Lungsod ng Biringan

Ang Lungsod ng Biringan ay isang mahiwagang lugar sa probinsiya ng Samar sa Silangang Kabisayaan sa Pilipinas.[1] Ang salitang "biringan" ay isang salita sa wikang Waray na nangangahulugan ng "hanapan ng mga nawawala."[2]

Lokasyon

baguhin

Ayon sa mga kuwento, matatagpuan ang Lungsod ng Biringan sa pagitan ng mga munisipalidad ng Pagsanghan at Gandara sa probinsiya ng Samar sa Pilipinas.[1][3][4][5] Nababanggit din sa mga kuwento na mayroong dalawang puno ng roble o oak sa Pagsanghan na pinaniniwalang lagusan patungo sa Lungsod ng Biringan.[6]

Mga kuwento ng hiwaga

baguhin

Mga taong 1960 nang nagsimula ang mga kwento tungkol sa Lungsod ng Biringan.[2] Nasasaad sa mga kuwento na ang Lungsod ng Biringan ay isang magandang lugar na hindi nakikita at mayroong maunlad na teknolohiya.[2] Ito ay isang modernong lungsod na mayroong mga matataas na gusali at mga tren na mabibilis na katulad ng mga nasa bansang Hapon.[6] Bukod dito, ang mga nakatira sa lugar na ito ay alinman sa mga engkanto o mga kaluluwa ng mga nawawala.[2][6][3]

Kuwento ng isang bus

baguhin

Ayon sa mga salaysay, may isang bus na walang laman na nagsakay ng dalawang babae. Sumang-ayon ang nagmamaneho ng bus na dalhin ang dalawang babae sa isang lugar na sinabi nila na malayo sa pangunahin kalye sa halagang tatlong beses ng pamasahe. Pagkababa ng dalawang babae sa destinasyon na kanilang sinabi ay hindi na nakabalik sa highway ang bus dahil ito pala ay nasa gitna na ng bukid na napaliligiran ng mayayabong na mga halaman. Doon na nagpalipas ng gabi ang nagmamaneho at natulog siya sa loob ng bus. Paggising niya kinabukasan ay napagtanto niya na siya pala ay nasa tuktok ng tagaytay ng bundok at para makababa ay nangangailangan ng kagamitang pang-konstruksyon.[2]

Kuwento ng ingay sa daan

baguhin

Mayroon namang kuwento tungkol sa dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo na binabagtas ang isang madilim na daan. Sila lang ang nandoon sa daan na iyon nang bigla na lang silang nakarinig ng mga tunog ng busina ng maraming sasakyan at mga boses ng mga taong nagsisigawan. Natakot ang dalawang lalaki subalit nagpatuloy pa rin sila sa pagbagtas ng daan na iyon. Pagdating nila sa isang lugar ay bigla na lang nawala ang mga ingay at naging tahimik ulit ang kanilang paligid.[2]

Kuwento ng mga kagamitang pang-konstruksiyon

baguhin

May mga kuwento din tungkol sa mga kagamitang pang-konstruksiyon na dadalhin sa Lungsod ng Biringan na mangagaling ng Maynila. Iniwan ang kargang mga tabla ng isang trak sa isang daan na malayo sa kabayanan at kinabukasan ay wala na doon ang mga tabla.[2]

Kuwento ng pag-ibig

baguhin

Ayon sa mga kuwento, ang mga taong minamahal ng mga taga-Biringan ay karaniwang nagkakasakit ng mahiwagang sakit na hindi nagagamot ng medisina. Minsan, ang mga taong ito ay parang nawawala sa katinuan at nagbabanggit ng mga kakaibang bagay o nakikipag-usap sa mga taong hindi naman nila kasama. May mga oras na kapag sila ay namatay, pinaniniwalaan na ang kanilang kaluluwa ay napupunta sa Lungsod ng Biringan.[2]

Kuwento ng mga tao na napupunta sa Lungsod ng Biringan

baguhin

Nababanggit sa mga kuwento tungkol sa Lungsod ng Biringan na kapag ang isang tao ay nakabisita sa lungsod dahil dinala sila doon ng taga-Biringan, hindi sila dapat uminom o kumain ng anuman habang nandoon sa lugar na iyon. Kapag sila ay kumain o uminom ay hindi na sila makaaalis doon.[2]

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 "The lost city of Biringan". Kapuso Mo, Jessica Soho. Abril 16, 2017. GMA. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite episode}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 Tan, Yvette (Disyembre 2015). "City of the Lost". Grid. Off The Grid Publishing, Inc. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 Limos, Mario Alvaro (22 Disyembre 2019). "The Creepy Legend of Biringan, the Phantom City of Lost People". Esquire. EsquireMag.ph. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Philippine Standard Geographic Code (PSGC)". Philippine Statistics Authority. Republic of the Philippines. 22 Disyembre 2019. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Philippine Standard Geographic Code (PSGC)". Philippine Statistics Authority. Republic of the Philippines. 22 Disyembre 2019. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 Lim, Lance (3 Nobyembre 2021). "The Wakanda of Samar: The mythical city of Biringan". Rappler. Rappler Inc. Nakuha noong 18 Pebrero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)