Ehersisyong pangkatawan

(Idinirekta mula sa Pag-eehersisyo ng katawan)

Ang ehersisyo, kaugnay ng pagpapaunlad ng kalusugan, ay ang alinmang gawaing pangkatawan na planado, may kayarian, at inuulit-ulit upang makamit ang layunin ng pagkukundisyon ng anumang bahagi ng katawan. Kinakasangkapan ang ehersisyo upang mapainam ang kalusugan, mapanatili ang kaangkupang pangkatawan, at mahalaga rin bilang paraan ng rehabilitasyon ng katawan, pati na sa rehabilitasyon ng puso.[1] Tinatawag na ehersisyong pangkatawan ang ehersisyo kapag isa o mga gawain itong ginagamit ang mga masel sa samu't saring mga kaparaanan upang maging nananatiling angkop o malusog ang mga ito.[2]

Isang uri ng ehersisyong pangkatawan ang paglundag-lundag na may ginagamit na lubid na pangtalon.

Mga uri

baguhin

Ehersisyong pangkundisyon

baguhin

Nakakatulong ang mga regular o panayang pagsasagawa ng mga ehersisyong pangkundisyon sa sapat na pagpapagana ng mga masel, upang hindi maging luyloy, malambot, malata, lawlaw, at mahina ang mga ito, na nakapagsasanhi ng hindi nito pagkayang isagawa ang mga dapat nilang gawin. Nakakatulong din ang ganitong mga ehersisyo upang hindi madaling mapagod, hindi manghina, at hindi kinakapos ng hininga ang isang tao, partikular na kapag naglalaro at naghahanapbuhay.[3] Sa katunayan, isang proseso ng pagsasanay ang pagkukundisyon upang maging angkop ang pangangatawan ng isang tao, na ginagamitan hindi lamang ng ehersisyo, kundi pati na ng tamang diyeta at pahinga. Dahil sa pagkukundisyon, nagkakaroon ng katayuan o kalagayan ng angkop at malusog na katawan ang tao.[4]

Ehersisyong sakop ng galaw

baguhin

Tinatawag na mga ehersisyong sakop ng galaw (range of motion exercise sa Ingles) ang mga ehersisyo o gawain pangkatawan na may layuning painamin ang pagkilos ng isang partikular na hugpungan o dugtungan ng mga buto ng katawan.[1]

Ehersisyong nagpapalakas

baguhin
 
Nakakatulong ang pag-eehersisyo sa pagkakaroon ng tamang timbang, ng mainam na hubog ng katawan, at pagpapahalaga sa sarili ng isang tao. Resulta ng pag-eehersisyo ang wangis ng katawan ng lalaking mambubunong nasa larawang ito.

Nakadaragdag sa lakas at masa o laki ng mga masel ang mga ehersisyong nagpapalakas. Nakapagpapatibay din ito ng mga buto ng katawan at nakapagdaragdag din sa metabolismo ng katawan. Nakakatulong ito sa pagkakaroon at pagpapanatili ng tamang timbang, pati na sa pagpapainam ng hubog o wangis ng katawan at sa pagpapahalaga sa sarili ng isang tao. Nakadaragdag sa lakas ng mga masel ang ganitong mga ehersisyo sa pamamagitan ng paglalagay ng mas maraming pagpilit o pagbabanat sa mga masel, na mahigit kaysa sa pangkaraniwang nakasanayan at natatanggap ng mga masel. Pinasisigla ng dagdag na gawain o dalahin para sa masel ang paglaki ng mga protinang nasa loob ng bawat isang selula ng masel na nakapagpapahintulot sa buong masel na lumiit, umurong, o mahila.[1]

May tatlong anyo ang ehersisyong pampalakas. Kabilang dito ang ehersisyong isometriko, ang ehersisyong isotoniko, at ang ehersisyong isokinetiko.[1]

Mga pakinabang

baguhin

May pakinabang ang mga ehersisyong pangkatawan. Kabilang sa mga benepisyong ibinibigay nito ang pagkakaroon ng mga sumusunod:

  • Mainam na tindig o tikas at anyo ng katawan ng tao.
  • Mainam na lakas, katatagan, at pagsasalimbayan ng galaw o koordinasyon ng kilos ng katawan at mga bahagi nito.
  • Karagdagang lakas o enerhiyang magagamit para sa mga gawaing pangkatawan at pangkaisipan.
  • Mas malintug o nababaluktot na mga masel at mga hugpungan ng mga buto o kasu-kasuan.[3]

Gawaing pangsanay ng katawan

baguhin
 
Ang pangunahing pook na panggawaing pangsanay sa loob ng isang klab na pangkalusugan.
 
Mga taong nagsasakatuparan ng gawaing pangsanay na kinasasangkutan ng pagsuntok at pagsipa.

Ang gawaing pangsanay ng katawan o gawaing pampagsasanay na pangkatawan (Ingles: workout) ay ang tawag para sa pagsasanay o pagpapraktis ng tao[5] sa pamamagitan ng mga nakakapagod na mga sesyon ng pagsasanay, sesyong pang-ehersisyo, sesyon ng pag-eehersisyo, o nakalaang oras para sa pag-eehersisyo ng katawan. Isa itong paglalaan ng panahon upang magsagawa ng mga kakayanang pangkatawan o pisikal bilang paraan ng pagpapanatili ng kaangkupan at kalusugan ng katawan. Maaari rin itong isang pagsasanay, bilang trabaho[5] ng mga atleta o mga manlalaro ng isports, para o bago sumapit ang isang laro o palaro at mga paligsahang atletiko. Sa madaling sabi, isa rin itong mahirap gawing praktikal na pagsusulit ng kakayahan at pagganap ng isang tao, maaari rin ng isang hayop at aparatong sinusubok.[6]

Mga araw ng pagsasanay

baguhin

Mayroong bilang ng araw na inilalaan ang isang taong nag-eehersisyo para sa mga gawaing pangsanay ng katawan. Iminumungkahi ng Bodybuilding.com na kapag nais ng isang indibidwal na magsanay ng tatlong araw, dapat na tatlong araw itong isinasagawa. Kung mahigit sa limang araw ang nais, dapat itong isagawa ng 5 o mas mababa lamang.[7]

Layunin ng palatuntunang pampagsasanay

baguhin

May iba't ibang layuning natatamo kapag nagsasagawa ng iba't ibang uri ng mga gawaing pangsanay ng katawan. Halimbawa nito ang pagsasanay na nakabubuo ng mga masel, isang gawain ng pagsasanay na nakakatulong sa paglulunsad ng lakas.[7]

Mga uri ng palatuntunang pampagsasanay

baguhin

May dalawang uri ng rutina ng gawaing pangsanay ng katawan: ang rutinaryong hinati-hati para sa partikular na bahagi ng katawan (kilala sa Ingles bilang split bodypart routine), at ang rutinaryo para sa buong katawan (kilala bilang full body routine sa Ingles). Ang rutinaryong pinaghati-hati o pinaghiwa-hiwalay para sa partikular na bahagi ng katawan ang pinakapangkaraniwang uri ng programa ng pagsasanay ng katawan, kung kailan sinasanay ang iba't ibang mga bahagi ng katawan sa loob ng magkakahiwalay at magkakaibang mga araw. Para naman sa rutinaryong pambuong katawan, isinasanay ang kabuuan ng katawan sa bawat araw ng pagsasanay.[7]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Exercise, medical-dictionary.thefreedictionary.com
  2. Physical exercise, thefreedictionary.com
  3. 3.0 3.1 "Conditioning exercises". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 226-229.
  4. Conditioning, merriam-webster.com
  5. 5.0 5.1 Gaboy, Luciano L. Workout - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  6. Workout, bing.com
  7. 7.0 7.1 7.2 Bodybuilding.com Workout Database Naka-arkibo 2016-11-29 sa Wayback Machine., kalipunan ng mga gawaing pangsanay ng katawan ng bodybuilding.com