Tungkol sa Internet ang artikulong ito, ang malawak na computer network na maaaring gamitin ng publiko sa buong mundo. Mas pangkalahatang kataga ang isang internet para sa anumang magkakasamang magkakabit na mga computer network na pinagkabit sa pamamagitan ng internetworking.

Ang Internet (o internet) ay tumutukoy sa pandaigdig na systema ng magkakaugnay na mga computer network na gumagamit ng Internet Protocol (IP) para makipagpalitan ng datos sa pagitan ng mga network at mga device. Isa itong network ng mga network na binubuo ng mga pampribado, pampubliko, akademiko, pangnegosyo, at pampamahalaang mga network na sumasaklaw kapuwa sa lokal at pandaigdig, at pinagdurugtong ng maraming iba't ibang electroniko, wireless, at optikal na mga teknolohiyang pang-networking. Malawak ang saklaw ng impormasyon at mga serbisyong matatagpuan sa Internet, tulad ng makakarugtong na mga dokumentong hypertext at mga aplikasyon ng World Wide Web (WWW), elektronikong liham, telepono, at pagbabahagi ng mga file.

Nagsimula ang Internet sa mga pagsasaliksik na nagpasimula ng time-sharing ng mga computer, pagkakalikha ng packet switching noong dekada ng 1960, at ang disenyo ng mga computer network para sa data communication.[1][2] Nagsimula ang mga tuntunin para magkaroon ng internetworking sa Internet (communication protocols) sa pananaliksik at paglinang na kinomisyon ng Defense Advanced Research Projects Agency (DARPA) ng Department of Defense ng Estados Unidos noong 1970s sa tulong ng mga unibersidad at mananaliksik sa buong Estados Unidos at pati na sa United Kingdom at France.

Binago, pinagbuti, o pinalitan pa nga ng Internet ang karamihan sa mga tradisyunal na communication media, kasama na ang telepono, radyo, telebisyon, papel na liham, at mga diyaryo. Bunga nito, lumaganap ang mga bagong serbisyo gaya ng elektronikong liham, telepono sa Internet (VoIP), telebisyon sa Internet o streaming, mga musikang online, diyaryong digital, at video streaming. Sumunod sa mga teknolohiyang pang-website ang mga diyaryo, aklat, at iba pang nakalimbag na mga publikasyon, at ang iba ay nabago tungo sa pagiging blog, web feeds, at tagapagtipon ng mga balita online. Dahil sa Internet, naging posible at napabilis ang mga bagong anyo ng personal na interaksyon sa pamamagitan ng instant messaging, mga forum sa Internet, at mga social networking service. Naging mayabog din para sa malalaking retailer, maliliit na komersiyo, at mga negosyante ang online shopping dahil pinalalawak nito ang kanilang presensya para sa mas malaking merkado at makapagbili ng buong mga produkto at serbisyo nang online. Apektado ng mga serbisyong negosyo-sa-negosyo at pinansyal sa Internet ang mga kawing ng suplay sa maraming industriya.

Walang sentralisadong pamahalaan ang Internet, kapuwa sa pagsasagawang teknolohikal at maging mga tuntunin sa paggamit; ang bawat isang kasaping network ang nagtatakda ng sarili nitong mga tuntunin.[3] May kinalaman sa depinisyon ng dalawang pangunahing talapangalanan (namespace) sa Internet, ang talaan ng Internet Protocol address (IP address) at ang Domain Name System (DNS), itinatakda ito ng isang nangangalagang organisasyon, ang Internet Corporation for Assigned Names and Numbers (ICANN). Gawain naman ng Internet Engineering Task Force (IETF) ang pagtukoy sa teknikal na pundasyon at estandardisasyon ng mga pangunahing protocol. Ang IETF ay isang organisasyong non-profit ng mga bahagyang magkakaugnay na mga kasapi mula sa iba't ibang bansa na maaaring salihan nino man sa pamamagitan ng pag-aambag ng kanilang kasanayang teknikal.[4]

Pagbuo ng Internet

baguhin

Noong 1969, nagsimula bilang ARPANET ang mga sentral na network na binubuo ng Internet. Binuo ito ng United States Department of Defense Advanced Research Projects Agency (ARPA). Kabilang sa mga naunang pagsasaliksik na inambag sa ARPANET ang gawa sa mga di-sentralisadong network, teoriya ng pagpila, at packet switching. Noong 1 Enero 1983, pinalitan ang sentral na networking protocol ng ARPANET mula sa NCP patungong TCP/IP, na siyang naging simula ng Internet sa pagkilala natin sa ngayon.

Noong 1986, isa sa naging mahalagang hakbang sa pagsulong nito ang paggawa ng National Science Foundation (NSF) ng isang pamantasang backbone, ang NSFNet. Kabilang ang Usenet at Bitnet sa mga mahahalagang magkakaibang network na matagumpay na nabigyan ng lugar sa loob ng Internet.

