Restoran

establisimyento na naghahanda at naghahain ng pagkain
(Idinirekta mula sa Restaurant)

Ang restoran ay isang negosyo na naghahanda at naghahain ng pagkain at inumin sa mga kostumer.[1] Karaniwang inihahain at kinakain ang mga pagkain sa lugar, ngunit naghahain ang maraming restoran ng teykawt at deliberi. Magkakaiba ang mga restoran sa itsura at mga inihahain, kabilang dito ang pagkasari-sari sa mga lutuin at modelo ng serbisyo mula mga mumurahing paspudan at karinderya, hanggang mga pampamilyang restoran na mas mahal, hanggang mga mamahalin at magarbong establisimyento.

Ang silid-kainan ng Via Sophia sa Washington, D.C., Estados Unidos na isang sosyal at mamahaling restoran.

Mga uri ng restoran

baguhin

Noong d. 1980 at d. 1990, nagbago nang lubusan ang industriya ng restoran dahil sa mga negosyante, kabilang dito sina Terence Conran, Christopher Bodker, Alan Yau, at Oliver Peyton.[2] Ngayon, inuuri ang mga restoran sa mga iba't ibang paraan. Pagkain mismo ang pangunahing salik hal. behetaryanismo, pagkaing-dagat, o inasal. Maaari ring ikategorya ang mga restoran ayon sa pinagmulan ng lutuin hal. Pilipino, Italyano, Koreano, Tsino, Hapones, Indiyano, Pranses, Mehikano, o Taylandes. Ang istilo ng paghahain ay naging mahalagang namumukod-tanging salik sa industriya ng restoran hal. tapas, sushi, bupey, o samgyupsal. Higit pa rito, maaaring mapaiba ang mga restoran sa mga salik tulad ng bilis ng serbisyo hal. pangmadaliang pagkain. Naging bigatin ang mga restorang nakatema at restorang awtomatisado sa industriya ng restoran at maaaring kasama rito ang pinong kainan, kaswal, kontemporaryong kaswal, pampamilya, kapihan, konsesyunan, pudtrak, at birtuwal na restoran.

Malawak ang saklaw ng mga restoran. May mga mumurahin at impormal na kainan para sa mga taong nagtatrabaho sa malapit, na may simpleng pagkain at lugar sa murang presyo, at may mga mamahaling establisimyento na naghahain ng pinong pagkain at sosyal na alak sa pormal na tagpo. Sa naunang kaso, kaswal ang sinusuot ng mga kostumer. Sa nahuling kaso, depende sa kultura at mga lokal na tradisyon, maaaring magsuot ang mga kostumer ng semi-kaswal, semi-pormal o pormal na damit.

Regulasyon

baguhin

Sa maraming bansa, iniinspeksyon ang mga restoran ng mga inspektor ng kalusugan upang mapanatili ang mga pamantayan para sa kalusugan ng publiko, tulad ng pagpapanatili ng wastong palalusugan at kalinisan. May kinalaman ang mga pinakakaraniwang uri ng mga paglabag sa mga ulat ng inspektor sa pag-iimbak ng malamig na pagkain sa angkop na temperatura, wastong sanitasyon ng kagamitan, regular na paghuhugas ng kamay at tamang pagtatapon ng mga nakakapinsalang kemikal. Maaaring gawin ang mga simpleng hakbang upang mapabuti ang kalinisan sa mga restawran. Dahil madaling kumalat ang sakit sa paghahawak, hinihikayat ang mga restoran na palaging punasan ang mga mesa, pihitan ng pintuan at menu.[3]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Definition of RESTAURANT" [Kahulugan ng RESTORAN]. Merriam-Webster (sa wikang Ingles).
  2. Bethan Ryder (2004). Restaurant Design [Disenyo ng Restoran] (sa wikang Ingles). Laurence King. p. 13. ISBN 9781856693639.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Sibel Roller (2012). "10". Essential Microbiology and Hygiene for Food Professionals [Esensiyal na Mikrobiyolohiya at Palalusugan para Mga Propesyonal sa Pagkain] (sa wikang Ingles). CRC Press. ISBN 9781444121490.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)