Si Marc Léopold Benjamin Bloch (Hulyo 6, 1886 - Hunyo 16, 1944) ay isang Pranses na historyador at gerilya ng Résistance noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isa siya sa nagtatag ng kilusang pangkasaysayan na Eskuwelahan ng Annales.

Marc Bloch
Kapanganakan6 Hulyo 1886[1]
  • (Lyon, Metropolis of Lyon, Auvergne-Rhône-Alpes, Metropolitan France, Pransiya)
Kamatayan16 Hunyo 1944[2]
MamamayanPransiya[4]
NagtaposLycée Louis-le-Grand
École normale supérieure
Pamantasan ng Leipzig
Trabahohistoryador,[5] propesor,[5] propesor ng unibersidad
Opisinaguro (1912–1914)
propesor ng unibersidad (1921–1936)

Talambuhay

baguhin

Simula bilang historyador

baguhin

Si Bloch ay ipinanganak sa Lyon sa isang Hudyong pamilya. Ang ama niya ay si Gustave Bloch, isang profesor ng sinaunang kasaysayan sa Unibersidad ng Lyon, na anak naman ng isang direktor ng paaralan. Ang ina niya ay si Sarah Ebstein. (Huges Warrington 2008) Naging mahusay siyang estudyante sa pangsekondaryang paaralan ng Lycée Louis-le-Grand sa Paris. Pagkatapos ay pumasok siya sa École Normale Supérieure noong 1904. Pumasa siya sa agregasyon (pagsusulit para sa kolehiyo sa Pransiya) ng kasaysayan at heograpiya noong 1908. Pagkatapos ay sandali siyang nag-aral sa Berlin at Leipzig. Nang mabigyan siya ng iskolarsyip sa Fondation Thiers ay nagsimula siyang magdoktor dito noong 1909 hanggang 1912.

Hindi pa niya natatapos ang pagdodoktor ay nagturo siya sa secondaryang paaralan ng Montpellier pagkatapos ay sa Amiens. Pumutok ang Unang Digmaang Pandaigdig at siya'y tinawag para magsilbi sa impanterya bilang sarhento. Natapos niya ang serbisyo na may ranggong kapitan sa intelidyens. Natanggap niya ang parangal na Légion d'honneur.

Pagkatapos ng digmaan ay hinirang siyang assistant na lektyurer sa Unibersidad ng Strasbourg. Doon niya nakasama sina Lucien Febvre at André Piganiol. Noong 1919 pinakasalan niya si Simone Vidal, at nagkaroon sila ng anim na anak. Para maging regular na guro ay binalikan niya ang pagdodoktor. Noong taon ding iyon ay ipinagtanggol niya ang tesis niya sa pagkadoktor hinggil sa pagpapalaya sa mga mamayan sa kanayunan ng Ile-de-France noong Edad Medya na pinamagatang Rois et Serfs (Mga Hari at Serf 1920).

Noong 1924 ay inilathala niya ang isa sa pinakatanyag niyang panulat na Les rois thaumaturges: étude sur le caractère surnaturel attribué à la puissance royale particulièrement en France et en Angleterre. Dito niya tinipon, inilarawan at pinag-aralan ang mga dokumentong may kinalaman sa sinaunang tradisyon na ang mga hari noong Edad Medya ay may kakayanang gamutin ang sakit na scrofula sa pamamagitan lamang ng paghipo sa mga may sakit nito. Ang tradisyong ito ay nag-uugat sa masalamangkang papel ng mga hari sa mga sinaunang lipunan. Ang panulat na ito ni Bloch ay nagkaroon ng malaking impluwensiya di lamang sa panlipunang kasaysayan kundi maging sa antropolohiyang kultural.

Ang Eskuwelahan ng Annales

baguhin

Noong 1929 itinatag niya kasama si Lucien Febvre ang importang diyornal na Annales d'histoire économique et sociale (ngayon ay may pamagat nang Annales: Histoire, Sciences Sociales) na ang pangalan ay siyang ibinansag sa pamamarang pangkasaysayan na Eskuwelahan ng Annales.

Noong 1936 pinalitan niya si Henri Hauser bilang profesor ng kasaysayang pang-ekonomiya sa Sorbonne. Inabot siya ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at kahit na 53 taon na ay nagsilbi pa rin bilang kapitan sa hukbo ng Pransiya.

Historyador sa panahon ng digmaan

baguhin

Pagkatapos magapi ang Pransiya ng Deutscheland noong 1940 hindi siya makakuha ng trabaho sa pamahalaan ng Vichy dahil sa pagigi niyang Hudyo. Tinulungan siya ng Ministrong si Jerome Carcopino na dating estudyante ng kanyang ama, at hinirang siyang guro sa Unibersidad ng Strasbourg na nalipat sa Clermont-Ferrand na hindi okupado ng mga Deutsche. Doon niya ipinagpatuloy ang pananaliksik at pagsusulat bagama't mahirap ang buhay at nag-aalala siya sa kaligtasan ng kaniyang pamilya. Dahil sa kalusugan ng kaniyang asawa ay hiniling niyang malipat sa Unibersidad ng Montpellier noong 1941.

