Proyektong Bojinka
Ang Planong Bojinka, Proyektong Bojinka, Operasyong Bojinka o Bojinga (Arabic: بجنكة; Ingles: Bojinka Plot, Operation Bojinka, Project Bojinka, Bojinga) ay isang planadong pangmalawakang atake ni Ramzi Yousef at Khalid Shaikh Mohammed para pasabugin ang labing-isang mga eroplano at ang kanilang tinatayang mga 4,000 mga pasahero habang lumilipad sila mula sa Asya patungong Estados Unidos. Maaaring ring tumukoy ang katawagan sa pinagsama-samang mga plano ni Yousef at Mohammed na magaganap noong Enero 1995, kabilang ang planong pagpaslang o asesinasyon kay Juan Paulo II at pabagsakin ang isang eroplano sa himpilan ng CIA sa Langley, Virginia, maging ang planong pagpapasabog ng eroplano.
Sa kabila ng maingat na pagpapalano at kakayahan ni Ramzi Yousef, naabala ang planong Bojinka makaraang pumukaw sa pansin ng pulisyang Pilipino ang isang sunog na sanhi ng mga kimikal noong Enero 6 at Enero 7, 1995. Isang tao ang napatay sa kurso ng plano - isang pasahero na nakaupo malapit sa isang bombang nitrogliserina na nasa eroplano ng Philippine Airlines Flight 434 - ngunit mayroong mga aral na tila ginamit ng mga nagplano ng mga atake ng Setyembre 11, 2001 na naganap sa Estados Unidos, partikular na ang sa World Trade Center sa Lungsod ng New York, sa Pentagon, at sa kapatagan malapit sa Shanksville sa Somerset County, Pennsylvania.
Nagmula sa Al-Qaeda ang salaping humantong sa mga kamay ng mga nagplano. Isang pandaigdigang organisasyong Muslim na jihadi ang Al Qaeda na may punong-himpilan sa Sudan. Ang lathalaing ito na tungkol sa Agham ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.