Pikachu
Si Pikachu (Hapones: ピカチュウ) ay isa sa mga piksiyonal na nilalang ng Pokémon mula sa prangkisa ng Pokémon—isang koleksiyon ng mga video games, anime, manga, aklat, trading cards at iba pa na ginawa ni Satoshi Tajiri. Tulad ng lahat ng mga Pokémon, si Pikachu ay nakikipaglaban sa ibang mga Pokémon sa mga laban na sentral na tema ng mga anime, manga at video games ng Pokémon. Si Pikachu ang pinakakilalang Pokémon marahil dahil sa pagiging bida nito sa anime ng Pokémon. Si Pikachu ang pinakapopular na Pokémon, ang opisyal na mascot ng prangkisa ng Pokémon, at ang naging simbulo ng kulturang Hapon sa mga nakalipas na taon.
Sa piksiyonal na mundo ng Pokémon, madalas makita si Pikachu sa mga bahay, gubat, kapatagan, at kung minsan ay sa mga bundok, isla, at mga pinagmumulan ng kuryente (tulad ng mga power plant). Bilang isang “Electric-type” na Pokémon, nakapag-iimbak ito ng kuryente sa kanyang mga pisngi at inilalabas ito sa mga atakeng base sa kidlat.
Konsepto at paglikha
baguhinUnang lumabas si Pikachu noong 1996; kasama ito sa 151 na unang mga Pokémon noong inilabas ng Game Freak ang pinaka-unang laro ng Pokémon para sa Japanese Game Boy. Ang nagdisenyo at nagguhit kay Pikachu ay si Ken Sugimori, kaibigan ng lumikha sa Pokémon na si Satoshi Tajiri. Hindi man ito ang unang nilikhang Pokémon, ito naman ang unang “Electric-type” na Pokémon na nilikha, na dinisenyo nila mula sa konsepto ng kuryente at kidlat. Ang pangalan nito ay portmanteau ng mga salitang Hapon na pikapika (elektrikal na pagputok) at chū (tunog ng daga).
Ayon kay Junichi Masuda, direktor ng Pokémon Diamond at Pokémon Pearl, isa sa pinakamahirap na gawan ng pangalan si Pikachu, dahil nais nilang maging kaaya-aya ito sa mga Hapones at mga Amerikano. Noong una si Pikachu at ang Pokémon na si Clefairy ang mga napiling mascot ng prangkisa ng Pokémon; si Clefairy ang “primary mascot” upang maging mas kaaya-aya ang mga unang serye ng komiks. Ngunit nang lumaon ay naging si Pikachu na lamang ang kaisa-isang mascot ng Pokémon upang maenganyo ang mga babae, at dahil na rin sa paniniwalang si Pikachu ay nagpapakita ng imahe ng isang alagang hayop para sa mga bata. Isa rin ang kanyang kulay sa mga dahilan ng pagiging mascot nito, dahil isang pangunahing kulay ang dilaw at madaling makita sa kalayuan, at dahil na rin ang tanging kakompetensiya nitong mascot na kulay dilaw (noong panahong iyon) ay si Winnie-the-Pooh.
Disenyo at mga katangian
baguhinAng Pikachu ay isang maliit na Pokémon na parang daga na may maliliit at dilaw na mga balahibo at mga kulay tsokolateng marka sa kanyang likod at bahagi ng kanyang buntot. May mga patusok itong tainga na itim sa dulo at dalawang pulang bilog sa mga pisngi nito na naglalaman ng mga “electrical sacs”. Parang kidlat ang hugis ng kanyang buntot. Simula sa Pokémon Diamond at Pokémon Pearl, ang mga babaeng Pikachu ay hugis-puso ang dulo ng kanilang mga buntot.
