Lino Brocka

Pilipinong direktor

Si Catalino Ortiz Brocka, na mas nakilala bilang Lino Brocka, ay isa sa mga pinakamahusay na direktor sa Pilipinas na pinarangalan at kinilala, maging sa ibang bansa.

Lino O. Brocka
Kapanganakan
Catalino Ortiz Brocka

7 Abril 1939
Kamatayan21 Mayo 1991
NasyonalidadPilipino
LaranganPelikula at Sining Pambrodkast
Pinag-aralan/KasanayanPamantasan ng Pilipinas
Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas

Pelikula at Sining Pambrodkast
1997

Tinalakay niya sa kanyang mga pelikula ang mga paksa na pilit iniiwasan sa lipunan. Ipinamalas niya rin ang pagiging diretso sa kanyang mga ideya at opinyon na malinaw ring matutunghayan sa kanyang mga pelikula. Kung kaya't hanggang ngayon ay patuloy na pinapanood at hinahangaan ng mga tao mula sa iba't ibang henerasyon dahil na rin sa mga sitwasyon at ideyang tumutugma sa kahit anong panahon dito sa bansa.[1]

Talambuhay

baguhin

Ipinanganak sa Pilar, Sorsogon noong 7 Abril 1939, at supling nina Regino Brocka at Pilar Ortiz. Nang mamatay ang kanyang ama, lumipat sila sa tirahan ng kanyang ina sa San Jose, Nueva Ecija.

Mula sa kanyang pagkabata ay nagsimula na ang kanyang pagkahilig sa sining nang mag-aral siya at maging isa sa pinakamahusay pagdating sa pagtula sa kanilang lugar. Mula rito ay naisipan niyang bumuo ng isang organisasyon na aarte at magtatanghal sa kanilang komunidad.

Nang kumuha siya ng Batsyiler ng Sining sa Pantitikang Inggles sa Pamantasan ng Pilipinas, naging aktibo pa rin siya sa pag-arte ng sumali siya sa Pangkat Dramatiko ng UP. Ngunit nahirapan siyang makakuha ng mga gaganapin dahil na rin sa kanyang pagsasalita at sa punto at sa kanyang kaliitan. Kaya naman para manatili pa rin sa samahang ito, nagpaubaya na siya at pinili na lamang na asikasuhin ang pag-aayos sa pagtatanghalan at pati na rin ang pag-iilaw. Pagkatapos nito, naging misyonaryo siya sa Mormon sa loob ng dalawang taon at namalagi sa Hawaii.

Larangan ng sining

baguhin

Mga pelikula

baguhin

Ang pinakaunang pelikula na ginawa niya ay ang Wanted: Perfect Mother, ang ipinanlaban ng Lea Productions sa Paligsahan ng mga Pelikula ng Maynila.[2] Ang pelikulang ito ay naging matagumpay, sa takilya at maging sa nilalaman. Nasundan ito agad ng Santiago (1970), na nagbigay kay Hilda Koronel ng kanyang unang pagkilala bilang isang aktres, at Tubog sa Ginto (1970), na naglayo kay Eddie Garcia sa mga kontrabidang karakter nang gumanap siya rito bilang isang bakla. Sa mga sumunod na dalawang taon, si Brocka ay naging direktor ng iba pang pelikula para sa Lea: Stardoom (1971); Lumuha Pati mga Anghel (1971); Cadena de Amor (1971); Now (1971); Villa Miranda (1972); at Cherry Blossoms (1972).

Noong 1974, nagtayo siya ng sarili niyang kompanya, ang Cinemanila, na kahati ang kanyang mga kaibigan. Siya ang prodyuser at direktor ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974) at Tatlo, Dalawa, Isa (1974). Hindi naging malakas ang pagpoprodyus kaya naisipan niyang ipagpatuloy na lamang ang pagiging direktor para sa ibang kompanya ng pelikula, kabilang na ang Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag (1975), Inay (1977), Hayop sa Hayop (1978), Init (1978), Rubia Servios (1978), Ina, Kapatid, Anak (1979), Kontrobersiyal (1981), Hello, Young Lovers (1981), Caught in the Act (1981), PX (1982), at Cain at Abel (1982).

Taong 1977 nang siya ay maanyayahan na ipakita ang kanyang pelikulang Insiang sa Directors' Fortnight sa Paligsahan ng mga Pelikula ng Cannes sa Pransiya. Nasundan ito ng Jaguar sa 1980 Cannes, at ng Bona, muli sa 1981 Directors' Fortnight. Ang pelikula naman niyang Angela Markado ay inilaban at nagwagi bilang Best Picture sa ginanap na Paligsahan ng mga Pelikula sa Nantes. Noong 1984 nang ipakita ang Bayan Ko: Kapit sa Patalim sa Paligsahan ng mga Pelikula ng Cannes, at nanalo bilang Pinakamahusay na Pelikula ng British Film Institute. Ang isa pa niyang pelikula, Orapronobis (1989), na nagtalakay ng pang-aabuso ng militar matapos ang Rebolusyong EDSA ng 1986. Ginawa niya rin ang How are the Kids?, isang malawakang pelikula kasama ang isang Pranses na direktor, Jean-Luc Godard, at iba pa. Naging isa rin siya sa mga hurado sa Paligsahan ng mga Pelikula ng Bagong Delhi at sa Paligsahan ng mga Pelikula ng Cannes noong 1986. Bukod dito, napili rin siya bilang isa sa sampung pinakamahusay na direktor ng dekada 80's sa 1986 Paligsahan ng mga Pelikula ng Toronto.

