Makinang pinasisingawan
Ang makinang pinasisingawan o makinang de-singaw (Ingles: steam engine) ay isang makina o motor na gumagamit ng mainit na singaw mula sa kumukulong tubig upang umandar ito. Nababago nito ang enerhiyang nasa mainit na hangin upang maging galaw o kilos, na maaari namang gamitin upang mapatakbo ang isang pabrika o mapausad ang isang tren o bangka. Inimbento ito ni James Watt noong bandang 1776, at naging napakahalaga noong panahon ng rebolusyong industriyal kung kailan pinalitan nito ang mga kabayo, mulinong panghangin, at mulinong pangtubig upang mapagana ang mga makinarya. Karaniwang mga panlabas na makinang de-ningas ang mga makinang pinasisingawan.[1] E.C.E.[›], bagaman maaari ring gamitin ang iba pang panlabas na pinanggagalingan ng init, katulad ng lakas solar, lakas nukleyar, o kaya enerhiyang heotermal. Nakikilala ang siklo ng init bilang siklong Rankine.
Kasaysayan
baguhinMga makinang de-piston o makinang may piston ang unang mga makinang pinasisingawan. Itinutulak ng presyon ng mainit na hangin o singaw upang gumalaw ito sa kahabaan ng isang silinder kaya't nagkakaroon sila ng resiprokal – pabalik-balik – na mosyon. Tuwirang nakapagpapagalaw ito ng pambomba o ng isang krank upang mapaikot ang isang gulong na magpapaandar sa isang makinarya.
Dating ginagamit ang mga makinang pinasisingaw sa mga pabrika upang mapaandar ang mga makina, at maging sa mga minahan upang mapagalaw ang mga pambomba. Sa kalaunan, nilikha ang mas maliliit na mga makina o motor na makapagpapaandar ng mga lokomotibo ng riles at ng mga bangkang pinasisingawan.
Pagpapaandar
baguhinSa loob ng isang boiler o pakuluan ginagawa ang mainit na singaw. Pinaiinitan ang tubig na nasa loob ng pakuluan upang makalikha ng singaw na mainit. Ginagamit ng lumalabas na singaw ang puwersa o lakas para sa isang piston o talim ng turbina. Ginagamit naman ang galaw ng piston o talim ng turbina upang makapagpaikot ng mga gulong o para paandarin ang iba pang mga makina o makinarya. Upang mapakuluan ang tubig sa loob ng pakuluan, maaaring gamitin ang ilang uri ng mga panggatong, na maaaring kahoy, uling, o langis.
Sa ngayon, halos lahat ng mga pinasisingawang makina ay mga turbinang walang mga piston ngunit umiikot na parang mulino na tinutulak ng mga pagsirit ng singaw. Mas mainam ito kaysa orihinal na mga uri ng mga makinang pinasisingawan na may piston. Ginagamit ito sa mga planta ng enerhiya upang mapagana ang mga henerador na lumilikha ng kuryente. May ilang mga barko, katulad ng mga barkong pandigma, na gumagamit ng mga turbinang pinasisingawan.
Mga sanggunian
baguhinAng lathalaing ito na tungkol sa Teknolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.