Mahilig ang mga Pikachu sa mga berries na iniihaw nila gamit ang kuryente bago kainin. Ginagamit din nila ang kuryente upang palambutin ang mga nahulog na mga berries at mansanas. Sinasabing nag-iimbak ang Pikachu ng kuryente sa kanyang mga pisngi, at nakakapaglalabas (discharge) ito ng iba-ibang uri ng kuryente. Nagkakaroon ito ng sakit na parang trangkaso kapag hindi ito makapaglabas ng kuryente (halimbawa ay kung may malakas na magnetic field). Nagkukumpul-kumpol ang mga Pikachu sa mga lugar na maraming mga bagyong may kidlat (thunderstorms). Kapag nasa panganib, maaaring maglabas ng napakalakas na elektrisidad ang isang grupo ng Pikachu na maaaring magresulta sa maiikling mga thunderstorms. Gumagamit din sila ng kuryente upang mapalakas muli ang isang nanghihinang Pikachu.
Ang Pikachu ay nag-eevolve upang maging Raichu sa pamamagitan ng isang ThunderStone. Sa larong Pokémon Yellow, pag ginamitan ng ThunderStone si Pikachu ay iiyak ito at tatangging mag-evolve. Simula sa ikalawang henerasyon ng Pokémon, nagkaroon ng “anak” si Pikachu na si Pichu, na mag-eevolve sa Pikachu kapag naging masaya ito sa kanyang trainer.
Mga paglabas
baguhinSa mga video games
baguhinSa mga video games, mababa ang level ng mga nakikitang Pikachu, at nakikita ito nang natural sa lahat ng mga laro nang hindi nakikipag-trade. Sa Pokémon Yellow ay si Pikachu lamang ang maaaring panimulang Pokémon. Base sa Pikachu ng Pokémon anime, tumatanggi itong manatili sa kanyang Poké Ball at sinusundan ang karakter ng manlalaro sa screen ng laro. Maaaring kausapin ng trainer si Pikachu at iba-iba ang nagiging reaksiyon nito depende sa sitwasyon. Isang pangyayari (event) para sa mga larong Pokémon HeartGold at Pokémon SoulSilver noong Abril 1 hanggang 5 Mayo 2010 ay ang pagkakaroon ng isang route sa Pokéwalker kung saan Pikachu lamang ang makikita at alam nito ang dalawang atakeng hindi matutunan ng isang normal na Pikachu: ang Surf at ang Fly. Magagamit ang dalawang atakeng ito sa labas ng laban habang naglalakbay.
Maliban sa main series ng Pokémon, si Pikachu ay ang bida sa larong Hey You, Pikachu! para sa Nintendo 64. Nakikipag-usap ang manlalaro kay Pikachu sa pamamagitan ng mikropono upang utusan ito na maglaro ng mga mini-games at umarte ng mga sitwasyon. Kahalintulad din nito ang larong Pokémon Channel sa pakikipag-usap kay Pikachu ngunit wala ang mikropono. Makikita rin si Pikachu sa halos lahat ng lebel ng Pokémon Snap kung saan kumukuha ng litrato ang manlalaro para sa puntos. Isa si Pikachu sa 16 na panimulang Pokémon at sampung kasama sa serye ng Pokémon Mystery Dungeon. Bida rin si Pikachy sa PokéPark Wii: Pikachu’s Adventure. Nakikita rin si Pikachu bilang isang karakter sa Super Smash Bros., Super Smash Bros. Melee, at Super Smash Bros. Brawl.
Sa anime
baguhinAng serye ng Pokémon anime ay nagtatampok sa mga paglalakbay ni Ash Ketchum at ang kanyang Pikachu tungo sa iba-ibang mga rehiyon ng mundo ng Pokémon. Sinasamahan sila ng mga kaibigan tulad nina Misty, Brock, May, Max, Tracey, at Dawn.