Sa loob ng dekada 1990, matagumpay na nabigyan ng lugar ng Internet ang karamihan sa mga nakaraang umiiral na computer network (nanatiling hiwalay ang ilan sa mga network katulad ng Fidonent). Kadalasang iniuugnay ang paglagong ito sa kakulangan ng sentral na pangangasiwa, na pinahintulot ang pundamental na paglago ng network, gayun din ang paggiging di-proprietary ng mga Internet protocol, na pinapalakas ang loob ng mga nagtitinda (vendor) sa paggamit ng ibang sistema at iniiwasan ang isang kompanya na gamitan ang kapangyarihan na kontrolin.

Ang Internet sa ngayon

baguhin

Bukod sa hindi mapaniwalaan at masalimuot na pisikal na koneksiyon na binubuo ng imprastraktura nito, binibigkis ang Internet ng mga bilateral o multilateral na kontratang pangkalakalan (commercial) (halimbawa peering agreement) at mga teknikal na detalye o protocol na sinasalarawan kung paaano magpalitan ng mga datos sa ibabaw ng network.

Hindi tulad ng mga lumang sistema ng komunikasyon, sinadyang binalangkas ang Internet protocol suite para maging agnostiko na may pagkakilala sa suportang pisikal na tagapamagitan. Maaaring magdala ng trapiko sa Internet ang kahit anong pangkomunikasyon na network, nakakawad man o hindi, na maaaring magdala ng digital na datos sa dalawang direksiyon. Sa gayon, dumadaloy ang mga Internet packet sa mga nakakawad na network katulad ng tansong kawad, magkasuyong kable (coaxial cable), at fiber optic; at sa mga walang kawad na network katulad ng Wi-Fi. Ito ang binubuo ng Internet kapag sama-sama ang lahat ng mga network na ito na binabahagi ang parehong mataas na antas na mga protocol.

Nagmula ang mga Internet protocol mula sa mga usapin sa loob ng Internet Engineering Task Force (IETF) at kanilang mga gumagawang pangkat, na bukas sa paglahok ng publiko at repaso. Nililikha ng mga kumiteng ito ang mga dokumento na kilala bilang mga dokumento ng Request for Comments (RFCs). Naiakyat ang katayuan ng ibang RFCs bilang Pamantayang Internet ng Internet Architecture Board (IAB).

Ilan sa mga higit na ginagamit na mga protocol sa Internet protocol suite ang IP, TCP, UDP, DNS, PPP, SLIP, ICMP, POP3, IMAP, SMTP, HTTP, HTTPS, SSH, Telnet, FTP, LDAP, at SSL.

Ilan sa mga tanyag na serbisyo sa Internet na binubuo ng mga protocol na ito ang e-mail, Usenet newsgroups, pagbabahagi ng mga file, the World Wide Web, Gopher, session access, WAIS, finger, IRC, MUD, at MUSH. Sa mga nabanggit na ito, malinaw na ang e-mail at ang World Wide Web ang higit na ginagamit, at marami na ibang mga serbisyo ang ginawa sa ibabaw nito, katulad ng mga mailing list at weblog. Ginawang posible ng Internet ang magbigay ng serbisyong real-time katulad ng radyong web at mga webcast na maaaring pasukin saan man sa daigdig.

Hindi nilikha sa ganitong paraan ang ilan sa mga ibang tanyag na serbisyo sa Internet, ngunit nakasalig sa sistemang proprietary sa simula. Kabilang dito ang IRC, ICQ, AIM, at Gnutella.

Maraming naganap na mga pagsusuri sa Internet at sa kanyang kayarian. Halimbawa, natukoy na mga halimbawa ng scale-free network ang kayarian ng Internet IP routing at mga hypertext link ng World Wide Web.

Katulad ng kung papaano kumakabit ang mga pangkalakalan (commercial) na mga tagapagbigay ng Internet sa pamamagitan ng mga Internet exchange point[kailangang linawin], kumakabit patungo sa mga malalaking subnetwork ang mga pangsaliksik na network katulad ng:

Binuo naman ito sa palibot ng halos tila mas maliit na mga network. Tignan din ang listahan ng mga pang-akademyang organisasayon ng kompyuter network.

Kultura ng Internet

baguhin

Mayroong malalalim na makabuluhang epekto ang Internet sa kaalaman at mga pananaw ng mundo. Sa pamamagitan ng paggamit ng keyword sa pananaliksik sa Internet, gamit ang mga search engine, katulad ng Google, milyon-milyon sa buong mundo ang may madali, sandaling pagpasok sa isang malawak na halaga at magkakaibang mga online na impormasyon. Kompara sa mga ensiklopedya at tradisyunal na mga aklatan, kinakatawan ng Internet ang isang biglaan at sukdulang desentralisasyon ng impormasyon at datos.

