Ina ng Peñafrancia

(Idinirekta mula sa Pista ng Peñafrancia)

Ang Ina ng Peñafrancia o Birhen ng Peñafrancia (Ingles: Our Lady of Peñafrancia, Virgin of Peñafrancia[1]; Kastila: Virgen de la Peña, Nuestra Señora de Peñafrancia, Nuestra Señora de la Peña de Francia, Virgen de la Peña de Francia, literal na "Ang Ating Ina ng mga Pighati ng Francia [o Frankia]) ay isang pamagat para sa Birheng Maria at kinakatawan ng isang po-on o estatwang kahoy ng Birheng Maria na matatagpuan sa Lungsod ng Naga, Pilipinas. Ang estatwang ito ng Birheng Maria ay kinopya mula sa isang nasa Peña de Francia sa Salamanca, Espanya. Libu-libong mga manlalakbay (mga peregrino), mga deboto, at mga turista ang nagpupunta sa Lungsod ng Naga tuwing Setyembre para sa isang kapistahan, na tinatawag bilang Pista ng Peñafrancia, na nagtatagal nang siyam na mga araw, bilang pagpaparangal sa Ina ng Peñafrancia, ang patrona (tagapag-adya) ng Bikol.

Ang imahe ng Peñafrancia

Ang imahen ng Birheng Maria na tinaguring Mahal na Birhen ng Peñafrancia o Ina ng Peñafrancia ay siyang pintakasi ng buong Kabikolan. Ito ang naging tanggulan at sandigan ng mga Bikolano sa loob ng 300 taon. Nagsimula ang pamimintuho sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa bansang Espanya na kung saan ang orihinal na imahen ng nasabing Birhen ay nakita ng isang lalaking nagngangalang Simon Vela sa kabundukan ng Peña de Francia sa pagitan ng Caceres at Salamanca. Ang larawan nito ayon sa imaheng Bicolano ay nakatayong imahen ng Birhen na walang kamay at tanging ulo lamang ng Birhen at ng Sanggol ang nakikita. Ito ay may sukat na nasa dalawa o dalawa't kalahating talampakan. Ang buong katawan ng imahen ay nababalutan ng bakal kung kaya't tanging ulo lamang ng Birhen at ng Sanggol ang nakikita. Ang dahilan nito ayon sa ibang mga haka haka ay para maiwasan ang pagkasira ng Birhen at dahil ang Birhen ay isang uri ng imahen na tinatawag na de-talyadang imahen. Ito ay kopya ng imahen na nasa Espanya. Sinasabi daw na ang Birhen ng Peñafrancia ay nasa ilalim ng adbokasiya ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo.

Kapistahan

baguhin

Ang Pista ng Peñafrancia ay isang kapistahan ang idinaraos tuwing Setyembre 17 sa Lungsod ng Naga, Camarines Sur sa rehiyon ng Bicol sa Pilipinas. Isang prusisyon sa ilog ng mapagmilagrong imahen ng Birhen ng Peñafrancia ang dinarayo sa pagdiriwang na ito. Isinasagawa ang prusisyong ito sa Ilog ng Naga at kalalakihan lamang ang lumalahok. Magandang nilagyan ng palamuti ang trono ng Birhen na nasa isang kasko.

Kasaysayan

baguhin

Pagdating sa Pilipinas

baguhin

Umusbong ang pamimintuho ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa Pilipinas noong 1700 nang dumating ang pamilyang Covarrubias buhat sa San Martin de Castanar sa Espanya at sila'y nanirahan sa Cavite. Isa sa kanilang mga anak, na si Padre Miguel de Covarrubias, na isang mag-aaral sa Pamantasan ng Santo Tomas ay nagkasakit ng malubha. Malaki ang pamimintuho ni Padre Covarrubias sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Mayroon siyang larawan ng Mahal na Birhen na nakita ni Simon Vela, na kung saan inilalagay niya ang nasabing larawan sa anumang bahagi ng katawan at umaasang mapapagaling siya sa tulong ng Mahal na Birhen.

Ang pangako

baguhin

Nang si Padre Covarrubias ay nagkasakit ng malubha, ipinangako niya sa Mahal na Birhen at sa kanyang sarili na kung siya ay gagaling sa kanyang karamdaman, magtatayo siya ng isang kapilya na nakalaan sa Birhen ng Peñafrancia sa tabi ng Ilog Pasig. Gayon nga ang nangyari. Subalit si Padre Covarrubias ay nadestino sa Nueva Caceres na ngayon ay Lungsod ng Naga ayon na rin sa paanyaya ng obispo doon, na si Andres Gonzales. Siya ay naordenahan doon bilang pari at naging Vicario-heneral ng nasabing lungsod. Sa halip na sa tabi ng Ilog Pasig itinayo ang kapilya, ito ay naitayo sa tabi ng Ilog Naga o Ilog ng Bikol alinsunod na rin sa kanyang binitiwang pangako.

Ang Ina ng Cimmarones

baguhin

Ang Cimmarones (mga Cimmaron), ay mga katutubong Bikolano na naninirahan sa ibaba ng kabundukan ng Isarog, ay nauna nang nabinyagan ng mga misyonerong Prankiskano noong kanilang unang pagdating sa Kabikolan. Nang mapunta siya sa Caceres, pinuntahan niya ang mga ito at sinabing magsama na sa isang komunidad. Subalit ang mga binyagang Cimmarones ay walang maitayong kapilya o simbahan. Humiling sila kay Padre Covarrubias na magtayo ng kapilya. Napagpasyahan niya na duon magtayo ng kapilya sa karangalan ng Birhen na ito. Nagpagawa siya sa isang katutubong eskultor ng isang imahen ng Peñafrancia na siya ngayong iginagalang ng mga Bikolano na gawa sa matigas na kahoy. Ito ang naging Ina ng Cimmarones. Ang sinasabing eksaktong taon ng unang pamimintuho sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia ay noong 1710 ayon sa sulat na ipinadala ni Padre Covarrubias sa mga paring Dominiko sa Espanya.