Sa unang episode ng Pokémon, nakuha ni Ash Ketchum si Pikachu mula kay Professor Oak bilang panimulang Pokémon. Bawat bagong trainer ay binibigyan ng panimulang Pokémon; sa rehiyon ni Ash na Kanto kadalasan ito ay si Charmander, Squirtle o Bulbasaur ngunit dahil nakatulog si Ash si Pikachu ang nakuha niya. Noong una ay hindi sumusunod si Pikachu sa mga utos ni Ash; kinukuryente nito si Ash at ayaw nitong pumasok sa kanyang Poké Ball. Ngunit inilagay ni Ash sa panganib ang kanyang sarili upang maipagtanggol si Pikachu sa isang grupo ng mga ligaw na Spearow, at saka niya dinala ito sa isang Pokémon Center. Sa pamamagitan ng mga ito na nagpapakita ng respeto at pagiging tapat niya sa Pokémon, naging magkaibigan sina Ash at Pikachu (subalit ayaw pa rin nitong pumasok sa kanyang Poké Ball). Ipinakita rin ni Pikachu ang pagiging napakalakas nito na kakaiba sa ibang Pokémon (kasama na ang ibang Pikachu). Ito ang dahilan kung bakit hinahabol ito ng Team Rocket upang paboran ng kanilang nakatataas na si Giovanni.
Nakita rin ang ibang Pikachu sa serye ng anime na kadalasa’y nakikihalubilo kay Ash at ang kanyang Pikachu. Ang pinakakilala ay ang Pikachu ni Ritchie na nagngangalang Sparky. Tulad ng ibang Pokémon, nakikipag-usap lamang si Pikachu gamit ang mga pantig ng kanyang pangalan. Sa lahat ng bersiyon ng anime, ang nagboboses sa kanya ay si Ikue Ōtani. Sa Pokémon Live!, isang musical na base sa anime, ang nagboboses kay Pikachu ay si Jennifer Risser.
Sa ibang medya ng Pokémon
baguhinIsa sa mga tampok na Pokémon ng serye ng manga si Pikachu. Sa Pokémon Adventures, ang mga bidang karakter na sina Red at Yellow ay parehong may Pikachu, na nakagawa ng itlog na ang lumabas ay Pichu nang si Gold ang may hawak. Ang mga ilang serye ng manga, tulad ng Magical Pokémon Journey at Getto Da Ze, ay itinatampok si Pikachu samantalang ang iba tulad ng Electric Tale of Pikachu at Ash & Pikachu ay nagtatampok ng pinakakilalang Pikachu ni Ash Ketchum sa serye ng anime.
Lumabas na rin ang mga card na kinokolekta simula nang ilabas ang Pokémon Trading Card Game noong Oktubre 1996, kasama na ang mga limited edition na card. Ginamit na rin ito sa promosyon ng mga fast-food chain tulad ng McDonald’s, Wendy’s, at Burger King.
Sa popular na kultura
baguhinDahil si Pikachu ang “mukha” ng prangkisa ng Pokémon, marami na siyang paglabas sa kulturang popular. Noong 1998, pinangalanan ng alkalde ng Topeka, Kansas na si Joan Wagnon ang bayan bilang “Topikachu” sa isang araw bilang promosyon sa prangkisa. Isang patalastas na “got milk?” ay itinampok si Pikachu noong 25 Abril 2000. May lobong hugis-Pikachu na isinasama sa Macy’s Thanksgiving Day Parade simula noong 2001. Ang paglabas nito noong 22 Mayo 2006 sa “morning rush hour” ay parte ng pagsubok ng tamang paghawak ng lobo sa parada. Ang orihinal na lobo ay ipinalipad sa publiko sa huling pagkakataon noong 8 Agosto 2006 sa Pokémon Tenth Anniversary “Party of the Year” sa Bryant Park sa New York City, at lumabas din dito ang isang bagong lobo ng Pikachu na humahabol sa isang Poké Ball at may umiilaw na mga pisngi. Napili ang lobong ito bilang pangalawang pinakamagandang lobo ng parada ng 2007 sa isang online survey ng iVillage. Si Pikachu ang inilista ng Nintendo Power na ika-9 na paboritong bida dahil kahit ito ang isa sa mga unang Pokémon, popular pa rin ito hanggang ngayon.
