. 239–240. ISBN 0-300-15355-4.
- ↑ Plous S (Mayo 1993). "The Nuclear Arms Race: Prisoner's Dilemma or Perceptual Dilemma?" [Ang Karera sa Sandatang Nukleyar: Dilema ng Preso o Pananaw?]. Journal of Peace Research (sa wikang Ingles). 30 (2): 163–179. doi:10.1177/0022343393030002004. ISSN 0022-3433. S2CID 5482851. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Pebrero 2022.
- ↑ McDougall WA (Mayo 1985). "Sputnik, the space race, and the Cold War" [Sputnik, ang karera sa kalawakan, at ang Digmaang Malamig]. Bulletin of the Atomic Scientists (sa wikang Ingles). 41 (5): 20–25. Bibcode:1985BuAtS..41e..20M. doi:10.1080/00963402.1985.11455962. ISSN 0096-3402.
- ↑ Sachs JD (Abril 2017). "Globalization – In the Name of Which Freedom?" [Globalisasyon – Sa Ngalan ng Anong Kalayaan?]. Humanistic Management Journal (sa wikang Ingles). 1 (2): 237–252. doi:10.1007/s41463-017-0019-5. ISSN 2366-603X. S2CID 133030709.