Ang kartang pambati[1] o tarhetang pambati[2] ay isang nakatiklop na kard[2], tarheta, o kartang may ginuhit na mga larawan na naglalaman ng mga pabatid na nagpapadama ng pagkakaibigan o iba pang damdamin. Maaaring seryoso o nakakatawa ang mga mensaheng pangkaibigigan, pangpag-ibig, kabutihang kalooban, pagtanaw ng utang na loob, pasasalamat, pakikiramay, at iba pang mga uri ng sentimyento. Kalimitan ipinadadala ang mga kartang pambati patungo sa pinaglalaanan sa pamamagitan ng koreo para gunitain ang isang natatanging okasyon o mahalagang kaganapan, katulad ng Pasko, Araw ng mga Puso, at kaarawan ng isang tao.[3] Karaniwang itong nakalakip sa isang sobre at nilalathala sa sari-saring mga moda. Mayroong mga gawa ng mga kompanyang palimbagan at maramihan kung ilathala, samantalang mayroon din namang mga gawang-kamay. Kabilang sa mga halimbawa ng mga pangunahing tatak na taga-imprenta at tagapagbenta ng mga pangkalakalang mga kartang pambati ang Hallmark Cards at American Greetings.

Isang kartang pambati na humihiling sa pag-inam ng kalusugan ng pinadalhan, circa 1949. Sa kartang ito, nakasaad ang katanungang: How's the convalescent sa Ingles, o "Kumusta na ang nagpapagaling?"

Kayarian at sukat

baguhin

Karamihan sa mga kartang pambati ang gawa sa mga materyales na papel o kartolina. Meron namang ibang yari sa mga tela, katad, selyuloyd, at tapon. Karaniwang kasinlaki lamang ito ng isang hindi kalakihang papel na pang-liham na naipapaloob sa isang sobre.[3]


Mga uri

baguhin

May dalawang pangunahing uri ng mga kartang pambati: ang panahunan at ang pang-araw-araw. Ipinadadala ang mga panahunang kartang pambati tuwing Kapaskuhan, Bagong Taon, Araw ng mga Puso, Linggo ng Pagkabuhay, Araw ng mga Ina, Araw ng mga Ama, Todos los Santos, Araw ng Pasasalamat, araw ng mga santo, at mga banal na araw sa maraming mga anyo ng paniniwala at pananampalataya. Samantalang ginagamit naman ang mga pang-araw-araw na mga tarhetang pambati sa mga pag-alala sa mga kaarawan ng isang tao, sa mga mensahe ng paggaling o pagbuti ng kalusugan at kalooban, mga anibersaryo, araw ng pagtatapos sa paaralan, kasal, pagbati o pagpapatalastas dahil sa pagsilang ng bagong sanggol, pagpapasalamat, pakikiramay, at pagbati para sa mabuting paglalakbay.[3]

Kasaysayan

baguhin
 
Mga sinaunang kartang pambati para sa Araw ng mga Puso, circa 1875.

Matatalunton ang kaugalian ng pagpapadala ng mga kartang pambati mga 4,000 taon na ang nakalilipas. Sa Ehipto, ipinagdiriwang ang Bagong Taon sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga masagisag na mga handog na pampabuti ng kapalaran katulad ng mga mamamahaling hiyas na kahugis ng mga kulisap na kahawig ng mga salaginto at salagubang. Ilan sa mga ito ang nalililukan ng mga salitang oudja ib k na nangangahulugang "lahat ng mabuting kapalaran."[3] Nagbabatian din ang mga sinaunang Ehipsiyo sa pamamagitan ng mga nakabalumbong papyrus. Gayundin, nagpapalitan din ng mga pagbati ang mga sinaunang mga Insik tuwing kapanahunan ng Bagong Taon. Isa rin sa mga ninuno ng mga kartang pambati ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.[3]

Nagpapalitan na ang mga sinaunang mga Romano ng mga simbolo ng kabutihang kalooban, pakikisama, at pangmainam na kalusugan, na kinabibilangan ng mga pinatuyong mga prutas, pulot-pukyutan, at mga istatuwang yari sa mga putik na naglalahad ng mga mensaheng nasa Latin: Anno novo faustum felix tibi sit, na "Nawang maging maligaya at masuwerte ang Bagong Taon mo" ang ibig sabihin. Kumalat sa Europa ang ganitong mga pagbating at pabatid na pang-Bagong Taon noong mga unang kapanahunan ng Kristiyanismo.[3]

 
Isang halimbawa ng kartang pambati para sa Bagong Taon mula sa Alemanya, circa 1470.

