Sa pananahi at gawaing pang-modista, ang parisan (sa Ingles: pattern) ay isang padron o template kung saan ang bahagi ng kasuutan ay binabakas sa tela bago putulin at pagkabit-kabitin. Kadalasang yari sa papel o mas matibay na karton ang mga parisan.

Pagputol ng mga parisan sa isang klase ng pananahi.

Sa pagtatapos ng paggawa ng payak o basikong padron, na tinatawag na mga pattern block (halimbawa: sleeve block, front bodice block, atbp.), ito ay nilalagyan ng ilang mahahalagang impormasyon ukol sa uri at espesipikasyon nito upang mas madali itong unawain ng mga mananahi, lalung-lalo na sa mga kompanyang may kinalaman sa maramihang produksiyon ng mga damit. Sa maramihang produksiyon ng damit, ang tawag sa bawat parisan ay sloper (halimbawa: sleeve sloper, bodice sloper, atbp.)

Mga nilalaman ng padron

baguhin

Mga dapat na nilalaman ng parisan:

  1. Gitnang Harapan / Gitnang Likuran (Center Front / Center Back) – Sa paggawa ng parisan, isang kabila lamang ng katawan ang ginagawaan ng parisan, dahil na rin sa parehas o halos parehas lang naman ang katawan kapag hinati ito sa gitna. Ang tawag sa linyang ito na naghahati ay Center Front (CF) o gitnang harapan kung sa harapan at Center Back (CB) o gitnang likuran naman kapag sa likuran. Para sa mga bodice blocks, ang CF at CB ay mula sa isang punto sa gitna ng leeg hanggang sa gitna nang baywang. Para naman sa mga skirt blocks (na siya ring pinagbabasehan sa paggawa ng pantalon at shorts o korto), ito ay mula sa gitna ng baywang hanggan sa nais na haba ng palda. Ang CF at CB ay mga tuwid na linya, kaya nga't kadalasan doon na rin ibinabase ang grainline.
  2. Grainline – ang grainline ay ang guhit na sumusunod sa direksyun ng mga sinulid (yarn) sa tela. Ito ay maaaring patayo (lengthwise grain) na sumusunod sa mga patayong sinulid (warp yarns) o pahiga (crosswise grain) na sumusunod sa mga pahigang sinulid (weft / filling yarns).
  3. Dami ng Piraso (Cut Number) – ito ang tumutukoy kung ilang piraso ng isang parisan ang kailangan upang makumpleto ang isang disenyo ng damit. Halimbawa, sa sleeve sloper, karaniwang nakalagay ang Cut 2 na ang ibig sabihin ay dalawang piraso ang kailangan putulin na piraso ng parisan sa tela upang mabuo ang isang damit.
  4. Laki (Size) – tumutukoy sa laki ng parisan o laki ng tao na kakasya sa parisan kapag yari na ito sa isang damit. Ito ay nakabase sa isang standard measurement chart o talangguhit ng pamantayang sukat. Ang sukat na kadalasang ginagamit upang malaman kung ano ang laki ng isang parisan, o upang malaman kung gaano kalaking parisan ang gagawin, ay ang sukat ng dibdib (bust) at baywang (waist). Halimbawa, sa isang Size 6 na parisan para sa damit pambababe, ang dibdib ay may sukat na 33 pulgada at ang baywang naman ay 24 [[pulgada]. Ang mga sukat ay depende sa measurement chart na ginamit (maaaring iyong pamantayan sa Estados Unidos, sa Europa, o sa Asya).
  5. Pangalan ng Parisan (Name of Pattern Part) – tinutukoy nito kung anong parte ng damit ang parisan na ginawa, halimbawa sleeve, o bodice, at kung ito ba ay harapan o likuran. Halimbawa, Front Sleeve, Back Bodice, atbp.
  6. Uri ng Istilo (Style Number / Code Number) – ang uri ng istilo ay kadalasang ginagamit sa mga maramihang produksiyon, kung saan iba’t-ibang istilo ng damit ang ginagawa. Para sa mga isahang damit o mga simpleng parisan lang, ang kadalasang inilalagay ay Basic o Stylized lamang. Halimbawa, Basic Front Bodice, Stylized Front Skirt, atbp.
  7. Mga Gatla (Notches) – ang mga gatla ay mga marka na siyang nagtatanda kung saan magtatagpo ang mga parte ng parisan kapag nailapat na ang mga ito sa tela at tatahiin na. Karaniwang hitsura ng mga ito ay mga letrang T na nakakabit sa alinmang linya ng pagtatahian (seam line).
  8. Mga Marka at Simbolo – Mayroong mga iba't-ibang marka na ginagamit sa pagpaparisan. Ang simbolo ng cut-on-fold ay inilalagay sa isang gilid ng parisan na inilalapat sa tupi ng tela. Karaniwan itong inilalagay sa CF at CB na siyang naghahati sa damit. Dahil nga kalahati lamang ng damit ang mga parisan, inilalagay ang cut-on-fold upang malaman na isang buo ang kalalabasan pagkaputol ng tela. Ang ilan pang marka na inilalagay ay ang mga markang tumutukoy sa mga pleat, tuck o gather. Ang mga ito ay kadalasang mga putol-putol na linya. Ang ginagamit naman sa pagmamarka ng butones at pagkakabitan ng bulsa at siper ay kadalasang mga balagbag na linya.