Mga pagtatanghal

baguhin

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, sumali siya sa Kapisanan ng Tanghalang Pang-edukasyon ng Pilipinas (PETA). Dito ay gumanap siya sa ilang mga pagtatanghal ng organisasyon, nagsulat, naging kanang kamay ng direktor, at bandang huli ay naging direktor na rin. Kabilang sa kanyang mga naidirek na pagtatanghal ay Tatlo (1973); Mga Ama, Mga Anak (1977); Larawan (1969 at 1979); at Pusa sa Yerong Bubong (1980). Gumanap din siyang bida sa pagtatanghal na idinirek ni Orlando Nadres, and Hanggang Dito na Lamang at Maraming Salamat (1975). Noong 1974, naging ehekutibong direktor siya ng PETA.

Sa telebisyon

baguhin

Isinulat niya at idinerek ang ilang mga bahagi ng Balintataw na pinangunahan ng malalaking artista. Nagkaroon din siya ng iba pang mga palabas sa telebisyon tulad ng Lino Brocka Presents; Hilda, Tanghalan; Maalaala Mo Kaya?; at Biktima ng Ligaw na Sandali.

Malayang Pagsasalita

baguhin

Ang kanyang pagtuligsa laban sa pagpapatigil sa malayang pagpapahayag ng kanilang ideya ang nagtulak sa kanya na dalhin pa hanggang sa lansangan at sumali sa panibagong samahan, ang Free the Artist Movement, na nang kalaunan ay mas nakilala bilang Mga Nag-aalalang Artista ng Pilipinas (CAP). Bilang kritiko ng administrasyong Marcos, walang takot niyang ipinarinig ang kanyang boses at saloobin. Noong 1985, naaresto siya kasama ang kapwa direktor na si Behn Cervantes dahil sumali sila sa pag-aaklas na ginawa ng mga tsuper ng dyipni. Nang italaga naman siya ng dating Pangulong Corazon Aquino bilang kasapi ng 1986 Kumbensiyong Konstitusyonal, mas pinili niyang iwanan ito at sumama sa protesta laban sa naging pasiya ng Kumbensiyon patungkol sa isyu ng reporma sa lupa.

Mga pagkilala

baguhin
 
Cultural profile ni Lino Brocka mula sa Ayos ng mga Pambansang Alagad ng Sining

Nasama si Brocka sa Bulwagan ng Katanyagan ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1990 matapos siyang mabigyan ng Gumapang Ka sa Lusak ng panlimang gawad bilang pinakamahusay na direktor. Nagkamit siya ng apat pang karangalan para sa Tubog sa Ginto; Tinimbang Ka Ngunit Kulang; Maynila, Sa mga Kuko ng Liwanag (1975); at Jaguar (1979). Ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) ay binigyan siya ng karangalan mula sa Gawad Urian bilang pinakamahusay na direktor para sa Jaguar. Nagkaroon siya ng dalawa pang karangalan bilang pinakamahusay na direktor mula sa Akademiya ng Pelikula ng Pilipinas (FAP) para sa Bayan Ko: Kapit sa Patalim at Gumapang Ka sa Lusak. Ang Katolikong Gawad para sa Mediang Pangmadla (CMMA) ay napili rin siya bilang pinakamahusay na direktor para sa pelikula niyang Miguelito, Ang Batang Rebelde (1985). Ang Pangkat ng Pamamahayag sa Pelikulang Pilipino (PMPC) ay ipinarangal sa kanya ang 1990 Director of the Year Star Award para sa Gumapang Ka sa Lusak. Nanalo rin siya ng dalawang pinakamahusay na direktor na karangalan sa taunang Paligsahan ng mga Pelikula ng Kalakhang Maynila (MMFF) para sa Ina Ka ng Anak Mo (1979) at Ano ang Kulay ng Mukha ng Diyos? (1985).

Tumanggap rin si Brocka ng 1985 Gawad Ramon Magsaysay para sa Pamamahayag, Panitikan, at Sining sa Malikhaing Komunikasyon[3]; 1989 Gawad CCP para sa Sining Pampelikula; at 1990 Gawad Pang-alaala kay Lamberto Avellana.

Ilang taon mula ng kanyang pagpanaw sa isang aksidente noong 21 Mayo 1991 sa Lungsod Quezon, binigyan siya ng 1992 Gawad na Pambuung Buhay ng Tagumpay ng FAP. Bukod pa rito ang postumong pagkilala sa kanya bilang isang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Hernando, Mario A., Lino Brocka: the Artist and His Times, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1993
  2. Tiongson, Nicanor G., CCP Encyclopedia of Philippine Art, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994
  3. "Pagpuri ng Gawad Ramon Magsaysay para sa Pamamahayag, Panitikan, at Sining sa Malikhaing Komunikasyon para kay Lino Brocka". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-04-24. Nakuha noong 2008-04-15.

Mga panlabas na kawing

baguhin

Note Kasinungalingan lahat ng ito