Sa panahong ito niya isinulat ang L'Étrange défaite (Katakatakang Pagkagapi 1945). Tungkol ito sa mga dahilan ng pagkatalo ng Pransiya noong 1940 at nalathala lamang pagkamatay niya.

Nagtago siya noong 1942 nang pasukin ng mga Deutsche ang sonang malaya ng Pransiya. Habang nagkakanlong sa Creuse ay isinulat ni Bloch nang walang mga dokumento at nasa mahirap na kalagayan ang Apologie pour l'histoire, ou Métier d'historien (inilathala ni Lucien Febvre noong 1949). Dito niya nilagom ang kanyang paraan ng pagsusulat ng kasaysayan.

Noong 1943 ay sumali siya sa gerilyang Résistance. Nagi siyang pinuno sa rehiyong Lyon sa Franc-Tireur. Nadakip siya ng Gestapo sa Lyon noong Marso 8, 1944. Pinahirapan siya at binaril noong Hunyo 16. Ang huli niyang sigaw ay Vive la France!

Sinasabi na ang mga abo niya ay matatagpuan sa sementeryo sa Bourg-d'Hem.

Pamana

baguhin

Si Bloch na bagama't hindi kasing kontrobersiyal ng nakatatandang si Lucien Febvre ay kasing sinop naman ng huli sa pagsusuri at pagnanasang mabuksan ang larangan ng kasaysayan sa iba pang disiplinang siyentipiko. Bukod pa doon, magpahanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng mga mananaliksik ang kanyang inambag sa kasaysayan ng Edad Medya.

Tulad ng mga kasamahan niya sa Eskuwelahan ng Annales iminungkahi ni Bloch na huwag magkasiya sa paggamit ng mga nakasulat na sangkap, bagkus ay gumamit ng iba pang materyales, sining, arkeyolohiya, numismatiko atbp. Higit pa sa ibang pinuno ng Annales siya ay nakakiling sa pagsusuri ng mga katunayang pang-ekonomiko. Sang-ayon din siya sa pananaw na may iisang agham tao kaya't itinuro niya ang paggamit ng pamamaraang pahambing, multidisiplinaryo at bayanihan ng mga historyador.

Mga Panulat

baguhin
  • Rois et Serfs, tesis (1920).
  • Les Rois thaumaturges, (1924).
  • Les Caractères originaux de l'histoire rurale française (1931). Ingles: French Rural History, tr. Janet Sondheimer (Berkely: University of California, 1966). ISBN 0-520-01660-2.
  • La Société féodale, 2 tomo (1939-1940). Ingles: Feudal Society, Tr. L.A. Manyon, (Chicago: University of Chicago Press, 1961). ISBN 0-226-05979-0.
  • L'Étrange défaite (1940). Ingles: Strange Defeat; a Statement of Evidence Written in 1940 (London: Oxford University Press, 1949).
  • Apologie pour l'histoire ou métier d'historien (1941, inilathala noong 1949). Ingles: The Historian's Craft, Tr. Peter Putnam, (New York: Vintage Book, 1953).

Mga Sanggunian

baguhin
  1. Bloch, Marc. The royal touch: sacred monarchy and scrofula in England and France,
  2. Fink, C. (1989). Marc Bloch: A life in history. Cambridge University Press. ISBN 0-521-40671-4
  3. Hughes, H.S. (1968). The obstructed path: French social thought in the years of desperation, 1930-1960.
  4. Hughes-Warrington, M. (2008). Fifty key thinkers on history. Oxon: Routeledge
  5. Lambie, J. (ed.). (1956). Architects and craftsmen in history.

Panlabas na Kawing

baguhin
  1. http://www.fondsenligne.archives-lyon.fr/v2/ark:/18811/79719aeeb2f80cb8698dbba0c98e429b; hinango: 2 Hunyo 2023.
  2. http://data.bnf.fr/ark:/12148/cb118923821; hinango: 10 Oktubre 2015.
  3. https://www.memoiredeshommes.sga.defense.gouv.fr/fr/ark:/40699/m005eb0044a21327.
  4. https://libris.kb.se/katalogisering/1zcfh44k3ndn44v; petsa ng paglalathala: 7 Pebrero 2013; hinango: 24 Agosto 2018.
  5. 5.0 5.1 https://catalogue.bnf.fr/ark:/12148/cb118923821; hinango: 10 Oktubre 2015.