Sa lingguwistika, ang panlapi ay isang morpema na ikinakabit sa isang salitang-ugat upang makabuo ng isang bagong salita o anyo ng salita. Sa balarilang Tagalog, bumababatay ang sistema ng pandiwa sa paggamit ng mga panlapi.[1] Nalalaman din sa pamamagitan ng panlapi sa Tagalog ang ginagampanang tuon ng isang pangungusap.[1] Gumagamit ng iba't ibang mga panlapi sa pandiwa sa iba't ibang ginagampanan nito. [2]

Maaring ilagay panlapi sa una (unlapi), gitna (gitlapi) o huli (hulapi) ng isang salita. Sa wikang Ingles, halos walang totoong gitlapi at matataguan lamang ito sa iilang kolokyal na pananalita at terminolohiyang teknikal. Karaniwan matatagpuan ang gitlapi sa ibang mga wika tulad ng mga wikang Amerikanong Indiyano, Griyego at Tagalog.[3]

Sa Wikang Filipino at Tagalog

Uri ng Panlapi

Ang mga sumusunod ang mga uri ng panlapi na ginagamit sa wikang Filipino (at Tagalog):

Unlapi

Ito ay mga panlapi na ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat.

Unlapi + Salitang-Ugat = Salita
um- + asa = umasa
mag- + aral = mag-aral
mang- + isda = mangisda
ma- + ligo = maligo

Gitlapi

Ito ang mga panlaping isinisingit sa pagitan ng unang katinig at kasunod nitong patinig. Sa madaling salita, ito ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Nagagamit laamng ang gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.

Gitlapi + Salitang-Ugat = Salita
-um- + basa = bumasa
-in- + sulat = sinulat
-um- + punta = pumunta
-in- + biro = biniro

Hulapi

Ito ay mga panlaping matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Hulapi = Salita
basa + -hin = basahin
gupit + -an = gupitan
sulat + -in = sulatin
una + -han = unahan

Kabilaan

Kabilaan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan at hulihan ng salitang-ugat.

Unlapi + Salitang-Ugat + Hulapi = Salita
ka- + laya + -an = kalayaan
mag- + mahal + -an = magmahalan
pala- + baybay + -an = palabaybayin
tala- + araw + -an = talaarawan

Laguhan

Laguhan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan, gitna at hulihan ng salitang-ugat.

Unlapi + Gitlapi + Salitang-Ugat + Hulapi = Salita
pag- -um- + sikap + -an = pagsumikapan
mag- -in- + dugo + -an = magdinuguan

Pansinin na ang letrang o ay nagiging u kapag hinuhunlapian. Pansinin din kung saan inilalagay ang mga gitling ayon sa uri ng panlaping tinutukoy.

Paraan ng Paglalapi

Ito ay tumutukoy sa paglalagay ng o ng mga panlapi sa salitang-ugat.

Pag-uunlapi

Paglalagay ng panlapi sa unahan ng salitang-ugat.

Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
sing- + bango = simbango
magsing- + puti = magkasimputi
pang- + linis = panlinis
labing- + siyam = labinsiyam
nakapaka- + sariwa = napakasariwa
um- + alis = umalis
taga- + lungsod = tagalungsod

Pansinin ang mga panlaping nagtatapos sa /ng/. Ang ng ay nagiging m kung ang kasunod na tunog ay /p/ at /b/, nagiging n naman kung ang kasunod na tunog ay /d/, /l/, /r/, /s/ at /t/, at nananatiling ng kung ang mga tunog ay wala sa nabanggit.

Paggigitlapi

Paglalagay ng panlapi sa gitna ng salitang-ugat.

Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
-in- + sariwa = sinariwa
-in- + bagoong = binagoong
-um- + takbo = tumakbo
-um- + ligaya = lumigaya

Paghuhulapi

Paglalagay ng panlapi sa hulihan o katapusan ng salitang-ugat

Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
-in + sariwa = sariwain
-an + ails = alisan
-hin + takbo = takbohin

Pag-uunlapi at Paghuhulapi

Ang panlapi ay ikinakabit sa unahan at hulihan ng salitang-ugat.

Mga Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
ka- -an + lagay = kalagayan
pa- -hin + sigla = pasiglahin
ma- -an + tanim = mataniman

Pag-uunlapi at Paggigitlapi

Ang panlapi ay ikinakabit sa unahan at sa gitna ng salitang-ugat.

Mga Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
mag- -um- + sikap = magsumikap
i- -in- + kuha = ikinuha

Paggigitlapi at Paghuhunlapi

Ikinakabit ang panlapi sa gitna at sa hulihan ng salitang-ugat.

Mga Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
-in- -an + tabas = tinabasan
-in- -an + walis = winalisan

Pag-uunlapi, Paggigitlapi at Paghuhulapi

Ang mga panlapi ay ikinakabit sa unahan, gitna at hulihan ng salitang-ugat.

Mga Panlapi + Salitang-Ugat = Salita
pag- -um- -an + sikap = pagsumikapan
ipag- -um- -an + walis = ipagsumigawan
mag- -in- -an + dugo = magdinuguan

Panlapi sa Hiram na Salita

Sa karaniwang pag-uusap sa Tagalog o Filipino, nalalagyan din ng mga panlapi ang hiram na salita partikular sa wikang Ingles. Isang halimbawa nito ang salitang "nagda-download," ang kasalukuyang pag-download ng file. Sa kasong ito, napapantaling buo ang hiram na salita ngunit may pagkakataon na hindi buo lalo na kung gitlapi tulad ng salitang "finix," o katatapos pa lamang na pagsasayos ng isang bagay. Sa salitang iyon, hindi naging buo ang salitang-ugat na fix.

Mga Sanggunian

Mga Sipi

  1. 1.0 1.1 "Verbalfocuspage". www.seasite.niu.edu (sa wikang Ingles). Northern Illinois University, Interactive learning resources for Southeast Asian languages, literatures and cultures. Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-03-30. Nakuha noong 2019-03-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Grammar - The Verb: Aspect and Focus- Focus" (sa wikang Ingles). University of Hawai'i, UHM Filipino & Philippine Literature Program. 2017. Nakuha noong 2019-03-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Affix - GRAMMAR" (sa wikang Ingles). Encyclopedia Britannica. Nakuha noong 2019-03-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga Pinagkukunan

  • Pinagyamang Pluma 9, by Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. del Rosario, Nestor S. Lontoc ISBN 978-971-06-3652-5, pp. 349-351