Optika

sangay ng liknayan na nakatuon sa pag-aaral ng liwanag
(Idinirekta mula sa Optics)

Ang Sugaan o Optika ay ang sangay ng liknayan na kinasasangkutan ng ugali o gawi at mga katangiang pagaari ng liwanag, kasama na ang mga interaksiyon nito sa materya at sa konstruksiyon ng mga instrumentong optikal na gumagamit o nakakapansin (nakakadetekta sa pamamagitan ng potodetektor).[1] Karaniwang nilalarawan ng optiks ang kaasalan ng nakikitang liwanag, liwanag na ultrabiyoleta, at liwanag na inprared. Dahil ang liwanag ay isang along elektromagnetiko, ang ibang mga anyo ng radyasyong elektromagnetikong katulad ng mga eksrey, mga mikro-alon (microwave sa Ingles), at mga along-radyo ay nagpapakita ng katulad na mga katangian.[1]

Bilang isang agham, ipinapaliwanag ng optiks ang kung paano ang interaksiyon ng liwanag sa kapaligirang nakapaligid sa tao. Ipinapaliwanag nito ang paano umiiral ang bahag-hari, kung paano tumatalbog ang liwanag mula sa mga salaminan, o kung paano ito dumaraan sa proseso ng repraksiyon kapag tumatagos o lumalagos sa salamin (katulad ng basong babasagin) o sa tubig, at kung ano ang naghahati sa liwanag na kumikislap at dumaraan sa isang prismo. Bilang karagdagan sa napagmamasdang liwanag sa pamantayang "ispektrum" na pula, dilaw, lunti, bughaw, at lila, tumutuon din ang optiks sa hindi nakikitang mga bahagi ng buong ispektrum na elektromagnetiko kung saan ang napagmamasdang liwanag ay isa lamang maliit na bahagi.

Kapwa isang agham at isang larangan sa inhinyeriya ang optiks. Ginamit na ito upang gumawa o lumikha ng maraming gamiting mga bagay, kasama ang mga salaming pangmata, mga kamera, mga teleskopyo, at mga miksipat. Karamihan sa mga bagay na ito ang nakabatay sa mga lente, na nagpopokus o nagtutuon ng liwanag at makakagawa ng mga imahen ng mga bagay na mas malalaki o mas maliliit kaysa sa orihinal.

Bagaman isang matandang agham na ang sugaan, may bago pang mga bagay na natutuklasan mula rito. Natuto ang mga siyentipiko kung paano nakapaglalakbay ang liwanag habang dumaraan sa isang manipis na pibrang optikal o hiblang optikong yari sa salamin o plastik. Malayo ang distansiyang nararating ng liwanag habang nasa loob ng isang pibra o hiblang optiko. Ginagamit ang mga pibrang ito sa pagdadala at pagtanggap ng mga tawag sa telepono at sa Internet sa pagitan ng mga lungsod.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 McGraw-Hill Encyclopedia of Science and Technology (ika-ika-5 (na) edisyon). McGraw-Hill. 1993.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

  Ang lathalaing ito na tungkol sa Pisika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.