Lucio San Pedro

Pilipinong kompositor at guro

Si Lucio D. San Pedro (Pebrero 11, 1913 – Marso 31, 2002) ay isang tanyag na Kompositor at guro ng Komposisyon sa Pilipinas. Kinilala siya bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika. Kilala rin siya sa Pilipinas bilang lumikha ng sikat na oyaying, "Sa Ugoy ng Duyan" at ng tulang simponiko "Lahing Kayumanggi", nagturo siya ng Komposisyon sa maraming Kolehiyo at Unibersidad, kabilang ang University of the Philippines College of Music, kung saan nagsilbi siya bilang Patnugot ng composition and conducting department mula 1970 hanggang 1973.

Si Lucio San Pedro na nakadepikto sa isang postal stamp

Talambuhay

baguhin

Nanggaling siya sa isang pamilyang may kiling sa musika, at maagang naghanapbuhay sa larangang ito. Sa kanyang pagkabinata, siya ay nahirang na organista ng simbahan, kapalit ng yumao niyang lolo. Sa dakong iyon, siya ay nakalikha na ng ilang mga awitin, imno at dalawang buong misa para sa koro at orkestra. Matapos mag-aral sa pamamahala ng ilang mga kilalang musikero sa Pilipinas, nagsanay siya sa mas malalim na komposisyon sa ilalim ni Bernard Wagenaar ng Netherlands. Nag-aral din s'ya ng armonya (harmony) at orkestrasyon (orchestration) kay Vittorio Giannini at pumasok din sa Juillard noong 1947.

Pinasok din niya ang pagtuturo. Siya ay nagturo sa Pamantasang Ateneo de Manila, sa halos lahat ng mga konserbatoryo ng musika sa Maynila at sa Kolehiyo ng Musika sa University of the Philippines, Diliman, kung saan nagretiro siya bilang ganap na propesor noong 1978. Natamo niya ang titulong Professor Emeritus ng pamantasan noong 1979.

Noong ika-siyam ng Mayo, 1991, iginawad sa kanya ni Pangulong Corazon C. Aquino ang titulong Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika.[1]

Binawian siya ng buhay noong ika-31 ng Marso, 2002, sa edad na 89. Ilang mga Pambansang Alagad ng Sining ang dumalo sa kanyang luksang-parangal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, kasama nina Napoleon Abueva, Daisy Avellana, Leonor Gokingco, Nick Joaquin, Arturo Luz, Jose Maceda, at Andrea Veneracion. Inilibing siya sa kanyang bayang sinilangan sa Angono, Rizal.

Mga Sanggunian

baguhin
  1. National Commission for Culture and the Arts. (n.d.). National Artists of the Philippines. Manila: National Commission for Culture and the Arts.