Sa unang episode ng ika-11 serye ng Top Gear, ikinumpara ng presentor na si Richard Hammond ang imahe ni Tata Nano sa imahe ni Pikachu na nagsabing “they've saved money on the styling 'cause they've just based it on this.” Sa ikatlong bahagi ng Heroes, si Hiro Nakamura ay pinalayawan ng “Pikachu” ni Daphne Millbrook na ikinagalit nito. Tinawag siya muli ng pangalang ito ni Tracy Strauss na humingi ng tawad bago siya suntukin sa mukha. Isang spoof ni Pikachu na tinatawag na Ling-Ling ay isang pangunahing tauhan sa palabas ng Comedy Central na "Drawn Together". Isang litrato ni Pikachu ang itinampok sa eroplanong ANA Boeing 747-400.
Ilang beses na ring lumabas si Pikachu sa The Simpsons. Sa episode na “Bart vs. Lisa vs. the Third Grade” noong 2002, si Bart Simpson ay may guniguni habang kumukuha ng pagsusulit at nakikita ang kanyang mga kaklase bilang iba-ibang mga karakter, at isa rito si Pikachu. Lumabas bilang isang Pikachu si Maggie Simpson sa umpisa ng episode na “'Tis the Fifth Season” (2003) na inulit sa episode na “Fraudcast News” (2004). Sa episode na “Postcards from the Wedge” (2010), naistorbo si Bart sa paggawa ng takdang-aralin dahil sa panonood ng isang episode ng Pokémon. Matapos makitang nakikipag-usap si Ash Ketchum sa kanyang Pikachu, natuwa siya nang sabihing nananatiling sariwa pa rin ang palabas sa paglipas ng panahon.
Si Pikachu ay ang ikalawang pinakamagandang tao ng taon (second best person of the year) ng Time noong 1999, na tinawag itong “the most beloved animated character since Hello Kitty”. Ayon sa magasin, si Pikachu ay ang “public face of a phenomenon that has spread from Nintendo's fastest selling video game to a trading-card empire”, dahil na rin sa malaking kita ng prangkisa ng Pokémon noong taong iyon; talo lamang ni Ricky Martin ngunit nadaig pa si J. K. Rowling. Ika-8 si Pikachu sa isang sarbey ng Animax noong 2000 ng mga paboritong karakter ng anime. Noong 2002, ika-15 ang Pikachu ni Ash sa 50 pinakakahanga-hangang karakter ng anime ng TV Guide. Itinampok ito ng GameSpot sa artikulo nitong “All Time Greatest Game Hero”. Noong 2003 inilista ng Forbes si Pikachu bilang ika-8 piksiyonal na karakter na kumita nang pinakamalaki na may kitang $825 milyon. Nang sumunod na taon ay naging ika-10 na lamang siya na kumita muli ng $825 milyon. Sa isang sarbey ng Oricon noong 2008 ay ika-4 na pinakapopular na karakter ng video game sa Japan si Pikachu (katapat ni Solid Snake). Ikinunsidera si Pikachu na pantapat ng mga Hapones kay Mickey Mouse at bahagi ng kilusang “cute capitalism”. Ika-8 si Pikachu sa “Top 25 Anime Characters of All Time” ng IGN. Ayon sa mga manunulat na sina Tracey West at Katherine Noll, si Pikachu ang pinakamahusay na “Electric-type” na Pokémon at pinakamahusay na Pokémon sa pangkalahatan. Idinagdag pa nila na pag nagtanung-tanong ang isang tao ng mga manlalaro ng Pokémon kung sino ang paborito nilang Pokémon, kadalasan ang pipiliin nila ay si Pikachu. Tinawag din nila si Pikachu na “brave and loyal”.
Isang bagong tuklas na protina (na natuklasan ng Osaka Bioscience Institute Foundation) na pinaniniwalaang nagbibigay ng malinaw na paningin ay pinangalanang “pikachurin” dahil sa bilis ni Pikachu. Ayon sa kanila, ito ay dahil sa "lightning-fast moves and shocking electric effects" ni Pikachu.