Padron:UnangPahinaArtikulo/Panitikang pambata
Ang panitikang pambata ay isang akdang pampanitikan na ang mga pangunahing tagapagtangkilik ay mga bata, bagaman marami ring mga aklat na nasusulat sa ganitong anyo na kinawiwilihan din naman ng ibang mga kabataang mas nakatatanda at mga taong nasa wastong gulang na. Sa makabagong panahon, ang isang halimbawa nito ay ang mga sunud-sunod na aklat tungkol kay Harry Potter ni J. K. Rowling. Naging pangunahing layunin ng mga panitikang isinulat para sa mga bata ang pukawin ang isipan at antigin ang mga damdamin ng mga bata sa pamamagitan ng mga paksang nagtuturo ng mga bagay-bagay hinggil sa pananampalataya, araling-pangwika, pakikipagsapalaran ng mga bayaning mula sa mga kuwentong-bayan, alamat, mitolohiya. Karaniwang nagtataglay ang mga aklat-pambata ng mga larawan at guhit-larawan. Nang lumaon, pagkalipas ng maraming taon, naging paksa rin ang mga araling makatotohanan o batay sa totoong buhay, katulad ng mga akdang pang-kasaysayan, heograpiya, buhay sa paaralan, kabayanihan, at katatawanan. Nasusulat ang mga panitikang pambata sa pamamaraang tuwiran at maging sa patula.