Pulot-gata

(Idinirekta mula sa Pulot gata)

Ang pulot-gata[1], pulut-gata[1], o pulotgata[2] ay isang kinaugaliang pagbabakasyon ng mga bagong-kasal upang ipagdiwang ang kanilang pag-iisang-dibdib, pagiging magkatipan, at pagmamahalan sa isang matalik na paraan, habang malayo't hiwalay sa mga kamag-anak at iba pang mga tao. Tinatawag din itong hanimun[1] at lunademiyel[1]. Nagmula sa salitang honeymoon ng wikang Ingles ang hanimun, samantalang nanggaling sa luna de miel ng wikang Kastila ang lunademiyel. Sa kasalukuyang panahon, karaniwang isinasagawa ang pulot-gata ng mga bagong-kasal sa isang lugar na kakaiba o di kaya sa isang pook na itinuturing na bukod-tangi at romantiko.[1][3]

Kasaysayan

baguhin

Sa kalinangang kanluranin, nagsimula ang kaugalian ng mga bagong-kasal na pagbabakasyon noong mga unang panahon ng ika-19 dantaon sa Gran Britanya. Nagsasagawa ng isang "paglalakbay na pang-asawang babae" ("bridal tour") iyong mga nasa mataas na antas ng lipunan, na sinasamahan kung minsan ng mga kaibigan o mag-anak, para bisitahin ang mga kamag-anak na hindi nakarating sa pagdiriwang ng kasal.[4] Pagdaka, lumaganap ang gawaing ito sa kontinente ng Europa at tinaguriang voyage à la façon anglaise (o biyahe sa estilo ng mga taga-Inglatera) sa Pransiya magmula pa noong mga dekada ng 1820.[3]

Etimolohiya

baguhin

Nagmula ang salitang pulot-gata sa pinagtambal na mga salitang pulot[1] at gata[1], bilang patambis sa pagtatalik ng lalaki at babae, na kinahantungan ng kanilang pagmamahalan at pangako ng pag-ibig sa isa't-isa sa pamamagitan ng seremonya at kontrata ng kasal.

Samantalang nagmula naman ang lunademiyel mula sa luna at miel ng wikang Kastila. Gayundin ang honeymoon ng Ingles, dahil ang kahulugan ng honey at miel ay "pulot" na gawa ng mga bubuyog; habang katumbas naman ng buwan ang moon at luna ng mga banyagang lengguwaheng ito.[5] Sapagkat may pagkakahalintulad ang mga wikang Pranses at Italyano sa Kastila, ganito rin halos ang anyo ng katawagan nila sa pulot-gata. Ang Kastila ay (la) luna de miel, na tinumbasan ng lune de miel sa Pranses at luna di miele naman sa Italyano.[6][7] Bagaman ang literal na salin ng mga pariralang ito ay "ang buwan ng pulot", o "pulot-buwan" sa kaso ng Ingles, ang pakahulugan talaga ng mga ito ay kabuwanan ng pulot (honey month), isang buwan ng pagkaroon ng tamis ng pulot o isang buwang kasingtamis ng pulot, sapagkat ito ang unang buwan o tatlumpo o talumpo't isang araw ng bagong-kasal na mag-asawa, at wala pang bawas ang kanilang pagtanaw sa isa't isa. Ganito rin ang diwa ng mga katumbas na parirala sa wikang Welsh (mis mêl), Arabe (shahr el 'assal), at Persa (Persian) (mah e asal).[3] Kapag inihambing, ganito rin ang pahiwatig ng salitang pulotgata sapagkat kapwa matatamis na mga pagkain ang pulot at gata. Dalawang salita ito na pinagsama upang magbigay-diwa at maglarawan - sa hindi masamang kaisipan - ng katamisan ng pagsasama ng mag-asawa at ng kanilang mga pansariling gawain at obligasyon na kinasasangkutan ng pagpaparating ng damdamin nila sa isa't isa, sa pisikal na paraan man o galing sa puso at isipan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tinatawag na "luto ng Diyos"[8] - sa pabiro at makatang paraan - ang pagsisiping ng mag-asawa na may pagtatalik.[8]

Pook na puntahan

baguhin

Noong mga dekada 1820, ang mga baybayin at mga lungsod sa Côte d'Azur, Italya, Roma, Verona o Venice ang ilan sa mga pinakabantog na tunguhan ng mga mga magpupulotgata. Itinuturing na romantiko ang mga lugar na ito.[3]

Sa Pilipinas, ang lungsod ng Baguio ang isa sa mga binibisitang lugar ng mga bagong-kasal.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 English, Leo James (1977). "Pulot-gata, pulot, at gata". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. De Guzman, Maria Odulio (1968). "Pulotgata". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Hango mula sa lathalaing "Honeymoon" ng Ingles na Wikipedia
  4. Ginger Strand (Enero 2008). "Selling Sex in Honeymoon Heaven". The Believer. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-21. Nakuha noong 2008-03-20.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. English, Leo James (1977). "Buwan at pulot". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "lune de miel, lune, miel". "Larousse's French-English/English-French Dictionary" (Talahulugang Pranses-Ingles/Ingles-Pranses ni Larousse). 1996.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "luna de miel, luna, miel". Larousse Mini Dictionary/Mini Diccionario Español-Ingles/English-Spanish (Talahulugang Kastila-Ingles/Ingles-Kastila ng Larousse). 1999.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 "Tan, Michael L., Ma. Teresa Ujano Batangan, Henrietta Cabado Españona, Lailani Guiang, Leo Quintilla, Jay Yacat, Randy Banaag, Sonja Jusayan, at Criselda Heredia. "Luto ng Diyos" (God's Cooking), Sex, Sexuality and Gender (section), Pagnanasa, Pagmamahal: Contextual Factors Affecting Risk-related Sexual Behavior Among Young Adults in the Philippines - Executive Summary, Teenfad.ph". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-12-05. Nakuha noong 2008-03-12.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)