Ingles ang higit na ginagamit na wika para sa pakikipagusap sa Internet, dahil sa pinagmulan ng Internet, sa paglago ng ginagampanan ng Ingles bilang internasyonal na wika, at ang mahinang kakayahan ng sinaunang mga kompyuter na tanggapin ang mga karakter liban sa kanlurang alpabeto.

Lumago nang sapat ang Internet sa mga nakaraang taon, na makukuha sa karamihan sa mga sumulong na bansa ang sapat na nilalamang katutubong-wika para sa isang kapaki-pakinabang na karanasan.

Sa Internet, maaaring makipag-usap ang mga tao na may pambihirang kawilihan o kundisyon at makipagtulungan sa pamamagitan ng hindi mabilang na mga pamamaraan, nang walang sagabal sa layo.

Mga kasalukuyan at potensiyal na suliranin

baguhin

Maraming mga negatibong publisidad ang Internet, kasama ang kapakinabangan nito, mula sa tunay na mga pag-alala hanggang sa ma-tabloid na pagkakalat ng takot.

Pagpasok sa Internet

baguhin

Kabilang ang dial-up, landline broadband (sa ibabaw ng magkasuyong kable, fiber optic o tansong kawad) at satellite sa karaniwang pamamaraan sa pagpasok sa Internet sa loob ng bahay o opisina.

Sa mga pampublikong lugar, kabilang ang mga aklatan at kapihang Internet sa mga lugar na ginagamit upang pumasok sa Internet, kung saan may mga kompyuter na may koneksiyon sa Internet. Maaari din pasukin ang Internet sa mga ibang pampublikong lugar katulad sa bulwagan ng paliparan, minsan ang paggamit nito ng sandali habang nakatayô. Maraming mga kataga ang ginagamit katulad ng "public Internet kiosk", "public access terminal, "Web payphone".

Binibigay naman ng Wi-Fi ang walang kawad na pagpasok sa Internet. Kabilang sa mga hotspot na nagbibigay ng ganoong pagpasok ang mga kapihang Wi-Fi, kung saan kailangan magdala ng isang gumagamit ng sarili niyang kagamitan na walang kawad katulad ng laptop o PDA. Maaari na walang bayad ang mga serbisyong ito, libre sa mga mamimili lamang, o may bayad. Hindi limitado ang isang hotspot sa isang lokasyon lamang. Maaari na nasa buong kampus o parke ito, kahit na sa mga kasuluk-sulukan ng lungsod.

Bukod sa Wi-Fi, mayroon mga pagsubok ang naganap sa proprietary na mga walang kawad na mobile network, at nakatakdang walang kawad na serbisyo. Hindi masyadong malaganap ang serbisyong ito dahil sa mataas na halaga ng pangangalap nito, na pinapasa bilang kabayaran sa mataas na paggamit ng mga gumagamit.

Kabilang ang Timog Korea, Sweden, Finland, Canada at ang Estados Unidos sa mga bansa kung saan isang produkto ang pagpasok sa Internet na ginagamit ng nakakarami sa populasyon. Lumalago nang mabilis ang paggamit ng Internet sa buong daigdig ng nakaraang dekada, bagaman tila bumagal ang paglago noong pagkatapos ng 2000. Natatapos na ang bahagi ng mabilis na paglago ng mga industriyalisadong bansa, habang nagiging malaganap ang paggamit doon, ngunit patuloy ang paglaganap sa Aprika, Latinoamerika, ang Carribean at sa Gitnang Silangan.

Isang paraan upang maging tulay sa tinatawag nilang digital divide ang pagpapalawak ng pagpasok sa Internet.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "A Flaw in the Design". 30 Mayo 2015. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Nobyembre 2020. Nakuha noong 20 Pebrero 2020. The Internet was born of a big idea: Messages could be chopped into chunks, sent through a network in a series of transmissions, then reassembled by destination computers quickly and efficiently. Historians credit seminal insights to Welsh scientist Donald W. Davies and American engineer Paul Baran. ... The most important institutional force ... was the Pentagon's Advanced Research Projects Agency (ARPA) ... as ARPA began work on a groundbreaking computer network, the agency recruited scientists affiliated with the nation's top universities.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Yates, David M. (1997). Turing's Legacy: A History of Computing at the National Physical Laboratory 1945-1995. National Museum of Science and Industry. pp. 132–4. ISBN 978-0-901805-94-2. Davies's invention of packet switching and design of computer communication networks… were a cornerstone of the development which led to the Internet.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Who owns the Internet?". HowStuffWorks (sa wikang Ingles). 2008-03-03. Nakuha noong 2024-11-07.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Hoffman, Paul E.; Harris, Susan R. (2006-09). "The Tao of IETF - A Novice's Guide to the Internet Engineering Task Force". {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong); Check date values in: |date= (tulong)

Mga kawing panlabas

baguhin