Padron:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/2
Ang Imperyong Romano ang tawag sa imperyalistang paghahari ng mga Romano sa malaking bahagi ng Europa, Asya at Hilagang Aprika, na may autokratikong porma ng pamahalaan. Sumunod ang Panahon ng Imperyong Romano sa 500-taong Republika Romana (510 BC – siglo 1 BC) na pinahina ng alitan sa pagitan ng mga heneral katulad ni Gaius Marius at Sulla, at ng digmaang sibil ni Julio Cesar (Julius Caesar) laban kay Pompey. Maraming petsa ang iminungkahi kung kailan ito naging imperyo mula sa republika. Kasama rito ang pagtatakda kay Julio Cesar bilang habang-buhay diktador o Diktador Perpetuidad (44 BC), ang pagwawagi ni Octavio (na tagapagmana ni Caesar), sa Labanan sa Actium (ika-2 ng Setyembre 31 BC), at paggagawad ng Senadong Romano kay Octavio ng kagalang-galang na pangalang Augusto (ika-16 ng Enero 27 BC).
Ang katagang Imperium Romanum (Imperyong Romano) ang pinakilalang katagang Latin kung saan ang salitang imperium ay nangangahulugan ng isang teritoryo sa isang bahagi ng mundo na nasa ilalim ng pamamahalang Romano. Mula sa panahon ni Augusto hanggang sa Pagbagsak ng Kanlurang Imperyo, naghari ang Roma sa mga sumusunod: sa Inglatera at Galia (Francia ngayon); sa halos buong Europa (kanluran ng Ilog Rhine at timog ng Alps); sa pasigan ng hilagang Aprika, kasama ang katabing lalawigan ng Ehipto, sa mga lugar ng mga Balkans, sa Dagat Itim, sa Asya Menor at halos buo ng Levante. Sa makatuwid, nasakop ng Imperium Romanum mula kanluran pasilangan sa makabagong panahong ang Portugal, Espanya, Inglatera at Francia, Italya, Albania, at Gresya (Greece), ang mga Balkanos, Turquia, at mga bahagi ng silangan at timog Alemania; patimog na sakop nito ang bahagi ng Gitnang Silangan: ang kasalukyang Siria, Libano, Israel, Jordan at marami pa; gayundin sa patimog-kanluran nakasama rito ang buong matandang Ehipto, at pakanluran nasakop ang pasiging rehiyon ng kasalukuyang Libya, Tunisia, Algeria at Morocco, hanggang sa mga lontitud sa kanluran ng Gibraltar. Romano ang tawag ng mga taong namumuhay sa mga lugar na ito at napapailalim sa batas Romano. Bago pa man naging monarka ito, matagal nang lumalawak ang nasasakupan ng Roma at nasa tugatog ito sa ilalim ni Emperador Trajano sa pananakop nito ng Dacia (i.e., ng kasalukuyang Romania at Moldova) gayundin ang ilang bahagi ng Hungary, Bulgaria at Ukraine noong AD 106, at ng Mesopotamia noong 116 (na sinundan ng pagbabalik ni Adriano). Sa tugatog nito, kontrolado ng Imperyong Romano ang may 5,900,000 km² (2,300,000 milya kwadrado) ng lupa at nakapaloob na Laot ng Mediterreneo na kung tawagin ng mga Romano na "mare nostrum"—Latin ng “aming dagat”. Patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang impluwensiyang Romano sa kultura, batas, teknolohiya, wika, relihiyon, gobyerno, militar at arkitektura ng mga sibilisasyong lumitaw sa matandang nuno nito.