Sa pagsapit ng maagang mga 1400, nagkaroon na ng pagpapalitan ng mga likhang-kamay at gawa sa papel na mga tarhetang pambati sa Europa. Nalalaman na naglilimbag ang mga Aleman ng mga pambating pam-Bagong Taon sa pamamagitan ng mga inukitang kahoy noon pa mang mga maagang kapanahunan ng 1400. May isang isang inukit na kahoy na ginamit sa paglilimbag na naglalaman at naglalarawan ng hugis ng Batang Kristong may hawak na isang papel na nagsasabing "Isang mabuti at maligayang Bagong Taon" sa wikang Aleman.[3] Nagkaroon din ng pagpapalitan ng mga gawang-kamay at yari sa papel na mga kartang pang-Araw ng mga Puso sa iba't ibang mga bahagi ng Europa noon pang mga maaga hanggang mga kalagitnaan ng mga 1400.

Sa pagsapit ng mga 1850, nagbago ang anyo ng mga kartang pambati mula sa mamahaling uri, gawang kamay, at dinadala o inaabot ng personal sa pagbibigyan patungo sa isang tanyag at mabibili sa abot-kayang halagang moda ng pakikipag-ugnayan. Sanhi ng pagbabagong ito ang pagkakaroon ng pag-unlad sa mga pamamaraan ng paglilimbag at paggamit ng mga makinarya. Nasundan ito ng mga kartang pamasko. Lumitaw ang unang nakalimbag na tarhetang pamasko sa London noong 1843 nang upahan ni Ginoong Henry Cole ang mangguguhit na si John Calcott Horsley ng London para gumawa ng disenyo ng isang kard na pang-okasyon na maaaring ipadala ni Cole sa kaniyang mga kaibigan at mga kapalagayan ng loob. Si John Horsley ang itinuturing na gumawa ng pinakaunang kartang pamasko.[3] Noong mga 1860, nagsimulang maglimbag ng maramihang mga kartang pambati ang mga kompanyang katulad ng Marcus Ward & Co., Goodall at Charles Bennett, na kumasundo ng mga tanyag na artista ng sining tulad nina Kate Greenaway at Walter Crane bilang mga tagaguhit at tagapag-disenyo ng mga kartang pambati.

Sa Estados Unidos, si Louis Prang ng Boston, isang imigrante mula sa Alemanya ang tinuturing na "ama ng Amerikanong kartang pambati" sapagkat siya ang unang nagbukas ng isang tindahan at palimbagan ng mga tarhetang pampatalastas at pagpapahayag. Una niyang dinisenyo at naibenta ang kaniyang unang kartang pamasko noong 1874. Naging tanyag ang kaniyang mga kartang pambati sa Estados Unidos at Inglatera.[3]

Naging impluwensiya rin sa paggamit ng mga kartang pambati ang pagkakaroon ng pangangailangan sa mga mas personal na anyo ng pagbati ang pagsapit ng kapanahunan ng Unang Digmaang Pandaigdig.[3]

Noong 1930, ang mga kaunlarang teknikal katulad ng litograpiya ang naglunsad sa industriya ng maramihang paggawa ng mga kartang pambati. Naging popular ang mga kartang pambating nakakatawa - ang mga tinatawag na "kartang estudyo" noong mga huling panahon ng mga 1940 at 1950. Maiikli lamang ang mga pabatid na nakatitik sa mga nakakatawang mga kartang pambating ito na may mga guhit-larawan ng mga nakatatawang itsura ng mga tao. Naging tanyag ang mga ito sa mga malalaking lungsod at sa mga kabayanang may mga kolehiyo.[3]

Sanggunian

baguhin
  1. "Karta," card Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., Tagalog English Dictionary, Bansa.org
  2. 2.0 2.1 English, Leo James (1977). "Kard, tarheta". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 "Greeting Cards". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)