Ang Linyang Wallace o Linya ni Wallace ay isang linyang hangganan ng kahayupan na iginuhit noong 1859 ni Alfred Russel Wallace at pinangalanan ni Tomas Henry Huxley na naghihiwalay sa mga biyoheograpikal na lupain ng Asya at 'Wallacea', isang transisyonal na pook sa pagitan ng Asya o Kapuluang Malay at Australia o Kapuluang Indo-Australia. Matatagpuan sa kanluran ng linya ang mga organismo na may ugnayan sa mga species ng Asya; samantalang sa silangan, naroroon ang pinaghalong mga species ng Asya at Australia. Napansin ni Wallace ang malinaw na paghahati na ito sa parehong mga mamal na panglupain at mga ibon noong kanyang paglalakbay sa Silangang Kaindiyahan noong ika-19 dantaon.

Ang Linyang Wallace ay nagbubukod ng mga kahayupan ng Australia at ng Timog-Silangang Asya. Makikita sa mga lupain na kulay-abo ang posibleng lawak ng lupa noong Huling Glacial Maximum na kung kailan higit na 111 metrong mas mababa ang antas ng dagat kaysa sa kasalukuyan. Naging harang ang malalim na katubigan ng Kipot ng Lombok sa pagitan ng mga pulo ng Bali at Lombok kahit na ang mas mababang antas ng dagat ay nag-ugnay sa mga pulo at kalupaan sa dalawang panig ng kipot.

Tumatakbo ang linya sa Indonesia, sa pagitan ng Borneo at Sulawesi (Celebes), at sa Kipot ng Lombok sa pagitan ng Bali at Lombok, kung saan kapansin-pansing maliit ang layo, mga 35 kilometro (22 milya) lamang. Ngunit sapat na ito para sa pagkakaiba sa mga species na naroroon sa mga pulo sa dalawang panig ng linya. Ang kumplikadong biyoheograpiya ng Kapuluang Indo-Australia ay resulta ng lokasyon nito sa pinagsanib na punto ng apat na malalaking tectonic plate at iba pang mga maliliit na plate kasama ang mga nakaraang antas ng dagat. Nagdulot ang mga iyon ng paghihiwalay ng iba't-ibang pangkat ng taxonomiya sa mga pulo na ngayon ay medyo may kalapitan na sa isa't-isa. Isa lamang ang Linyang Wallace sa mga maraming hangganan na iginuhit ng mga naturalista at biyologo mula noong kalagitnaan ng ika-17 dantaon na layong pagbukurin ang kasarian ng mga halaman at hayop ng kapuluan.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Ali, Jason R.; Heaney, Lawrence R. (Hunyo 2021). "Wallace's line, Wallacea, and associated divides and areas: History of a tortuous tangle of ideas and labels". Biological Reviews. 96 (3): 922–942. doi:10.1111/brv.12683. ISSN 1464-7931. PMID 33502095.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga pinagmulan

baguhin