Iba't-ibang mga nilalaman ng parisan ang ginagamit ng iba't-ibang mga kompanya at gumagawa ng parisan. Maging ang mga marka at simbolong ginagamit ay maaaring may pagkakaiba.

Lapat na paggawa ng parisan

baguhin

Ang lapat na paggawa ng parisan ay isang proseso ng paggawa at pagmamanipula ng parisan na isinasagawa habang ang parisan ay nakalapat sa mesa o ano mang patag na ibabaw, at mayroong sukat na sinusundan bilang gabay.

Ang lapat na paggawa ng parisan o flat patternmaking ay maaaring isagawa gamit ang tatlong proseso: (1) Dart Manipulation; (2) Added Fullness; at (3) Contouring.

  1. Pagmamanipula ng mga Dart (Dart Manipulation) – sa pagpaparisan ng mga disenyo, laging sinisimulan ito sa paggamit ng mga pangunahing parisan, at mula roon ay babaguhin ito ayon sa disenyo. Ang lahat ng mga pangunahing parisan ay may mga dart. Ang dart ay isang patatsulok na nakatahing tupi sa damit na nagsisimula kadalasan sa isang linya ng pagtatahian. Ginagawa ng dart na maging mas sakto o mas lapat sa katawan ang damit kapag yari na ito. Sa proseso ng pagmamanipula ng mga dart sa lapat na pagpaparisan, ang mga dart sa pangunahing parisan ay maaring iikot upang maiba ang kinalalagyan, hatiin, at pagsamahin upang mapunan ang kailangang hitsura at lapat sa katawan ng isang disenyo. Halimbawa, ang isang waist dart ay maaaring mailipat sa gilid o side seam at gawing French Dart. May dalawang uri kung paano namamanipula ang mga dart:
    1. Pagpapaikot (Pivot Method) – sa paraang ito, itatamtak ang bust point o apeks gamit ang isang aspile para masiguradong hindi ito gagalaw. And apeks ay ang siyang kadalasang dulo ng mga dart. Pagkatapos, mamarkahan sa papel na pinapatungan ng parisan ang lugar kung saan nais ilipat ang binti ng dart na iyon. Matapos magmarka, iiikot ang parisan na hindi ginagalaw ang apeks. Isasakto ang marka na nais paglagyan ng bagong dart sa kabilang binti naman ng dart na inikot. Pagkatapos, imarka na lamang kung saan bumagsak ang unang binti dart. Pagkabitin ang dalawang binti ng dart sa pamamagitan ng paguugnay sa kanila sa apeks. Pagkatapos, ibakas na ang panibagong hitsura ng parisan.
    2. Paghiwa at Pagkalat (Slash and Spread Method) – sa paraang ito, kailangan lamang markahan ang lugar na nais paglagyan ng bagong dart. Mula sa marka, gumawa ng tuwid na linya na nakakunekta sa apeks. Gupitin ang linyang ito hanggang 1/8 pulgada mula sa apeks o mas maliit pa. Isara ang dart na nais mawala. Habang isinasara ang dart, bubuka ang ginupit na linya, at mabubuo ang panibagong dart.
  2. Pagdadagdag ng laki o luwag (Added Fullness) – Sa prosesong ito, ang mga dart ay pinapakawalan. Sa pagtatahi ng damit, ang mga dart ay isinasara ngunit sa paraang ito, binabalewala ang mga dart kaya lumalaki ang damit at nagkakaroon ito ng flare o dagdag na luwag.
  3. Contouring – sa prosesong ito, higit na pinahahalagahan ang kapit o lapat ng damit sa magsusuot nito. Maaari itong lagyan nang maraming darts at mga istilo ng linyang tahian (style lines), at maaari ring bawasan ang orihinal na sukat, para masiguradong maganda ang kapit nito sa katawan. Ang mga halimbawa ng damit na ginagamitan ng contouring ay ang mga tailored suits na ginagamit sa mga pormal na okasyon.

Mga sanggunian

baguhin