Padron:Unang Pahina/Artikulo/Thalía
Si Ariadna Thalía Sodi Miranda, higit na kilala bilang Thalía lamang, ay isang mang-aawit at aktres mula sa Mehiko. Isa siya sa mga kilalang aktres sa telebisyon, at nakapagbenta ng tinatayang 25 milyong rekord sa buong mundo. Binansagan bilang "Reyna ng Latinong Pop", tinturing siyang isa sa pinakamatagumpay at pinakamaimpluwensyang artistang Mehikano. Maliban sa katutubong wikang Kastila, umawit din si Thalía sa Ingles, Pranses, Portuges, at Tagalog. Nakatanggap siya ng maraming mga parangal, kabilang ang limang Parangal ng Musikong Latino ng Billboard, walong Parangal ng Lo Nuestro, at gayon din ang pitong nominasyon sa Parangal sa Latinong Grammy at ang natatangi nilang "Meritong Parangal ng Pangulo" noong 2019. Mayroon siyang kolaborasyon sa iba't ibang artistang pangmusika, tulad nina Tony Bennett, Michael Bublé, Robbie Williams, Marc Anthony, Laura Pausini, Romeo Santos, Maluma, Fat Joe, at Carlos Vives. Bilang isang aktres, bumida si Thalía sa iba't ibang matagumpay na mga telenobela na umere sa 180 bansa na may tinatayang 2 bilyong manonood sang-ayon sa UNICEF, na nagdulot sa pagbabansag sa kanya bilang "Reyna ng mga Telenobela" ng mga mamamahayag. Nakatulong ang pandaigdigang epekto ng kanyang telenobela na pasikatin ang kanyang musika sa mga teritoryo hindi nagsasalita ng Kastila at mga merkado sa Europa at Asya. Pinangalanan siya ng Televisa, isang kompanyang midya sa Mehiko, bilang ang telenobelang artistang may pinakamataas na suweldo sa kasaysayan, habang pinangalanan siya ng Billboard bilang ang pinakakilalang bituin ng soap na nagsasalita ng Kastila sa buong mundo. Tinuturing bilang isang ikono ng Latinong pop, tinawag si Thalía ng magasin na Ocean Drive bilang "ang pinakamalaking bituin sa Mehiko na nailuwas sa mga huling dekada". Napasama siya sa Pinakamagaling na mga Latinong Artista sa Lahat ng Oras ng Billboard noong 2008. Noong Disyembre 5, 2013, pinarangal siya ng isang bituin sa Hollywood Walk of Fame bilang isang pagkilala sa kanyang mga natamo sa industriya ng musika. Bilang isang negosyante, natamo niya ang tagumpay sa isang tatak pangmoda (dahil mayroon siyang kontrata sa Macy's), gayon din mayroon din siyang sariling palatuntunan sa radyo sa kanyang bansa at naging may-akda ng apat na aklat, kabilang ang isang talaarawan. Sa kanyang karera, napabilang si Thalía sa mga makataong dahilan at isa siyang Embhador ng Mehiko ng UNICEF simula pa noong 2016.