Unang himala

baguhin

Ang naitalang himala ng Birhen ay ang muling pagkabuhay ng isang aso na pinatay upang ang dugo nito ay gawing pintura sa imahen. Itinapon ang aso sa ilog at kapagdaka'y nakita ng mga tagaroon ang aso na palutang-lutang at sa isang himala, muling binuhay ng Birhen ang aso at nakalangoy ito sa ilog patungo sa kanyang amo. Nasaksihan ito ng mga tagaroon pati na ang mga paring nanunuluyan sa bahay ng obispo. Sinabi ng ilang mananalaysay na ang aso ay nagbuwis ng buhay alang-alang sa karangalan ng Mahal na Birhen at muling ibinalik nito ang biyaya sa asong ito.

Iba pang mga naganap

baguhin

Ganap na binigyan ng parangal ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpuputong ng korona o tinatawag na Canonical Coronation ang imahen ng Birhen ng Peñafrancia noong Setyembre 19, 1924 sa Lungsod ng Naga na sinaksihan ng daang libong katao. Ito ay pinutungan ng kanyang Kabunyian, Monsenyor Guillermo Piani, ang kinatawan ng Papa o Nuncio dito sa Pilipinas.

Umaga noong Agosto 15, 1981, lapastangang ninakaw ang imahen ng mga di-kilalang salarin mula sa simbahan. Ang buong Kabikolan ay nadismaya sa nangyari kaya't gumawa sila ng malawakang paghahanap sa imahen. Nang hinahanap ang imahen, isang pulis ang napatay at isang tinyente ang sugatan matapos pagbabarilin ang kanilang sinasakyang dyip ng mga di-kilalang armadong kalalakihan sa Bolo Sur, Sipocot, Camarines Sur.

Para magkaroon ng pansamantalang imahen, nagpagawa ng kawangis ang simbahan at nagbigay ang Unang Ginang Imelda Marcos ng isa pang replika ng imahen upang magamit sa kapistahan ng taong din iyon.

Isang taon makaraan ang pagnanakaw, misteryosong naibalik ang orihinal na imahen sa tanggapan ni Msgr. Yllana, liaison officer ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Noong Setyembre 8, 1982, kaarawan ng Mahal na Birhen, nagkaroon ng isang motorcade mula Maynila hanggang Naga kasama ang orihinal na imahen na kasagsagan noon ng bagyong Ruping. Libo-libong Bikolano ang sumalubong sa mapaghimalang imahen ang lumusong sa malakas na bagyo, masalubong man lang ang pinkamamahal na imahen. Nagkaroon ng misa ng pasasalamat para sa pagdating ng imahen. Kasalukuyan itong nakadambana sa Basilica Minore sa kalye Balatas.

Ang pagdiriwang

baguhin

Ang prusisyon ng Traslacion o ang paglilipat ng imahen mula sa kanyang dambana patungo sa katedral ng Naga ay siyang simula ng nobenaryo sa kanyang karangalan. Ang prusisyon sa ilog o Fluvial Procession ay ginagawa sa bisperas ng kapistahan ng Birhen. Ang kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia ay ikatlong Linggo ng Setyembre.

Magsisimula ang kapistahan sa tinatawag na Traslacion o paglilipat ng imahen ng Birhen ng Peñafrancia at ng Divino Rostro (Banal na Mukha ni Jesus)ay dinadala ng mga kalalakihang namamanatang nakapaa mula sa basilica na dumadaan sa mga hayag na lansangan ng lungsod patungong katedral. Ang prusisyon, na kadalasang tumatagal ng apat na oras, ay nilalahukan ng libu-libong mga deboto na nagmumula pa sa iba't ibang bahagi ng Kabikolan maging sa iba't ibang bahagi ng bansa. Nagdiriwang din ang mga Pilipinong OFW ng kapistahan ng Birhen sa iba't ibang bansa sa mundo tulad sa Estados Unidos, mga bansa sa Europa, sa Australya, at kung saan-saan pa. Sa ikasiyam na araw ng nobenaryo, dito ginaganap ang Fluvial procession o ang prusisyon sa ilog. Ang Birhen ay isinasakay sa isang pagoda na sinasamahan ng mga kaparian, mga voyadores - tawag sa mga debotong umaalalay sa Birhen. Lumilibot ang pagoda pabalik sa basilica at ang mga deboto na nasa gilid ng ilog ay sumisigaw ng "Viva La Virgen!". Pagkatapos, gagawin ang Misa sa basilica.

Ang tersentenaryo

baguhin

Ipinagdiwang ng buong Kabikolan ang ika-300 taon ng pamimintuho sa Birhen ng Peñafrancia. Ang naging paksa ng pagdiriwang ay "Balaog inako, balaog itatao (Biyayang ipinagkaloob, biyayang ibabahagi). Sapagkat doon ibinigay ng Diyos ang kanyang biyaya sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng 300 taon. Ito din ang naging pagkakataon na makapagpasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap nila sa loob ng 300 taon.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Peplow, Evelyn. "Virgin of Peñafrancia," THE PHILIPPINES Tropical Paradise, Passport Books, 1991, pp. 196.